Wednesday, April 2, 2014

Mga Kulang na School Subjects na Mag-Aahon Sana sa Pilipinas



Hindi naman daw nagagamit sa trabaho yung karamihan ng subjects. Yan ang sabi ng maraming mga nakatapos na o kahit yung mga huminto na sa pag-aaral. Kesyo andami daming tinuturo sa tin na di naman napapakinabangan. May punto naman. Pero may dahilan din kung bakit ganyan ang mga subjects na yan at naisulat ko na rin sa post na ito.

Pero ngayon, parang tama nga naman. Bakit yung mga hindi naman napapakinabangan ang isinisingit kung meron pang mga bagay na mas magagamit sana natin ke makatapos tayo ke hindi sa pag-aaral. Yung tipong kahit elementary at nakuha mo na ang mga subjects na yun e kahit papano, may laban ka na sa buhay. Nakapagpost na rin ako ng isa dito sa blogpost na ito pero bukod sa isang ito ay may ilan pang kulang sa dapat nating malaman para kahit papano e tumino tino tayo man lang bilang mamamayan ng bansang ito. 


1.   “Bakit” History -  Sa karamihan sa mga eskwelahan ngayon sa Pilipinas mula elementarya hanggang kolehiyo, maliban sa ilang mga masusuwerteng naturuan ng mga magagaling na history teachers and professors,  ang laman ng mga lessons nila sa kasaysayan ay puro detalye, mga pangalan, mga lugar, mga petsa, mga dokumento, mga libro at kung anu-ano pang mga bagay na bahagi ng nakalipas na inaasahang kabisaduhin ng mga estudyante at sya namang isasagot nila sa mga exams. Puro detalye gaya ng mga pangalan, lugar at petsa pero kulang sa “bakit”. Kung bakit ginawa, bakit dun nagpunta, bakit kinuha, bakit pinatay, bakit nagsimula, bakit natapos. Ang mga aral ng kung bakit naganap ang mga bahagi ng kasaysayan na sana ay nagagamit natin sa mga nangyayari sa kasalukuyan ay kadalasang naisasantabi na lang. Kaya hindi na rin nakapagtataka na paulit-ulit na lang ang pagkakamali nating mga Pilipino sa bawat panahon.

2.   Functions of Government Bodies and Officials – Ano ba ang pagkakaiba ng Executive, Legislative at Judiciary? Ano ang trabaho ng BIR? Ano ba ang saklaw ng mga cabinet secretary? Ano ang sakop ng trabaho ni Mayor? Ni Congressman? Ni Governor? Ni  Kapitan? Gano ba kalawak ang kapangyarihan ng pangulo? Para saan ba ang SSS at GSIS? Ano ang trabaho ng AFP at ng PNP? Bakit ba may CHR? Anong ahensya ang dapat tumugon sa ganito at ganyang problema ng bansa? Ilan dito ay nababanggit na rin sa ilang subjects pero panahon na para gawing isa na lang ito at pagsama-samahin. Makakatulong ito sa pagpili ng iboboto ng mga Pilipino at mas maaappreciate din at maaasikaso ng mga tao ang kanilang transaksyon sa mga tamang ahensy ang gobyerno.


Kamote


3.   Financial Literacy – Madalas na natututunan na lang ito ng mga Pilipino pag may edad na at kadalasan ay kulang pa nga. Pag tinanong mo kung may investment na o nagpplano para sa kanilang pagreretiro, sasabihin nila na maaga pa naman, bata pa sila o kaya e hindi pa nila kayang simulan dahil kulang daw ang pera. Hanggang tumanda na pero di pa rin nakakapagtabi at hanggang umasa na lang sa katiting na pensyong nakukuha sa ahensya ng gobyerno. Hindi naman kailangangmalaki ang simula. Kung pag-aaralan lang ng maigi ay kaya naman ng karamihan ng mga Pilipino ang mag-impok para sa hinaharap. Tayo na ang selfie capital, text messaging capital, isa sa pinakaaktibo sa social media at kung ano ano pa. E kung yung pinanggagastos sana natin para iupload ang selfie at magpadala ng text messages na hindi importante eh itinatabi natin sa mas mahalagang bagay, masisimulan na sana agad ang pagiimpok.


