Sunday, April 27, 2014

Halina at Magsugal

Marunong na ko ng sugal na “Mahjong” sa edad na siyam.  Kakapanood ko ng paglalaro nito ng mga may edad na sa amin, natutunan ko na agad. Pung, baril, chow, flores, todas, char, balls, stick, etc.  Nasa bokabularyo ko na ang mga yan sa murang edad. At may set pa nga kami nito sa bahay at ang laro namin ng kapatid kong lalake noon pag hindi ito ginagamit ay nagpapagalingan kaming maghula sa pagsalat ng mga mahjong pieces. Bukod dun, natuto din ako ng mga laro sa baraha tulad ng lucky 9, tong its, pusoy, pusoy dos at iba pa. Natuto rin ako nung lumaki na ako ng pagtaya sa karera. Forecast, extra double, daily double, pentafecta, trifecta, pick 6, WTA.  Nag eenjoy din ako sa panonood ng nagsasalpukang manok pag may nagsasabong sa may amin. Naging libangan din namin minsan ang pagbi-bingo sa bahay. Bente singko lang ang dalawang card. Matatapos ang paglalaro ng ilang oras, masuwerte ka na kung manalo ka ng limang piso at malas na ang matalo ka ng dalawang piso.



Sa kabila nito, lumaki naman kaming magkapatid na hindi nalulong sa sugal. Kahit may mga kaibigan ako noon na naglalaro ng mga cara cruz o kaya ay yung “digit” na ginagawa sa paghula sa serial number ng mga perang papel at parang lucky 9 ang laro, hindi ako nahumaling na sumali sa mga ganon. Unang una,takot akong malulong sa sugal. Pangalawa, wala rin kasi talaga akong pantaya.  Pero aminado ko na nasubukan ko rin ang ilan dito tulad ng pagtotong its kasama ang ilang mga kaibigan o kaya ay pagtaya sa color game sa mga peryaan. Paminsan minsan, ang pagtaya sa lotto ay ginagawa ko rin. Ang keyword dito ay ang “paminsan minsan”. Mabibilang sa daliri kasi ang bilang na naglaro at nagsugal ako sa loob ng isang taon. Pero ang totoo, halos araw araw akong nagsusugal. Ganon ka rin.

Ang sugal ay pagtaya ng bagay na mahalaga sa yo at umaasa kang magiging kapalit nito ay may mas malaking halaga. Hindi ito laging pera o materyal na bagay. Ang mga taong lulong sa sugal ay hindi pera ang tunay na itinataya kundi ang kanilang oras at pagkakataon na gumawa ng mga paraan na mas siguradong ikaaayos ng kanilang pagkatao. Sa kabilang banda, hindi lahat tayo ay kayang tumaya ng ganitong kalaki sa buhay dahil mas inaalala natin ang magiging epekto nito hindi lang sa sarili kundi mas lalo sa mga taong sa atin ay umaasa. Dun tayo sa tingin natin ay mas siguradong paraan para umayos ang ating buhay. Sa sugal ay maaari tayong suertehin at manalo ng malaki at hindi kailangan ng may tinapos ka o may kaalaman ka sa ilang bagay. Basta alam mo kung paano ang tumaya at nanalo ka, puede na.  Pero maliit ang tsansa.


Nakita mo na ito dati





Karamihan sa atin ay “sigurista”. Mag-aaral hanggang makatapos. Maghahanap ng trabaho. Magnenegosyo. Mangi-ngibang bansa. Magpapamilya. At marami pang iba na desisyon sa buhay na sa tingin mo ay “safe”. Itinataya mo ang oras at kaalaman para sa mga bagay na ito na siyang mapaggagamitan ng pinakamahabang oras ng buhay mo. Lahat para sa pag-aasam ng “siguradong panalo”.

Pero tulad sa kahit ano pang sugal, walang laging panalo. May mga taya ka sa buhay na hindi magbubunga. May ilan na malulugi ka. May ilan na paaasahin ka hanggang dulo para lang sa wala. At meron naman na kahit maliit lang ang taya mo e makukuha mo ang jackpot.



Kung tatanungin mo ang mga naaadik sa sugal kung ano ang nagbibigay sa kanila ng “high”, ito ay yung kaisipang puede silang manalo ng malaki sa maliit na tsansang pinanghahawakan nila.  Kaya kahit talo, dirediretso lang sa pagtaya at umaasang makukuha rin nila sa dulo ang panalong pinakaaasam. Adik.

Pero sana, tayo din ay ganon pagdating sa ginagawa nating pagsugal sa buhay. Alam natin na ang tsansa sa mga gusto nating makamit ay hindi laging sigurado. May kailangan tayong ilaan o isakripisyo para makuha ang mga bagay na yon. Sana ay mabahagian tayo kahit kaunti ng mga lulong sa sugal kahit konti sa pakikipagsapalaran at patuloy na pagtaya sa buhay. Hanggang makamit rin natin ang mga bagay na gusto nating marating, tataya pa rin tayo kahit na nakakaranas tayo ng pagkatalo.



