Wednesday, September 26, 2012

Quitters Win



I felt insulted and disrespected. Earlier today, I had my lunch alone. It is one time I enjoy during my days at work. I rarely go out with teammates during lunch. I just love the solitude. So I was alone until a group of former workmates came at the place. I knew only two of them as I usually had meetings with them during my stay at their company. And the others were just familiar faces. The place was full. So they asked if they could share seats. I gladly accommodated them as it was also a chance to have a chitchat with former workmates.  Then one of the other familiar faces said she didn’t know me. Then in return, I told her I recognized her as she’s someone who’s always on the registration table during events.  Then she asked for my name then she suddenly remembered me. Just my name to be exact.

So I was eating this


They were around 6 or 7. They seemed to be in a playful mood. They were the usual groups we see, joking around, talking aloud. So I was eating my meal then. I stopped for a while as part of courtesy. I talked a bit with the two that I knew. And at times the other familiar girl joined in.  They were waiting for their orders.  Then one of the two persons I knew had her food. She had a large cup of drink. I asked her if what she had was the large tea. I’m not yet familiar with the menu there as the resto had just opened.  She had a large cup at hand but I’m not sure if it’s the one that was in the promo ad at the counter so I had to ask. Then this just-familiar girl butted in on a sarcastic tone saying “no, it is not. It is the SMALL one”. Yeah, ok. We’re close, NOT. She did not even know me like she said. And she disturbed my solo time. Yet she's trying to make fun of me. Or maybe I was just not clear if I was referring to the promo. But still I don’t think I deserved that.

Okay, so they’re in playful mode. So I just tried to join their mood rather than feeling bad about it. Then I asked if what she’s having then is the “very small tea” as she’s holding a relatively smaller cup, almost half the size. There’s just a 10 peso difference between the prices of the large and regular tea as seen on the list so I had to ask again. But the reply I received was a sarcastic blabber. So I just shut my mouth. Then I let them do the joking among themselves. Then I just learned that what she’s drinking was not the tea but milkshake. So my question was indeed valid but she seemed to be disinterested with a respectful chatting.  I quit trying to make a serious talk with them except for the two I knew.


To quit is not at all that bad. It may also mean freedom. Freedom to chase the things you really wanted.  To do other things which were not possible.


Quitting does not mean surrendering your goal. It is actually a way to reassess your target. Is your objective to be the best employee in that company or is it to achieve a better life thru your job? Is your dream to be the best player in your team or to achieve your maximum potential as an athlete? Is your target to earn on that particular stock or investment or is it to attain financial freedom? 


Most of the time, we are blinded by the drive to succeed in every engagement that we do. Or by the motivation being told by the people around us which inspires us to push further to become better in our current situation. We usually get sidetracked from our main goal trying to work harder thru that particular medium.  


Your goal is to shoot that and win. Not to make good dribbling and look good.


That’s what most things around us are. A medium to achieve our end goal. But most of us end up simply trying to be the best in that specific medium. And then forgetting what our initial targets really are.  And we end up ignoring other possible and better options to attain our dreams. And we got stuck. And then it’s too late.


If quitting crosses your mind, for once try to give it a serious thought. Weigh things around it. Listen to your body, your emotion and your thoughts. They are trying to say something. Listen carefully. Think twice. Thrice.  And then choose. You will have two major options. First is to quit what you’re doing now while bringing with you what you learned from it and finding a better medium to get to your target. Second is to quit the blame game. It’s your choice to stick to that situation anyway. 


So I still had a meal to finish. I tried to excuse myself so I can continue eating in front of them. So the typical Pinoy I am, I said “kain”. We know what this statement mean, right? I just had to say it so I could excuse myself from talking and to finish my meal. Again, in front of all of them. Then this other guy who doesn’t even have a familiar face whispered loudly (yes, it can be done) to that familiar girl. He said “kain daw”. I knew what he’s up to. The coward's trying to drag that familiar girl to throw another sarcastic joke on what I said. Such a very disrespectful group. Well, the two I knew didn’t join in. They showed courtesy.