4.   Road Safety and Responsibility – Mula sa pampublikong mga sasakyan, hanggang mga pribado pati na ang mga commuters at tumatawid sa kalsada, marami talaga ang masasabing pasaway. Hanggang makakalusot, lulusot. Ang manlamang sa kapwa ang pinakapopular na gawain sa kalsada, hindi ang magbigay. Kung lahat lang ng tao ay matuturuan ng kung ano ang mga panuntunan at tamang gawi sa kalsada, at kung bakit dapat sundin ang mga ito para sa ikagiginhawa ng lahat, baka mas umayos din ang problema natin sa transportasyon.

5.   Overall Individual Responsibility – Wala na tayong ibang naririnig ngayon sa mga ipinaglalaban ng kaliwa’t kanang mga grupo kundi ang kanilang mga “karapatan”. Karapatan sa halos lahat ng bagay. Maging ang mga noo’y hindi natin naisip na bahagi ng karapatan ng tao ay nagawan na ng dahilan ng iba para ang mga ito ay maisama. Dumadami ang nagsasalita tungkol sa karapatan pero kumokonti ang sa responsibilidad. Sa madaling salita, dumadami ang reklamador at kumokonti ang kumikilos. Lahat ay parang laging naiisahan, nasasapawan, nalalamangan. Pero walang gustong kumilos para mabawasan ang mga ito. Lahat ay gumaganti na lang kaya palala lang ng palala. Masyado nang mabigat. Kaya ang isang subject na maglalaman ng responsibilidad natin bilang myembro ng komunidad ay makakatulong na balansehin ito.

Malamang ay salita sa hangin nga lang ang mga ito dahil malabong isingit ito sa curriculum ng ating mga eskwelahan. Pero kahit isa man lang sa mga ito ang mapatupad sana ay ok na. Pero kahit hindi, aaralin ko na lang ang mga ito maigi para maituro ko sa mga anak ko at sa ilan pang mga bata. Para kahit papaano ay makadagdag man lang tayo kahit isang bata na magiging responsableng mamamayan balang araw, malaking bagay na rin ito at hindi na tumulad pa sa henerasyon natin ngayon.

5 comments:

  1. Kung papipiliin ako ng isang subject dito na ipapa-implement, yung number 2 na siguro. Kailangan kasi hindi lang responsible voters. Kasi given na yun sating mga Pinoy, na pumunta sa presinto once may elections. Knowledgeable voters siguro ang kailangan. Para hindi nagogoyo sa dalawang canned goods at isang kilong bigas isang araw bago ang eleksyon.

    ReplyDelete
  2. Good point. Iyung no.1, depende iyon sa pagtuturo ng teacher; kung magaling ang teacher plus ang estudyante interesado, may matutunan. correct me if i am wrong, pansin ko lang, our educational system teaches us to answer the "what" rather than the "why". Sa no.2 naman, kailangan na kailangan iyan lalo na kapag eleksyon. most people aren't acquainted with government functions etc. (admittedly isa na siguro ako sa mga iyon) or processes at kung makapagsalita parang kung may alam. No.3, true even statistics can show it.

    ReplyDelete
  3. Very helpful subjects especially #3. Maaga dapat maturuan ang mga bata na maging responsable sa pera. Ako kasi hindi haha. Yung #2 OK rin, aminado rin ako di ako well-versed sa government and politics kaya ngayon pa lang ako nagka-catch up, thanks to Professional Heckler sya lang source ko ng current events hehe

    ReplyDelete
  4. okay ang mga nabanggit mo... tama ka din na daming itinuturo sa school na di naman masyadong nagagamit....

    ReplyDelete
  5. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...