Wednesday, November 20, 2013

Sariling Kahulugan sa Paggawa

Nakakabaliw na nga. Sa dinami dami ng mga nangyayari sa paligid at sa iyong sarili, madalas ay napapaisip ka kung bakit ka nga ba nandito at kung bakit para bang walang nangyayaring maganda at palala ng palala lang ang mga sitwasyon.

Marami sa atin ang hindi nakakausad sa patuloy na paghahanap at pagtatanong kung ano nga ba ang kahulugan at layunin natin sa buhay. Minsan kang mapapaisip at hinahanapan mo agad ng malalim na sagot ang tanong na ito. Naiisip mo naman minsan na suerte ka pa dahil maayos ang lagay mo kesa sa iba. At nakakatulong ka pa nga sa nangangailangan. Pero sandali lang at malilimutan mo na ito uli. At pagkatapos ay malulungkot at malulugmok ka na naman. Hindi naman kasi talaga magandang batayan ang kalagayan ng iba para maging masaya ka. 

Sapat na ang malaman mo ang halaga ng eksaktong bagay na ginagawa mo sa ngayon. Hindi mo na kailangang ikumpara pa sa iba o kaya naman ay gawan pa ng malalim na pag-iisip. Kung ang ginagawa mo ay nakakatulong sa iba at sa sarili mo, ulit-ulitin mo lang. Pag alam mo ito, paniguradong mas gaganahan ka. Kung tingin mo ay may mali, ayusin mo at baguhin mo ang dapat palitan.

Wag mo nang palalimin masyado. Hayaan mo nang ang ginagawa mo ang siyang magbigay ng hubog sa kahulugan ng buhay mo at ng pagkatao mo. Ang mahalaga ay alam mong ang ginagawa mo ay tama, gusto mo, at nakakatulong at nakakaapekto ng mabuti sa kapwa mo at sa sarili mo.

2 comments:

  1. napaisip tuloy ako kung ano nga ba ang misyon ko sa buhay... ano ba gusto ko?

    ReplyDelete
  2. napaisip din ako.... siguro ang mahalaga ung tumulong din kapag kaya.... at palitan ung mga maling gawain... kapag okay... ituloy mo lang....

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...