Somehow, it made me feel good that I quit my former job. Not that I have anything bad to say about it.  I actually had a great time with them and leaving it was a big decision for me. I learned and gained a lot from my stay there. It’s just that if I didn’t quit, I could have been assigned to lead this bunch of disrespectful people.  Well, it’s actually better for them that I quit. If they only knew what I was like back then. They were lucky. And good thing for me that I changed. For the better. I hope so. 

Monday, September 24, 2012

Takot ka na ba?



Takot akong magutom. Sa pag-grocery, kadalasan may mga binibili ako na mga pasobrang pagkain.   Tipong mga miryenda tulad ng mga instant pancit canton, tinapay, crackers, etc, yan madalas ang stock namin sa bahay. Abutin man ng gutom anumang oras, may makukutkot kahit papaano. Ang problema nga lang, minsan nga sumosobra na talaga.  Kahit nananawa na ko dun sa pagkain na yun, kailangang ubusin ko para di masayang. At ang mas malala, may ilan na inabot na ng expiration date. Sayang. Tsk. Teka, isang linggo pa lang naman pala lagpas, puede pa to. Lutuin ko maya itong pancit canton.


Napakamakapangyarihan ng takot. Napapakilos nito ang isang tao ng hindi nakakapag-iisip ng maayos kaya nakakagawa ng bagay na minsan ay hindi niya gusto. O kaya naman ay hindi lohikal. Parang ang isang machong lalake ay magpipipiglas na parang bulateng naasnan kapag naliparan ng ipis sa may batok.  Kung alam mo kung paano gamitin ang takot, maraming bagay na posibleng mangyari.  Na posible mong magawa. Na posible mong makuha.


Nakatatak na sa ating mga Pilipino na pag Undas ay may magandang episode ang Magandang Gabi Bayan. Kahit ngayon na wala nang MGB sa ere ay nagpapalabas pa rin ng special episode ng MGB tuwing ganitong panahon. Marami pa rin kasi ang humihingi. Nakakatakot naman kasi talaga ang pagkkwento ni Kabayan. Boses pa lang kakabahan ka na. Naging tradisyon na nga. Dagdagan pa ng matitinding reenacment na talagang nakakagulat. Kaya naman todo taas ng ratings ng MGB tuwing ganitong panahon. Lahat tayo ay takot pagkapanood nito. Ayaw magpaiwan mag isa. May natutulog ng bukas ang ilaw. At ayaw ng walang katabi. Praning na praning.  Takot na takot. Pero taon taon ay inaabangan pa rin natin ito.



Sana meron uli sa Halloween


Nag-umpisa din ang pagkaadik din natin sa mga Asian horror movies dahil sa “The Ring”. Nagkaroon pa ng “The Ring 2”, “The Ring  3”, “The Ring  Zero”. Binili pa ng Hollywood ang rights para makagawa ng version nito. At di lang yan, nagkaroon pa ng iba’t ibang “The” movies. May “The Grudge”, “The Eye” at kung ano ano pang “The” movies na karamihan ay galing sa bansang Japan. Syempre, di tayo nagpahuli. Nagkaroon din tayo ng iba’t ibang horror movies na nakakatakot din talaga ang dating tulad ng “Feng Shui”,”Sukob”,”Segunda Mano”,” The Road”, etc. 


At bago pa yan, nauna na talaga tayo sa kanila. Bago pa yang mga “The, The” na yan ay may “Shake Rattle and Roll” series na tayo. Pang ilan na nga ba ngayon? At ang mga ito ay pinapalabas hindi lang Undas. Kadalasan pa nga ay pag Pasko tuwing MMFF. O kaya ay kahit anong panahon tulad ng mga aswang movies ni Lovi Poe. At talagang tumatabo sa takilya ang mga ito kahit anong buwan pa yan ipalabas. 


Ang original na halimaw ay hindi galing sa balon

Hindi lang sa palabas sa TV at pelikula uso at bumebenta ang takot. Maging sa tunay na buhay.Kung takot ka sa bagong lumalaganap na sakit, bibili ka ng lahat ng puedeng pamproteksyon. Magpapaturok ka ng lahat ng puede mong panlaban. O kaya bibili ka ng mga gamit na tingin mong magpprotekta sayo sa kung ano mang nakakatakot nay un.


