Kumplikado na masyado ang buhay ngayon. Mahirap. Pero hindi yung katulad ng sinasabi ng iba na mas simple ang buhay noon na may “nostalgic” na dating na dati daw ay wala pang polusyon, walang traffic, maraming mga puno, malinis ang tubig, hindi daw nagugutom dahil nagtatanim daw sa likod bahay ang mga tao noon at nag-aalaga ng mga hayop tulad ng baboy, manok, baka atbp.
Pero hindi rin naman noon kadali ang mga bagay. Tulad ng
pagbyahe kahit pa sabihing walang traffic. Dati kalabaw lang gamit o kaya
naman, may kotse nga pero ang takbo naman e 20-40kph lang. At wala pang mga tren, mga tulay, mga barkong
malalaki at kung ano-ano pa. Wala pa halos tv ang karamihan lalo na ang may
cable, wala pang cellphone, internet, etc. Telegrama na ang pinakamabilis na
paraan para makapagsabi pag may emergency ka na pangangailangan at pag
nakatanggap ka nito, kinakabahan ka na naeexcite (masama o mabuting pangyayari
lang naman kasi talaga ang laman ng telegrama). Ngayon ay 24 hours na ang mga bilihan ng
pagkain. May mura may mahal, depende sa budget mo at kahit san halos e
makakabili ka na rin ng kahit ano.
Simpleng araw. |
Kung noon ay mabuting bagay ang magtimpi at magpahayag ng
saloobin ng may paggalang sa kausap, ngayon ay ang pagiging taklesa na madalas
ay may kasama pang paggamit ng mga di magandang pananalita para idiin ang kanyang
mga pahayag ang siyang sinasabihan ngayong “pagpapakatotoo”. At ang gumagawa ng
mga nauna ay tinatawag na ipokrito at nagmamalinis.
At lagi pa raw kailangan na nakikiayon tayo sa paglipas ng
panahon. Ang pagsunod sa mga bagay na matagal na nating pinapaniwalaang tama
kahit pa nagbubunga ng mabuti ay pangit at atrasado na para sa iba. Buti pa si Blakdyak e alam na sila lolo at lola ay namulat sa mas matinong mga uso. Pero
sa iba, dinosaur ka na kung masyado ka pa ring tradisiyonal at naninindigan sa
mga kinagisnan mong bagay, kahit pa mabuti naman ito.
Ang katotohanan ayon kay Blakdyak
Noon ay ayos lang kung magkaiba kayo ng paniniwala ng iyong kapwa. Hangga’t walang masama sa ginagawa nyo pareho, ayos lang. Pero ngayon, kung naninindigan ka sa paniniwala mo at hindi mo tinatanggap ang paniniwala ng iba, ikaw pa ang lalabas na sarado ang utak. Kailangan mong tanggapin ang konsepto ng iba at para sa iba, ito ang paggalang sa kanilang paniniwala. Pero wala silang pakialam sa paniniwala mo.
Kung noon ang simpleng karapatan na mamuhay bilang isang
indibidwal ay isang konseptong madaling unawain, ngayon ay pinasukan na ng
ibang ideya na ang paggawa ng kabaligtaran ay naging katanggap tanggap na. Kung noon ay karapatan ang mabuhay, ngayon ay
mas mabigat pang pinaglalaban ang karapatang pumatay at mamatay. Aborsyon, mga
gyera, death penalty at euthanasia. In order yan mula sa pinakamarami nang
napatay sa nakaraang dekada pababa.
Kung alin ang normal noon, yun na ang pinupuntirya ngayon.
Sabi kasi natin noon, karapatan natin ang maging iba. At sumobra naman ata.
Ginusto na ng marami sa atin ang maging iba na umabot sa punto na nagkapare-pareho
na sila. At kung ano ang natural, yun ang naging kakaiba. At yun ang kanilang pinagkakaisahan.
Bandwagon lang kadalasan at hindi pinagiisipan. Kasi nga, baka yun kasi ang
uso. Na lahat e karapatan na lang natin at wala na yung responsibilidad.
Pag prayoridad naman ang paguusapan, nagkakandaletse-letse
na rin. Kung ano na lang ang ating
madatnan, yun na ang bibirahin at babanatan. Nakakalimutan nating isaalang-alang
ang mga dahilan kung bakit nandun ang mga bagay bagay na nandyan na noon pang una
at kung bakit natin ginagawa ang ilan sa mga importanteng bagay na napagdesisyunan
ng mga nauna na sa atin. Andali nating magbago ng isip at makalimot sa kung ano
ang mahalaga at kung ano ang nakaraan. Makarinig lang ng bola ng isang kausap, sasakay
ka na. Masarap kasing pakinggan. Mukhang tama nga naman. At di ka na magiisip,
sasang ayon ka na lang.
Maging sa pagpapamilya na ang desisyon ay nasa magulang
noon, ngayon ay marami nang nausong karapatan na para daw sa kapakanan ng mga
bata. Kung ikukumpara natin ang mga kabataan noon at ngayon sa ating bansa,
masasabi ba nating naging mabuti ang resulta ng mga bago nating pauso? Hindi ko
naman masisi ang nakaraang henerasyon sa pagpapalaki ng kasalukuyang henerasyon
na nagpauso ng mga bagong bagay na ito. Karamihan kasi ng mga konsepto na
pinapasok natin sa kukote ng kabataan ngayon ay hindi naman bunga ng kung ano ang
mga konsepto ng mga ninuno natin. Marami rito ay galing sa banyagang kaisipan na
basta na lang nating tinanggap kahit pa taliwas sa ating kultura na sa aking
palagay ay naging bunga na rin ng mas madaling komunikasyon sa mundo ngayon.
Kung noon si Rizal ay nagpunta pa sa Alemanya para kumopya ng isang buong libro
sa isang library sa pamamagitan ng sulat kamay, ngayon e isang click mo lang ay
makakakuha ka na ng kopya ng sulatin ng iba. Libre pa nga madalas. At dahil
masyado na nga tayong makabago at mapagsakay sa mga konsepto, lahat na lang ay gusto nating ipayakap sa mga tao ng di naman masyadong napag-aaralan at napagiisipan.
Kumplikado na talaga ang buhay ngayon. Kung noon, simple
lang ang tama at mali. Ngayon ay meron nang tama, merong mali, meron pang
tamang medyo tama, merong maling itinatama, may tamang minamali, at meron
namang nasa gitna lang na di mo mawari kung ano. At kung tayong may edad na ay
naguguluhan na, paano pa kaya ang mga batang nagsisimula pa lang magkaisip?
Bilang mga magulang ay kailangan pa rin nating ipaliwanag sa mga bata kung ano
ang dapat nilang sundin. Madali lang naman malaman kung ano. Balikan lang natin
kung ano ang mga nakaraan, ang mga pundasyon at pinagsimulan. Dun natin matutunton
kung ano nga ba talaga ang tama.
No comments:
Post a Comment