Thursday, April 17, 2014

I Was Schooled In Life By Two Sampaguita Kids

Since it's the Holy Week, I would be sharing with you this inspiring experience I had yesterday. I posted it on my personal Facebook posts and many appreciated the lessons from it. These are indeed great lessons in life I learned from two very young kids that really humbled me:

-------------------------------------------------------------------


Habang naghihintay sa ka-meeting ko sa may Victory mall, naisipan kong pumunta muna saglit sa simbahan. Sandali akong nagdasal at pagkatapos ay umakyat ako sa may altar ng Mahal na Birheng Maria. May 2 batang nasa unahan ko na may bitbit na sampaguita. Naisip ko na malamang vendor sila. Yung isa ay nasa edad 8 siguro at yung isa naman ay maliit pa na tingin ko ay edad 2 o 3.

Pagdating sa itaas, isinabit nila ang ilang bungkos ng sampaguita na bitbit nila at pagdating sa may altar, kinarga ng mas malaking bata ang kasama nya. Tumuro yung maliit na bata sa altar at sabi nya 'Jesus' na bulol pa nga ang pagkakasabi. Imbes na letter 's' ay letter 't' pa nga ang tunog.


Napangiti ako sa narinig at naalala ang panganay kong anak. Pagkatapos ay nadaan naman sila sa larawan ng Mahal na Ina at sabi nya 'Mama'. Natuwa ako sa bata dahil sa edad nyang iyon, alam na nya kung sino ang kanyang 'dinadalaw' sa lugar. Inakala ko silang magkapatid. Nilapitan ko at kinausap ang maliit. Tinanong ko sya kung pinupuntahan nya ba si Jesus palagi. Tumingin lang sya. Yung mas malaking bata ang tinanong ko kung ilang taon na sila. Grade 4 na yung malaki at 2 taon pa lang yung malait. Lalo akong naimpress sa bata. At magpinsan pala sila. 





Yung sampaguitang dala nila ay pina-alay pala ng nanay ng mas maliit na bata na syang nagtitinda ng sampaguita. Natuwa ako sa mga batang ito subalit mas higit sa kanilang mga magulang. Sa kabila ng kakulangan sa karangyaan, hindi nawawaglit sa kanila ang ituro at ipakilala sa mga batang ito ang patungkol sa kanilang pananampalataya.


At ang sampaguita na sya mismong pinanggagalingan ng kanilang kabuhayan ay walang panghihinayang nilang inaalay. Ilan ba sa tin ang katulad ng mga magulang ng mga batang ito? Nagagawa ko rin ba ang tamang pangangaral sa pananampalataya sa mga anak ko katulad nila? Kaya ko rin bang ibahagi ang aking kabuhayan para sa aking sinasampalatayanan?


Salamat sa inyo, Joseph at Raymund at sa inyong mga magulang na nagbigay sa kin ng surpresang inspirasyon sa sandali kong pagbisita sa ating Simbahan. May God continue to bless you and your whole household.

Thursday, April 10, 2014

I’m Unlike Others Who…


Now, stop. If you think you are doing good and confident with it, just do it. When you start comparing what you do with others to prove the point, it starts to lose its essence. Besides, if you think your action is of high standards, why do you have to measure its greatness side by side with mediocrity?

Wednesday, April 2, 2014

Mga Kulang na School Subjects na Mag-Aahon Sana sa Pilipinas



Hindi naman daw nagagamit sa trabaho yung karamihan ng subjects. Yan ang sabi ng maraming mga nakatapos na o kahit yung mga huminto na sa pag-aaral. Kesyo andami daming tinuturo sa tin na di naman napapakinabangan. May punto naman. Pero may dahilan din kung bakit ganyan ang mga subjects na yan at naisulat ko na rin sa post na ito.

Pero ngayon, parang tama nga naman. Bakit yung mga hindi naman napapakinabangan ang isinisingit kung meron pang mga bagay na mas magagamit sana natin ke makatapos tayo ke hindi sa pag-aaral. Yung tipong kahit elementary at nakuha mo na ang mga subjects na yun e kahit papano, may laban ka na sa buhay. Nakapagpost na rin ako ng isa dito sa blogpost na ito pero bukod sa isang ito ay may ilan pang kulang sa dapat nating malaman para kahit papano e tumino tino tayo man lang bilang mamamayan ng bansang ito. 