Maging ang iba nating ginagawa at pinagkakagastusan ay dahil sa takot. Takot mapag-iwanan sa bagong model ng smart phone o gadget kaya kada bagong release kailangang nauuna. Takot mahuli sa kwentuhan sa bagong pelikula kaya kahit hindi talaga trip yung genre, pinapanood na. Dati ilan lang ang nakakakilala kay Thanos. Takot na ma-tag na hindi cool kaya nakiki-banat na din kay Justin Bieber at sa One Direction or sa bagong uso na tingin natin ay hindi astig. 


Maaagang pumila sa bilihan ng mansanas (photo from CNET news)


SARS scare, bird flu scare, end of the world, rice shortage, Dengue outbreak, Euro market meltdown, West Philippine Sea dispute, global warming, tsunami alerts, terrorists attack, overpopulation,  riding in tandem,  pagtaas ng singil sa kuryente at gasolina at kung ano ano pang mga bagay ang kadalasang kinakatakot ng mga tao sa panahon ngayon. Araw araw, yan ang maririnig, mapapanood at mababasa natin sa balita. Walang araw na di ka makararanas ng takot. 


Kung di mo man matyempuhan sa balita, siguradong ishe-share pa yan sa mga Facebook walls nyo at magiging viral pa nga. At malapit na nga pala ang December 21, 2012. Kung di mo pa nababalitaan ay di ko alam kung san kang lupalop nagtago. Pero ayon daw sa Mayan Calendar ay ito ang posibleng end of the world. Pero baka hindi ito magkatotoo. Pero wag mag-alala. Dahil meron nang balita na sa 2013 na matitinding solar flares ang puedeng makaapekto ng matindi sa mundo. Mapaparalisa ang komunikasyon at maraming bagay sa daigdig. At kung hindi pa rin ito mangyari, sa 2040 ay baka tamaan tayo ng malaking asteroid. Pili ka na lang kung ano mas nakakatakot. Pero bago pa ang mga yan baka magka World War 3 na. Astig di ba?


Wag kang OA. Kahit wala si Goku, si Master Roshi lang kaya ngang pasabugin ang buwan eh. Asteroid pa



Dahil sa takot, nauuna kadalasan ang emosyon. Dahil sa emosyon, nawawala tayo sa tamang isip at desisyon. Reactive. Natural na siguro sa tao. Pero dahil tao tayo, lamang dapat tayo sa karaniwang hayop. Meron tayong gift of reasoning. Pero sa ayaw at sa gusto natin, vulnerable tayo sa takot lalo na kung sunod sunod. Mas lalo na kung tayo mismo ang nagdadala ng takot sa ating sarili.  Bumibili tayo ng bagay na magpprotekta sa atin. Sa ating pamilya. Gumagastos tayo para maalerto tayo sa lahat ng uri ng panganib. Kahit yung panganib na walang kinalaman sa tin. Pag ipinasa pa sa tin ang takot, kadalasan ay exaggerated pa.


Napakaraming doomsayer sa mundo ngayon.  Para saan at kanino nila ginagawa ito, sila lang ang nakakaalam. Para sa tin? Para sayo? Para sa kabutihan mo? Siguro. Kaya siguro sa bawat “pananakot” ay meron agad silang “epektibong suhestyon at solusyon” para maprotektahan natin ang sarili natin. May bagong bakuna at antidote para sa pag-iwas natin sa isang bagong sakit. May bagong libro at dokumentaryong nilabas para ibigay sa atin ang impormasyon at mga kailangang gawin para maiwasan natin ang mabilis na pagkagunaw ng mundo. May bagong batas na isusulong at proyektong  popondohan para maiwasan ang patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng bansa. May mga bagong gadget na ilalabas para makatulong sa security mo at para updated ka uli sa mga bagong pananakot na ilalabas ng iba.


Kung ganito ang gagawin mong kalendaryo, gagawa ka pa ba sa susunod na taon?

