Monday, October 14, 2013

Ngayon Ko Lang Ito Sasabihin



Nagdugo yung daliri ko. Nahiwa ko kasi ng kutsilyo nung minsang nagluluto ako ng ulam. Matigas palang balatan ang kalabasa. Hindi ako madalas magbalat ng kalabasa dahil di naman din ako talaga madalas magluto. Buti hindi bumaon masyado. Di rin kasi masyado matalim ang kutsilyo kaya rin siguro nahirapan ako magbalat. Binuhusan ko na lang ng tubig. Wala pa naman akong gamot. Sinabon ko na lang at pinabayaan ko.  Sana ay gumaling agad, kanang hintuturo pa naman.


Madalas ay hindi na kailangan pa ng maraming bagay para baguhin ang pananaw ng tao sa iba’t ibang bagay. Ang “salita” ang pinakamabisang kasangkapan para ang mali ay maging tama at ang baluktot ay maging tuwid.  Isang pangungusap lang ang kailangan para magmukhang mabuti ang masama. Ilang dagdag na kataga lang para maniwala ang tao sa kasinungalingan. At ito ay nangyayari din sa kabaligtaran na ang mabuti naman ay napapalabas din na masama.


Madalas pa ay nasa nagsasalita ang bigat, hindi sa sinasabi. Dahil sa ito ang unang nakikita at napapansin kaya mas nadadagdagan ang bigat ng mga katagang binibigkas. Kung may ideya kang gustong ipakalat at ipapaniwala sa tao, bukod sa kung ano at paano sasabihin, idagdag na rin kung sino ang magsasabi. Para paniguradong mas paniniwalaan. 


At nangyayari lang naman ang ganitong kalakaran dahil sa katamaran sa pag-iisip ng karamihan. Tatanggapin na lang kung ano ang unang nakita at nabasa. Dagdag pa sa kung sino ang nagsabi.  Sa panahon ngayon na mas mabilis ang mag-react at magsalita bago mag-isip patungkol sa nabasa, narinig o nakita, ang paggamit sa salita bilang kasangkapan para gumawa ng sariling katotohanan ay laganap na laganap na. 

At ang paghawa patungkol dito ay mabilis. May maniniwala at maaapektuhan. Magkkwento sa iba. Maniniwala ang iba. Uulitin, ibabahagi. Kahit di masyado naiintindihan, makikisali sa pagshare. Minsan di pa nga nababasa talaga. Ganon kabilis at ganoon kadali. At ang isang bagay na mali, sa isang iglap lang, magiging tama na.




May paraan naman para malaman kung totoo o hindi ang sinasabi ng iba. Minsan kailangan lang analisahin ang lahat ng bagay na nakapalibot sa isyu. Dun ay matitimbang na kung ano ang tama o mali. Paniguradong may pros and cons naman ang magkabilang panig pero ikaw na rin ang makakapagsabi kung ano ang dapat mong paniwalaan. Pero tandaan mo rin na hindi naman din lahat ay dapat mong  ayunan. Karapatan mong makialam pero karapatan mo ring hindi makialam. Lalo na kung ito ay wala namang epekto sa buhay mo. Hindi naman kailangang laging magreact at maapektuhan sa lahat. Kailangan mo ring piliin ang bagay na pakikialaman mo. Limitado din ang oras at lakas natin para lahat ng bagay ay isaalang alang natin. Kailangan din nating salain ang mga ito at unahin ang kung ano ang dapat. Nasabi ko na ata ito dati sa iba kong post. Pero uulitin ko na lang uli at kunwari ngayon ko lang sinabi.


Ngayon ay medyo ok na yung daliri ko. Hindi ko pinahiran ng gamot. Hindi ko rin nilagyan ng bandaid. Pero saglit lang gumaling na. Mahapdi magtype noong una. Pero ngayon ay ok na uli. At masarap naman yung nalutong ginataang kalabasa na may sitaw at hipon. Sabi nila pampalinaw daw ng mata ang kalabasa. May nagsasabi na hindi rin naman daw totoo. Naniniwala ako na totoo yun. Kung hindi man, masarap pa rin naman talaga ang kalabasa at sigurado akong masustansya. Pano ako nakakasiguro? Sabi kasi ng mga eksperto. Pero hindi ko naman talaga nakikita yung mga sinasabing nutrients. Nararamdaman ko naman ang epekto. Pero di ako sure, baka kasi psychological lang sabi ng iba. Pero basta, naniniwala ako na totoo yun. Gusto mo rin ba ng ginataang kalabasa? Don’t worry, walang bahid ng dugo ng daliri ko yun.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...