1.   “Bakit” History -  Sa karamihan sa mga eskwelahan ngayon sa Pilipinas mula elementarya hanggang kolehiyo, maliban sa ilang mga masusuwerteng naturuan ng mga magagaling na history teachers and professors,  ang laman ng mga lessons nila sa kasaysayan ay puro detalye, mga pangalan, mga lugar, mga petsa, mga dokumento, mga libro at kung anu-ano pang mga bagay na bahagi ng nakalipas na inaasahang kabisaduhin ng mga estudyante at sya namang isasagot nila sa mga exams. Puro detalye gaya ng mga pangalan, lugar at petsa pero kulang sa “bakit”. Kung bakit ginawa, bakit dun nagpunta, bakit kinuha, bakit pinatay, bakit nagsimula, bakit natapos. Ang mga aral ng kung bakit naganap ang mga bahagi ng kasaysayan na sana ay nagagamit natin sa mga nangyayari sa kasalukuyan ay kadalasang naisasantabi na lang. Kaya hindi na rin nakapagtataka na paulit-ulit na lang ang pagkakamali nating mga Pilipino sa bawat panahon.

2.   Functions of Government Bodies and Officials – Ano ba ang pagkakaiba ng Executive, Legislative at Judiciary? Ano ang trabaho ng BIR? Ano ba ang saklaw ng mga cabinet secretary? Ano ang sakop ng trabaho ni Mayor? Ni Congressman? Ni Governor? Ni  Kapitan? Gano ba kalawak ang kapangyarihan ng pangulo? Para saan ba ang SSS at GSIS? Ano ang trabaho ng AFP at ng PNP? Bakit ba may CHR? Anong ahensya ang dapat tumugon sa ganito at ganyang problema ng bansa? Ilan dito ay nababanggit na rin sa ilang subjects pero panahon na para gawing isa na lang ito at pagsama-samahin. Makakatulong ito sa pagpili ng iboboto ng mga Pilipino at mas maaappreciate din at maaasikaso ng mga tao ang kanilang transaksyon sa mga tamang ahensy ang gobyerno.


Kamote


3.   Financial Literacy – Madalas na natututunan na lang ito ng mga Pilipino pag may edad na at kadalasan ay kulang pa nga. Pag tinanong mo kung may investment na o nagpplano para sa kanilang pagreretiro, sasabihin nila na maaga pa naman, bata pa sila o kaya e hindi pa nila kayang simulan dahil kulang daw ang pera. Hanggang tumanda na pero di pa rin nakakapagtabi at hanggang umasa na lang sa katiting na pensyong nakukuha sa ahensya ng gobyerno. Hindi naman kailangangmalaki ang simula. Kung pag-aaralan lang ng maigi ay kaya naman ng karamihan ng mga Pilipino ang mag-impok para sa hinaharap. Tayo na ang selfie capital, text messaging capital, isa sa pinakaaktibo sa social media at kung ano ano pa. E kung yung pinanggagastos sana natin para iupload ang selfie at magpadala ng text messages na hindi importante eh itinatabi natin sa mas mahalagang bagay, masisimulan na sana agad ang pagiimpok.


4.   Road Safety and Responsibility – Mula sa pampublikong mga sasakyan, hanggang mga pribado pati na ang mga commuters at tumatawid sa kalsada, marami talaga ang masasabing pasaway. Hanggang makakalusot, lulusot. Ang manlamang sa kapwa ang pinakapopular na gawain sa kalsada, hindi ang magbigay. Kung lahat lang ng tao ay matuturuan ng kung ano ang mga panuntunan at tamang gawi sa kalsada, at kung bakit dapat sundin ang mga ito para sa ikagiginhawa ng lahat, baka mas umayos din ang problema natin sa transportasyon.

5.   Overall Individual Responsibility – Wala na tayong ibang naririnig ngayon sa mga ipinaglalaban ng kaliwa’t kanang mga grupo kundi ang kanilang mga “karapatan”. Karapatan sa halos lahat ng bagay. Maging ang mga noo’y hindi natin naisip na bahagi ng karapatan ng tao ay nagawan na ng dahilan ng iba para ang mga ito ay maisama. Dumadami ang nagsasalita tungkol sa karapatan pero kumokonti ang sa responsibilidad. Sa madaling salita, dumadami ang reklamador at kumokonti ang kumikilos. Lahat ay parang laging naiisahan, nasasapawan, nalalamangan. Pero walang gustong kumilos para mabawasan ang mga ito. Lahat ay gumaganti na lang kaya palala lang ng palala. Masyado nang mabigat. Kaya ang isang subject na maglalaman ng responsibilidad natin bilang myembro ng komunidad ay makakatulong na balansehin ito.

Malamang ay salita sa hangin nga lang ang mga ito dahil malabong isingit ito sa curriculum ng ating mga eskwelahan. Pero kahit isa man lang sa mga ito ang mapatupad sana ay ok na. Pero kahit hindi, aaralin ko na lang ang mga ito maigi para maituro ko sa mga anak ko at sa ilan pang mga bata. Para kahit papaano ay makadagdag man lang tayo kahit isang bata na magiging responsableng mamamayan balang araw, malaking bagay na rin ito at hindi na tumulad pa sa henerasyon natin ngayon.

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Follow my Blog