Importante ang takot. Ito ang dahilan kung bakit nabuhay ang specie natin sa mundo. Dahil sa takot ay nalaman ng mga ninuno natin na hindi dapat tumalon sa bangin, magpakalunod sa dagat at tumabi sa mga mababangis na hayop  Subalit ang isa sa kinakatakot ko ay ang dumating ang panahon na lahat na lang tayo ay mapraning na. Sa tingin ko nga ngayon ay malapit na. 


Dumating na sa puntong karamihan ay pare pareho na lang ang reaksyon sa bawat sitwasyon. Pare-pareho na lang din halos ng sinasabi.  Tila ba nakaprograma na sa kung anong ikikilos at mararamdaman. Para tayong tinataranta. Parang minamadali. At ang pagkilos ng padaskol daskol ay kadalasang dala ng emosyon. Kadalasang hindi masyadong napag-iisipan. At kadalasan, ang ganitong kilos ay bunga ng takot.


Kaya sana itong post ko na ito ay makatulong sa pag-iisip natin ng malinaw. Makalma ka ng konti. Pero anong malay mo kasama pala ko dun sa nagbbrainwash. Pero at least hindi naman kita tinatakot. Sasabihin ko lang naman sa yo na pag di mo ni-like yung Facebook page nitong blog, tutubuan ka ng kulugo sa hinliliit mo sa kaliwang paa at di yan maaalis sa loob ng 3 araw. Biro lang.

Tuesday, September 18, 2012

Di na natuto... alak pa... mwah mwah



Ilang beses na nating narinig, walang pinagkaiba ang alak sa pag-ibig. Parehong nakalalasing. Tatawa ka ng tatawa ng walang dahilan. Minsan ay para kang nakalutang. Mawawala ang inhibitions mo pag nasobrahan. Masasabi mo ang lahat ng bagay na hindi mo masabi sa normal na sitwasyon. Magagawa mo ang mga bagay na di mo kayang gawin kapag wala ka pang “tama”.

Alcohol, alcohol, alcohol...


Pero ang alak, tulad ng pag-ibig ang kadalasan ding sinisisi kung kinabukasan ay gigising tayong masakit ang ulo. Masakit ang katawan. O masakit ang damdamin. Sa sobrang sakit ng ulo mo sa hangover, sinasabi mo na di ka na uli iinom. Sinusumpa mo ang alak. Katulad din sa pag-ibig. Pag nasawi ka, masakit. At sasabihin mong di ka na iibig pang muli. Kasalanan ng alak. Kasalanan ng pag-ibig. 


Dalawang bagay na walang isip. Mga bagay na di ka naman pinilit na kunin mo. Na angkinin mo sila. At ng napasobra ka sa pagkonsumo, sila na ngayon ang may kasalanan. Sila pa ang masama. Wala naman silang kinalaman sayo. Ikaw ang walang kontrol. Ikaw ang nagpabaya. Ikaw ang may isip. Ikaw ang may utak.

So sinusumpa mo na ang pag-ibig ha...


At bukas, panibagong araw uli. Wala na ang hangover. Wala na ang sakit. Sabi mo di ka na uulit. Sinusumpa mo na nga eh. Ngayon ok ka na kahit papano. Buti pa mag unwind muna tayo. Para makalimot lalo sa problema. Sa sakit. 


Alam mo, walang kwenta talaga yun. Kalimutan mo na siya. Ikaw naman kasi eh. Di ka nakinig. Tama na ang iyak. Pero alam mo, gumaganda ka pala pag medyo mugto ang mata mo. Walang halong biro. Oo nga.  Andito lang  naman ako lagi para sayo e. Oo matagal na. Andyan kasi siya kaya di ako makalapit sayo. Talaga?  Ganon ka rin? Ows? Tayo na. Yehey, I love you. I love you too. Mwah mwah tsup tsup. Lasing ka na yata. Hatid na kita. Bukas uli ha.

