Hindi ako sumipot noon sa recognition day namin nung grade 5
dahil sa hindi ko pagtanggap sa mababang posisyon ko sa top 10. Pero ang totoo,
hindi ko sariling desisyon iyon. Bata pa ko nun at kung tutuusin, dapat ay wala
pa kong pakialam sa ganitong mga bagay. Ngayon pa lang ay humihingi na ko ng
paumanhin sa aking sasabihin. Naging competitive ako noon, pero mas naging
competitive ang mga magulang ko. Siguro ay bunga na rin ng mga naging resulta
ng aking mga naunang taon sa pag-aaral kaya tumaas ang expectations nila sa
akin.
Kinder ako, naging valedictorian ako at nakakuha ng maraming
awards. Pagpasok ng Grade 1, naging 1st honor ako at pati ng grade
2. Grade 3, hindi ko matandaan kung top 1 pa rin ako. Nung grade 4, dun ko
nadiskubre ang katamaran. Puede naman pala di maging honor. Di rin talaga ako
yung tipong mahilig gumawa ng assignment. Oo, option yan sa kin. Di rin ako
nagaaral. Nagrereview lang pag may exam. Natapos ang taon, pasok pa rin naman
ako sa top 10 pero mababa ang ranggo kong nakuha. Di ko sinabi sa mga magulang
ko ang dahilan pero galit sila sa teacher ko sa pag aakalang may mali sa
ginagawa nila kaya ako bumaba. At naulit ito nung grade 5 ako at mas bumaba pa
nga sa ranking. Buyo na rin ng ilang kakilala na gumawa ng parehong hakbang
nung inakala nilang may anomalya sa eskwela ng kanilang anak, sinabi ng magulang
ko na wag na rin akong umattend ng recognition. Kung ako lang ang tatanungin,
ayokong gawin. Pero dahil yun ang napagkasunduan sa bahay, sumunod ako.
Pero makalipas ang ilang araw, ako na rin mismo ang gumawa
ng paraan para magpaliwanag sa aking guro ng di ko pagpunta. Pero nagsinungaling
ako. Sinabi ko na dahil wala akong maisusuot na barong kaya di ako nagpunta.
May katotohanan naman ito. Maraming aktibidades sa eskwela ang di ko nasamahan
dahil sa kakulangan sa pera. Nasa public school ako ng panahon na yun pero
kapos pa rin ang budget namin. Hindi ko alam kung naniwala ang teacher ko sa
dahilang ito. At ang pangyayaring iyon ay tingin kong nagpabago din sa pananaw ng
aking pamilya pagdating sa mga honor-honor. Nawala na ang pressure pagkatapos
nito.
Nung nag grade 6, medyo nagising din ako kahit paano. Sinabi
ko sa sarili ko na kakayanin kong bumalik sa taas para sa kin at para na rin sa
pamilya ko. Sinubukan kong humabol sa taas pero hindi pa rin kinaya. Nakakuha
ako ng mataas na grade sa NEAT (Natl Elementary Achievement Test) na kung saan
ay pinapasok ang score na makukuha dito sa computation sa report card. Pang top
3 ata ako sa result. Dahil dito, nakahabol ako para maging First Honorable
mention. Masayang masaya ang pamilya ko at masaya rin ako para sa kanila.
Pagkatapos ay nag exam ako para sa high school, di ko pa
natapos ang exam kaya kinabahan ako dahil isang eskwela lang ang pinagpasahan
ko nun. Pagdating ng resulta, ayun top 5 pa pala ako. Kaya sa section 1 pa rin
ang bagsak ko. Nakiramdam ako sa unang taon. Puro valedictorian at salutatorian
ng iba’t ibang eskwela ang kaklase ko. Sabi ko mahirap ito. Pero subukan ko pa
rin mag top. First grading, top 5 ata ako o top 4. Hindi ko maalala. Pero sabi
ko madali lang naman pala. At pagkatapos nun, nagsimula na naman ang katamaran
ko. Pero every end of year, kahit papano, nakakapasok naman ako sa top 10-15.
Pinakamababang naging rank ko ata sa isang grading ay mas mababa sa 20.
Nung graduating na kami ng high school, sinabi ko sa sarili
ko na ayokong nakaupo lang kapag dumating ang graduation. Gusto ko may isabit
pa rin sa kin kahit pano ang mga magulang ko. Well, meron naman akong award,
best in attendance. Di kasi ko pala-absent. Pero bukod pa don, nagpursigi rin
ako nung 4th year. Bukod sa exams, pati sa extra curricular. Naging
part ako ng theatre, naging Tennis player ng school, naging officer at member
ng kung ano anong clubs. Hindi lang yun. May tinatawag ding NSAT, yung
counterpart ng NEAT na this time sa high school naman. Taon taon kasing
sinasama sa computation ng grades ang NSAT kaya alam kong hahatak na naman ito
ng matindi. Dahil dun, pinag igihan ko, pero sakto lang. Basta umalalay lang
ako sa review. Dito naman kasi ay stock knowledge lang ang labanan. Multiple
choice pa nga e. Lumabas ang resulta, ako ang top 1. Pero pagkatapos, hindi na
sinama sa computation ng grades ang score di tulad ng mga nangyari sa nakaraang
taon. Kung bakit, hindi ko rin alam ang dahilan. Pero di ko na kinuwestyon.
