Saturday, April 7, 2012

Prayoridad at mga Problema ng Pamilyang Pilipino


Kadalasan na nating naririnig na sinasabing importante ang “priority” o “prayoridad” sa lahat ng ating mga plano sa buhay.  Maaaring marami tayong adhikain sa buhay, pero ang mga prayoridad pa rin ang siyang nasa unahan ng listahan. Sa pagpasok sa eskwela, ang prayoridad ang pag-aaral at makatapos. Sa pagpasok sa trabaho, ang prayoridad ay magtrabaho syempre. Sa pagpunta ng palengke, prayoridad mo ang mamili, at bahala na kayo mag isip ng iba pang halimbawa ng mga prayoridad sa ating mga pang-araw araw na gawain. 

Gaano kaimportante ang prayoridad? Ito ang siyang ating pangunahing pinanghahawakan upang maabot ang ating mga tinutumbok na adhikain sa ating mga sinimulan. Kadalasan, nagsisimula ang problema natin sa mga bagay bagay dahil sa nawawaglit sa atin at tayo'y naliligaw ng landas sa ating mga tunay na prayoridad.

Tulad ng isa nating halimbawa, sa eskwelahan. Pinapasok tayo ng mga magulang natin dito, binabayaran ang nagtataasang tuition fee at pinapabaunan tayo sa araw araw para tayo ay makapag-aral. Ang prayoridad natin sa pagpasok ay ang matuto, makapasa, magkaroon ng kaalaman at makagraduate at ito nga ang sinasabing pundasyon natin para sa kinabukasan. Pero kadalasan sa kabataan ay nasisingitan ang prayoridad. Nandoong mas prayoridad nila ang maging “celebrity” bilang sikat na dancer, singer, painter, pulitiko, aktibista, etc kesa ang pag-aaral. Wala sanang problema dahil maganda rin naman na may extra-curricular dahil nakakatulong ito sa pag-unlad ng iba pang aspekto ng kanilang pagkatao, pero para gawing prayoridad ito bago ang pag-aaral ay ang kadalasang nagiging pitfall ng ilang kabataan. Meron pa na ang nagiging prayoridad ay ang bumuo ng barkadahan, o kaya naman ay  hanapin ang “pag-ibig” sa loob ng paaralan. Dyan madalas na talagang naliligaw ng landas ang marami kaya imbes na makatapos, ayun, nandoong inuuna ang tambay, ang bisyo o kaya, nabubuntis o kaya yung iba, nagpapakamatay pa dahil sa iniwan o niloko ng bf/gf. Ang siste, kawawang magulang dahil yung anak, nakalimot sa prayoridad niya sana kung bakit siya nandoon sa eskwelahan.

Sa trabaho, isang magandang halimbawa ay ang ating mga OFWs. Ang kanilang adhikain ay ang mapaunlad ang kanilang pamumuhay at ng kanilang pamilya at ang prayoridad nila sa pagpunta sa ibang bansa ay ang magtrabaho, kumita at makaipon. Pero dahil nga raw sa lungkot at pangungulila, marami ang naririnig natin na mga problema ng ating mga kababayan na nakakalimot sa prayoridad, at ang inuuna ay ang kanilang pansariling kalagayan. Inuuna pa ang pambababae/panlalalake para raw maibsan ang kanilang lungkot at nakakalimutan na ang sakripisyong pinangako na siyang sana, nauuna sa listahan ng kanyang prayoridad. 

Hindi lang ang mga nasa ibang bansa, ganon din yung sa mga naiiwan na nakakalimot din, na minsan sila rin ay nadadala sa tawag ng pangungulila, at ang mga anak naman ay nagpapasasa sa malaking padala ng kanilang magulang at minsan ay nagloloko pa sa pag-aaral na siyang isa sa pangunahing prayoridad nung mangibang bansa ang kanilang mga magulang. Tuloy, nababalewala ang lahat sa plano, kung naisasaisip lamang nila sana lagi ang kanilang prayoridad ay hindi sana mangyayari ang mga bagay na ito. Ang prayoridad na para sa pamilya, nauwi sa pagkasira lalo nito dahil sa pagkakaligaw ng prayoridad.

Maging sa mga simpleng mga laro o sports tulad ng basketball, meron ding epekto ang prayoridad. Kaya naglalaro ang isang koponan ay para sa pangunahing adhikain, at ito ay ang manalo. Gumagawa sila ng mga game plans at plays para maabot ang kanilang target. Pero, pag may ibang naging prayoridad ang ilan sa mga manlalaro tulad ng makakuha ng mataas na puntos, makapagpapogi sa laro, magpasikat sa mga scouts, at maging pangalawa na lang sa prayoridad ang manalo ay kadasalang  nauuwi sa talo ang laro ng koponang ito dahil sa kawalan ng “focus” sa kung ano ba ang talagang gustong mangyari ng buong team.

Sa ating bayan, kung magkakaisa lang din lamang tayo iisang layunin at ang magiging prayoridad natin ay ang “umunlad” ang ating bansa at hindi ang ating mga pansariling kapakanan ang uunahin, siguro ay higit na mas magiging maayos ang takbo ng ating bansa. Pero kung patuloy tayong naliligaw sa ating tunay na layunin, malabong may mararating ang bansang ito. Gusto ba natin talagang umunlad ang bansa? Prayoridad ba natin ito bilang mga Pilipino?

Kung aalalahanin lamang sana ng bawat isa sa atin ang prayoridad sa lahat ng ating ginagawa sa simula’t simula pa lamang at hindi tayo mawawaglit o maliligaw sa tinatahak na landas, marahil ay mas matinong buhay ang meron ang karamihan sa atin. Marami sanang naiwasang mga problema na kadalasan ay tayo rin mismo ang gumawa nito sa ating mga sarili.


Kung naenjoy mo ang artikulong ito, kung maari po ay i-share ito gamit ang iyong Facebook o Twitter account gamit ang mga button sa ibaba o ang floating icons sa bandang kanan para maenjoy din ito ng iba. At i-like din ang ating Facebook page sa pagpindot ng "like button" sa may upper right at gayun din sa pagfollow sa ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po.

2 comments:

  1. sang-ayon sa mga sinabi mo sa taas. madami akong mga kuwentong alam tungkol sa mga ofw. nakakalungkot dahil imbes na mapabuti ang kanilang mga buhay ay kabaligtaran ang nangyayari...

    ReplyDelete
    Replies
    1. kaya nga pre, namisplaced kasi ang priority. nakalimutan ang dahilan ng pag alis. ayun, sira ang pamilya.

      Delete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...