Wednesday, September 12, 2012

Ang Bayan ng Slogan (kawawa ka naman)



Solar plexus. Natutunan ko ang salitang ito dahil sa basketball. Ugali ko kasi noong bata ako na gayahin ang idol ng lahat, si Michael Jordan. Pag fastbreak, nakalabas pa ang dila. Minsan nakuha ko ang rebound at tinakbo ko ng diretso. Mabilis kasi ako tumakbo non. Walang nakahabol sa kin. Sure shot ito. Layup na solo. Malapit na ko sa ring. Nasa may shaded lane na ko ng freethrow line. Para sa mga di nakakaalam, shaded lane ang tawag dun kasi may pintura. At sa semento kami naglalaro. Semento plus pintura equals bad combination. Madulas. At nadulas nga ako. 

Nakakahiya. Solong solo ako sa fastbreak, nakalabas pa dila, at nadulas. Humampas ang likod ko. Ansama ng bagsak ko. Pagtayo ko, para kong hinihika. Hirap na hirap akong huminga. Itinayo ako ng mga kasama ko. Hinimas ang likod ko. Hanggang sa marelax ako at makabawi. Pero masakit pa rin ang likod ko. Nagtanong ako sa eksperto kung ano nangyari. Solar plexus ko raw ang napuruhan kaya para akong di nakahinga. Yun pala yun. Akala ko sa sobrang kahihiyan lang kaya nangyari yun.


Pagkatapos nun, parang walang nangyari sa kin. Ganon pa rin naman ako maglaro ng basketball. Takbo ng matulin, talon ng mataas. Sabi nga sa slogan ng isa sa pinakasikat na brand ng sapatos, “Just do it”. Hindi na nga lang ako naglalabas ng dila pag nagffastbreak. 

MJ Trademark
 

Nakakainspire ang mga slogans. Isang salita lang, parang kaya mo na ang lahat. Malaki ang sakop ng iilang salitang pinagsasama sama. Ansarap pakinggan. Pero marami rin naman ay walang laman. Salita lang na kung hihimayin, wala namang sustansya. Parang junkfoods. Ang sarap lantakan, pero wala kang makukuhang nutrisyon. At yan ang mga dapat nating pag-ingatan. 


1. “Para sa maayos na daloy ng trapiko, disiplina ang kailangan”

Buhol buhol na mga sasakyan. Mga public vehicles, malaki at maliit, na humaharurot at naguunahan sa pasahero. Kada kantong ginagawang terminal. Mga hukay para sa tubig, kuryente, road construction, telco lines na sabay sabay ginagawa. Singitan sa kaliwa’t kanan. Nagreresulta kadalasan sa banggaan. At lalong masikip na daloy ng trapiko. Delubyo. Exaggeration pero yan ang pakiramdam pag naipit ka dyan. Sabi ay disilpina sa kalsada ang kailangan. Disiplina…lang? Mali. Dahil ang kawalan ng disiplina ng mga motorista ay bunga lang ng mas malalaki pang mga problema ng bansa.

Usual EDSA (photo credit: trekearth.com)
Taon taon ay patuloy ang pagrelease ng prangkisa sa mga jeep, buses, taxi, tricycle atbp. Kung hindi mabigyan ng prangkisa, may mga nagco-colorum. Parami ng parami ang pampublikong sasakyan habang walang matinong pag-aaral na nagaganap sa gobyerno tungkol sa statistika at pangangailangan sa bawat lugar ng mga PUVs. Congestion sa kalsada sa ilang lugar. Agawan sa pasahero. Nagreresulta sa mababang posibilidad ng pagkita ng mga drivers.  Magugutom ang kanilang pamilya kung wala silang gagawin. Kaya kinakailangan nila ng mga “diskarte” na nagbubunga ng kaguluhan sa kalsada. At dahil sa pagbaba ng kanilang kinikita kasabay ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ay ang di maiwasang pagtaas ng pamasahe para sila ay makabawi. At sapul ang commuters.  Dagdag pa ang kawalang plano at koordinasyon ng mga naghuhukay sa kalsada. 


Kahit anong disiplina at pasensya ng libo libong tao sa kalsada, mauubos at mauubos din. Yan ay kung walang gagawin ang mga may kapangyarihan sa mga issue na nabanggit sa taas. Walang regulasyon sa prangkisa, di paghuli sa mga colorum, at hindi maayos na paghuhukay ng mga kalsada. Nakakapikon. At dahil napikon ka, ngayon ikaw na ang guilty. Wala ka daw kasing disiplina.