Hinayaan ko na lang. Ok na sa kin na nag top ako sa exam. Isa pa, pinaghirapan naman buong taon ng ibang
top students ang grade nila. At natapos naman ang taon, pumasok pa ko sa
achievers bilang top 10 ng klase at hinirang na top male graduate ng batch sa
kabila ng pagkakaroon ng iba pang mga lalakeng mas mataas ang ranking sa kin sa
honor roll.
Pag tuntong ng kolehiyo, ECE ang kinuha ko dahil isa ito sa
mga courses na puedeng kunin ng isang DOST scholar. Di ko alam talaga kung ano
ang gusto kong kunin. Dahil sa pagpupursigi na rin ng aking mahal na lolo(+)
kaya rin ako nakapag-apply at nakapasa sa DOST scholarship exam. Nakakatakot pala
ang college sa umpisa lang. Dahil pag nasanay ka na ay parang high school na
naman uli. Natapos ang first sem, halos puro uno ang grade ko. Pang Dean’s
list. Pero di ko na inapply. 2nd sem, ganon uli. Dahil dun, ayun na
naman. Puede naman palang tamarin at wag mag seryoso pero papasa ka pa rin sa
college. 2nd year, naging classmate ko na ang asawa ko. Nagkaroon
kami ng calculus na subject. Unang exam, 2 lang pumasa. Isa sya don. Ako yung
isa, sa mga bumagsak. Dahil dun, nahiya naman ako. Gusto ko siyang ligawan
tapos bagsak ako sa exam. Kaya nag-aral muna kong maigi at nung nakapasa na ko,
saka na lang ako nagpapansin sa kanya. Nainspire ako kumbaga at naging kami.
Pero nung naging kami na, nagtry naman ako maging working student. After nun,
nagkaroon na ko ng mga withdraw at muntikanan pang bumagsak at sangkaterbang tres
na grade.
Buti at di ganon kahigpit ang DOST. Nasuspend lang ako at
hindi naterminate sa scholarship. Isang sem din yun na walang allowance. Nakabawi
ako ng sumunod na grading at nagtino na uli. At dire diretso hanggang sa
makagraduate. Normal na lang yung tres sa kin pagkatapos noon.
Pandaraya, iniwasan ko yan. Masasabi kong di ko ginawa sa
mga exams yan mula elementary hanggang high school. Sinubukan ko ito isang
beses sa exam sa college, electronics ang subject. Pero kamalas malasan, ang
naibato sa king kodigo ay pang set 1, e set 2 ang exam ko. May nakuha naman
akong ilang sagot kahit pano. Maliban dun, di talaga ko nandaya sa exam. Pero
madalas sa mga assignments at projects. Halimbawa, kung kelan pasahan e saka ko
lang gagawin. O kaya naman e nagpapagawa ako sa iba. Sinasabi ko ito para
sabihing di ako straight masyado pagdating sa pag-aaral, hindi para ito ay
inyong gayahin.
Ang pangongopya ay hindi ko talaga ginawa. Kung ginawa ko ito,
dapat sana e mataas lagi grades ko nung college dahil ang ex-gf ko (misis ko) ay kaklase ko mula 2nd yr. Madalas
kami magkatabi. Napakasipag at matalino talaga siya. Valedictorian siya ng elementary at high
school. Ang grade nya sa college ay pang
cum laude ang average, kung hindi lang sa TRES na binigay ng teacher nila noong
first year pa lang sa Trigonometry (sisiw sa kanya ito) na di naman ata
nagcocompute ng grades. Basta tres lang ang marami sa kanila. Pero bale wala naman na ito sa kanya at di ko
nakitang dinamdam nya. Naging maayos naman ang kanyang naging career at
masasabing malayo na ang narating ng aking kabiyak. Pareho din kaming pumasa ng
board exam.
Bukod sa kanya, ang kapatid ko na nag-aral sa parehong
pamantasan ay nabigo rin na maging cum laude dahil sa nakuha nyang tres sa
kanyang propesor nung last semester pa nya sa kabila ng kanyang matataas na
result ng exams. Running for magna pa ata siya dapat. Ikinalungkot nya ito at
nainis din talaga ko sa nangyari. Pero ganon ata talaga, hindi laging patas ang
laban. Pero ngayon, may pamilya na siya, may asawa at isang anak, may bahay at
kotse na pinagsikapan at patuloy na tumutulong sa aming mga magulang. Proud ako
sa kapatid ko.
