Pati mga kaliit-liitang isyung nakakaumay,
Sa social media ang mga tao ay ubod na ng ingay,
Pati patay na nananahimik ay pilit dinadamay.
Kung Showtime ba ang magaling o ang Eat Bulaga,
Pinapakita ba ng Aldub sa tao ang syang tama,
Isama pa ang relihiyon at mga paniniwala,
Kung may forever nga ba o may taong tinadhana,
Sino nga ba ang mas tama, walang makapagsasabi,
Kung ano ang gusto ko, wala ka dapat nang paki,
Ang utak mo at utak ko di pareho ng sinasabi,
Isip at puso ko nga mismo minsa'y di mag-intindi.
At sa pulitikang sobrang daming maririnig na tunog,
Kaliwa't kanang pagkalampag, pagkidlat at pagkulog,
Pag di ka mag-iingat, ikaw ay mahuhulog,
Sa mga kasinungalingang sa iyo'y magpapalubog.
Walang ni isa sa tin ang makapagsasabing may alam,
Tunay na mga nangyayari habang sikmura'y kumakalam,
Lahat nagtuturuan, si ganito at si ganyan,
Magnanakaw at kurakot, sinungaling at gahaman.
Kung sinong nakapuwesto, sya ang may kapangyarihan,
Kawawa ang mapupuntirya at maiipit na kalaban,
Gamit ang makinarya, putik sa yo ay hahagupit,
Paninirang matindi ay wala nang ilulupit.
Normal lamang sa tao ang agad mapaniwala,
Sa dami ng ebidensya, lahat ay tamang hinala,
Ngunit sa sistema natin ngayon, sino nga ba ang malinis,
Makikita ba sa itsura o sa sapatos kung makinis.
Si Gloc-9 na ngayo'y kinukwestyon nyo ang prinsipyo?
Dating kasama ko kay Bro. Eddie, habang kayo ay na kanino
Sa sabi nyo noo'y walang bahid, ngayo'y sinusukang si Aquino.
Sabay ngayon nagmamagaling na tama na ang pinipili nyo.
Noon kami'y nagpapapaalala ng posible na mangyari,
Sa pagsuporta sa kanila ngunit di nyo inintindi.
Pero gayunpaman, karapatan ninyo ang pumili ng gusto nyo.
At karapatan ko ring ipamukha sa inyong "I told you so".
Suportahan man nya ngayon ang kandidatong inyong kalaban,
Na tingin ng taong bayan ay pamilyang kawatan,
Sa korte tandaan ay hindi pa napapatunayan,
Kaya para husgahan siya'y wala tayong karapatan.
Katulad din ng lahat ng iba pang mga kandidato,
Lahat may mga baho at balitang panloloko,
May isa raw sa kanila ay hindi tunay na Pilipino,
At isa namang berdugo raw at mamamatay tao.
May isa naman daw walang silbi at inutil ang pagkilos,
Katulad ng sinundan ang bayan daw maghihikahos.
At isa naman daw na sinasabing may sakit na at mabagal,
Kung maupo man daw sya ay di na rin magtatagal.
Sa mga balitang yan pumipili tayo ng iboboto.
Subalit ang impormasyon ay galing lang sa ibang tao.
Bawat isa sa kanila'y di tayo nakakasiguro,
Dito na rin papasok ang salitang prinsipyo.
Bawat tao'y iba-iba ang pinapahalagahan,
Sa iyong karakter ito ang iyong pinagyayaman,
Tulad ng sinasabing pagpili ng "lesser evil",
At paggamit ng karapatan gamit ang ating "free will".
Maaaring sa yo ay ayaw mo ng magnanakaw,
Numero unong bagay na iyong pinaka-aayaw.
Kung kaya ang kandidatong dito pinaka-nakilala,
Ay siya ring sa iyo'y pinaka-nakakairita,
Pero di naman lahat ng tao ay pare-pareho,
Sa pagtulak sa iba dapat tayo ay pumreno.
Kadalasang gusto nila ay iyon ang ayaw mo,
Na siya namang dahilan ng kampanya ng pulitiko,
May ibang tao kasi na di basta naniniwala,
Hanggat di pa sila napapatunayan ng husgadong nagkasala,
O kaya naman ay meron na mas ok na daw ang magnakaw,
Dahil paniniwala nila, lahat nama'y may tagong takaw.
Ok na daw ang dumudukot, basta naman tumutulong,
Kesa naman daw sa iba na ang mga ulo'y gumugulong,
Kumbaga sa kriminal, holdapin mo na ko't dukutan,
Basta hayaan mo akong mabuhay pa ng matagalan.
Hindi ko alam ang dahilan ng aking idolong si Gloc
O ng kahit ng ibang supporter na putak ng putak,
Kung alin sa mga nabanggit ang kanilang naging batayan,
Sa pagpili ng iboboto at susuportahan.
Subalit kahit ano pa man ang kanilang rason,
Kahit nakakabobo man, karapatan nila yon.
Ano man ang dahilan o kanilang intensyon,
Bunga ng karanasan, kaalaman at leksyon.
Ang bawat pamantayan natin ay iba-iba,
Yan nga ang dahilan kung bakit may kampanya,
Kung tingin mo man na mali ang aking napipisil,
Ilatag mo ang mga puntos na sa pagboto'y makakapigil.
Pero ang husgahan mo ang bawat pagkatao,
Dahil lamang sa iba ang kanilang iboboto,
Tawagin siya at pagbintangan ng kung ano-ano,
Nakakabuisit ka na pare, suntukan na lang tayo.
Biro lang naman yan, pero nakakainis na talaga,
Madalas nga na ako ngayon ay nagtataka,
Mga kakilala kong matino at noo'y hinahangaan,
Tila ba tamang pagrarason ay kanila nang nalimutan.
Ng dahil lang sa matinding pagsuporta sa kandidato,
Minsan din akong naging ganyan, ang suporta'y todo todo.
Pero hanggat maaari'y iniwasan, personalang pagbira,
Dahil sa huli naman, tayo tayo rin ang matitira.
Pagkatapos ng eleksyon, asan ba ang mga pulitiko,
Ni hindi mo malapitan ang marami sa mga ito,
Kung sisirain ang pagsasamahan, dahil lamang dito,
Panalo man ang sinuportahan, tayo pa rin naman ang talo.
Photo from Gloc-9's Facebook Page |
No comments:
Post a Comment