2. “Iwasan ang pagatapon ng basura ng maiwasan ang pagbaha” 

Panahon pa ng ninuno natin bumabaha na. Di pa marumi Ilog Pasig at Manila Bay, nakakaranas na ng matataas na pagbaha ang maraming lugar sa Metro Manila. Pero hindi pa “hopeless case” ito. Maraming urban planning na ang pinropose para ayusin ang problema sa baha. 1970s pa ay may warning na at proposed solution. Ayon kay Arch. Palafox, kung nasunod lamang ang mga ito ay hindi na sana natin nararanasan ang ganitong problema.  Pero walang ginawa.  Wala ring pagkontrol sa mga establisyamento at mga informal settlers.  At dumumi pa lalo ang paligid. Napuno ng basura ang mga ilog, ang mga drainage, etc. At lalong lumala. Pero noon pa nga may baha na. At noon pa may plano na. Pero walang ginawa. At patuloy pa ring walang ginagawa. At ngayon ikaw ang guilty sa pagbaha kasi nagtapon ka ng balat ng kendi.

Baha in Manila circa 1950s (photo courtesy of From Paulo Alcazaren on Facebook)


3. “Sipag at tiyaga para sa maayos na kinabukasan”

Wala na sigurong mas sisipag pa sa mga kababayan nating contractual ang trabaho. Every 6 months mag-aayos ng papel tulad ng NBI clearance, resume, SSS, medical checkup, etc.  Alam ng bawat Pilipinong empleyado ang hirap sa pagkuha ng mga yan. Pagkatapos, magttrabaho sila ng 8 oras at mahigit pa araw araw sa maliit na sueldo. Karamihan pa ay hindi kumpleto ang benepisyo. Pagkatapos ng anim na buwan, nangangapa uli sila kung makakahanap pa uli sila ng panibagong trabaho. Para may pangkain sa susunod pa uli na anim na buwan. At mag-aayos na naman uli sila ng mga papel.

Maraming trabaho sa bansa. Pero hindi lahat ay sumasakto sa kinakailangan. At hindi lahat ng trabaho ay nagiging patas at sapat ang benepisyong binibigay.  At marami sa mga kababayan natin ay kung ano na lang ang meron ay tatanggapin na lang. Kesa nga naman magutom ang pamilya. Marami pang problema sa employment policy sa bansa. Ang naaabusong contractualization. At marami ring mga polisiya ang nagpipigil na mamuhunan ang mga foreign investors tulad ng 60-40 ownership ng local to foreign businessmen ng mga kumpanya sa bansa. Ang pahirapang redtape. Ang madaling proseso at mas bukas na market sana para sa mga investors ay magbubukas ng mga positibong bagay sa ating merkado. Mas magbibigay ng maraming oportunidad sa ating mga kababayang naghahanap ng mas maayos na trabaho. Pero dahil nga maraming balakid, pasensyahan na lang. Pagtiyagaan na lang natin ang meron. At dahil wala kang trabaho o hindi ka naghahanap ng mas maayos na puede mong pasukan, ikaw ang guilty. Kasalanan mo na naman.



4. “Kung walang korap, walang mahirap”
 
Tama. Sobrang tama. Kaya dapat may mga batas na sanang maipatupad para mabawasan ito. Ito ang dapat iprioritize ng gobyerno. Ang mabawasan ang korapsyon. Nagpapabigat sa ting mga Pilipino. Tax natin napupunta sa bulsa ng iba. Dapat ay  magkaroon ng matinding transparency. Mga polisiya at mga batas na mahuhuli at masasambat ang mga gumagawa ng kalokohan sa mga kontrata at bidding. Mga taong gobyerno na ginagamit ang kapangyarihan para sa sariling kapakanan. Mga nagwawaldas ng buwis ng bansa para sa kanilang mga luho. Kailangan ng matibay na batas para dito. Meron na ba? Wala pa. Meron atang bill na nakalatag tulad ng Freedom of Information. Ito sana yung makakatulong para masilip natin ang mga kalokohan. Magkakaroon na ng transparency sa mga transaksyon ng gobyerno. Pero wala ito sa priority bills. Sorry na lang tayo. Kung walang korap sana, mababawasan ang kahirapan. Kaso mahirap ka. Mahirap tayo.  Kasalanan natin.
Kung walang korap, wala sila? Iba ata intindi ng iba ah (photo credit: retroworks.blogspot.com)

5. “Itigil ang pagrereklamo sa gobyerno. Ikaw ang solusyon.”