At ang dalawa kong kapatid na babae na mas bata, hindi man
sila honor students pero pinagmamalaki ko na nag-aral ng mabuti at nakatapos
ang mga ito na walang naging problema. Hanggang ngayon, nagttrabaho sila ng
maayos at tumutulong sa aming mga magulang. Kung sa sipag at pagsisikap lang,
aaminin kong talo ako nitong 2 babae kong kapatid. Hindi ko alam kung inisip
nilang pressure ang pagkakaroon ng honor students na mga kuya pero hindi naman namin
ito sa kanila pinaramdam at bagkus ay sinuportahan naming 2 mga kuya ang
pag-aaral nilang dalawa hanggang sa makatapos.
Sa trabaho, mas lalo kong nakita na hindi talaga patas ang
mundo. Ilang beses ko ring sinubukang ipaglaban ang tama. Nung una ay masyado
akong naging agresibo. Hanggang natutunan ko rin na ang pakikipaglaban para sa
tama ay hindi laging madali at hindi nadadaan sa bugso ng damdamin. May mga
tamang daanan at paraan kung paano ito gawin. Hindi ito mabilis na proseso. Ang
mga ganitong bagay ay lubos na tinitimbang at iniimbestigahan bago desisyonan.
At sa huli, maaaring ang resulta ng bagay na ating pinaglalaban ay hindi pa rin
ayon sa gusto nating mangyari. Ganyan ang buhay. Tulad ng nangyari sa
balitang-balita ngayon na salutatorian na si Krisel Mallari. Kaya ako lubos na
apektado ay dahil nairerelate ko ang ilang bahagi ng buhay ko sa nangyari sa
kanya. Nakita ko rin ang posibleng maging negatibong epekto nito sa kanya pag
nagpatuloy ito. Subalit higit na mas malaki ang responsibilidad dito ng kanyang
magulang. Sila ang sanang gumabay sa kanya upang maunawaan na hindi lang ang
grado o ang ranking sa eskwela ang dapat pahalagahan. Ang pagrespeto sa kapwa,
sa institusyon, sa proseso, pagtanggap ng pagkabigo at pagkatalo, pagkakaibigan, pamilya ay ilan lang
sa mga bagay na mas importante kesa sa anumang awards na puede nating
matanggap.
Hanga ako sa tapang nya sa pagsasalita sa harap ng madla.
Subalit naniniwala ako na hindi niya ito pansariling desisyon. Marahil ay may
buyo ito at pagtulak mula sa mga magulang. Ang sanang nakita dito ni Krisel ay
ang maaaring maging reaksyon ng tao patungkol sa valedictorian na ngayon ay
naging biktima na rin ng panghuhusga ng pandaraya ng maraming taong
nakikisimpatya sa kanya. Wala ni isa sa mga taong nagbigay ng konklusyon na siya ay nandaya na may alam sa totoong nangyari sa loob ng paaralan. Bukod pa dito ang pagkadismaya rin ng iba sa
nakikitang pagsira sa isang okasyon na dapat sana ay masaya bilang pagdiriwang
ng pagtatapos ng daan daang estudyante sa kabila ng paghihirap nila at ng
kanilang mga magulang. At isa pa ay ang maaring idulot nitong masamang epekto
sa kanyang reputasyon bilang bagong estudyante sa kolehiyo at sa kanyang mga
kompanyang papasukan. Bilang isa na rin sa mga namumuno sa isang grupo sa aking
pinapasukang kumpanya, masasabi kong hindi magandang pag-uugali ng isang maaring
maging empleyado ang pinakita niya rito. Maaaring iba ang opinyon ng mga tao
dito subalit bilang isang dating katulad nya na nakaramdam ng pagiging biktima
ng hindi pagiging patas, natuto ako at nakaunawa na sa ganitong mga bagay, mas
importante ang kung paano natin dadalhin ang ganitong mga pangyayari sa buhay.
May panahon pa si Krisel at ang Valedictorian para patunayan ang kanilang mga
sarili at matutunan na maraming pang mas malalaking bagay na dapat nilang
pahalagahan.
At ang sinulat kong ito naman ay sana’y syang magsisilbing
paalala kung paano ko aantabayanan ang aking mga anak balang araw kapag sila na
ang pumapasok sa eskwela.No pressures mga anak, basta mag-aral lang kayo maigi,
pumasa sa mga subjects at wag sayangin ang oras na pinagkaloob sa inyo para
mag-aral at matuto sa loob at labas ng paaralan.