Matalino ang nakaisip nito. Marahil ay taga gobyerno. Pero hindi. Dapat magreklamo ka. Karapatan mo ang magreklamo. Gumawa ka ng ingay. Kailangan ay may accountable sa lahat ng nangyayari. Accountable tayong lahat. Pero merong dapat umako ng malaking bahagi. Kaya nga tinatawag silang “leader”. Tumakbo sila sa posisyon sa kanilang mga pangako. Maaaring nauto ka nila sa pagkuha ng boto mo. Pero hindi ka na dapat magpauto pa na ang sitwasyon mo ay ikaw pa rin ang may kasalanan ng lahat.  Masipag kang nagttrabaho sa araw araw. Binubuno mo ang kaguluhan sa trapiko at taas ng pamasahe. Kahit pa anong baha o sakuna ay tatawirin mo para lang makapasok at may ipampakain ka sa pamilya mo. Nagkakandakuba ka na sa kakatrabaho at kakaasikaso ng papel mo tuwing ikaanim na buwan. Tapat kang naninilbihan sa mga amo mo at wala kang magagawa kundi kunin ang sueldo mong automatikong  binawasan ng buwis para ipampondo sa gobyernong ito.  Wala pa sa isang porsyento ng araw mo ang pagrereklamo, pipigilan ka pa nila. At ikaw pa rin ang palalabasing may kasalanan.

Salamat sa isang kaibigan sa pagshare ng larawan (Photo credit: Conspiracy Syndrome Facebook page)

Pasensya na pero mali ang akala mo. Hindi ikaw ang simula. Hindi ikaw mismo ang mag-aayos ng problema ng bansang ito. Maaaring sa ating pagboto nga ang umpisa ng lahat. Pero hindi dapat dun nagtatapos kung magkamali man tayo sa pagpili. Kung nagagawa mong pukpukin ang ilang mga tao sa social media dahil sa tingin mo na maling ginawa nila tulad ng pananakit ng traffic enforcer o paggamit ng salita ng ibang tao sa kanilang speeches na kung tutuusin ay masyadong maliit na bagay para problemahin pa ng buong bansa, bakit hindi mo yan magawa sa malalaking issue na mas may epekto sa sitwasyon ng mas nakarararaming mamamayan? O baka nakikisakay ka lang.

At ayaw mo ng mareklamo habang ikaw ay marami rin namang reklamo. Ayaw mo ng nagrereklamo ang ibang tao dahil tingin mo wala na silang ibang ginagawa. Tingin mo sila ang may kasalanan. Sila ang dapat kumilos at itigil ang reklamo. Tama naman. Maraming paraan para umunlad ang isang tao sa bansang ito. Maraming puedeng gawin para maging maayos ang buhay natin sa Pilipinas tulad ng laman ng post na ito. Pero marami pang puedeng gawin sana ang gobyerno para mas mapaunlad at mapadali ang buhay ng nakararami. Ang dahilan ay ilan lamang sa mga nabanggit sa itaas. Pero, salamat sa mga slogans. At dahil don, ikaw na ngayon ang may kasalanan. Ikaw na ang guilty sa lahat ng problema sa bansa. Kung ano ang mga kamalasang nangyayari sayo, hindi na sa gobyerno ang pagkukulang ngayon. Sabi kasi nila eh. Ikaw na ngayon mismo. Sayo na ngayon nagsisimula. Ikaw na ang accountable. At napaniwala ka sa mga sinabi nila. Kawawa ka naman.



LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Follow my Blog