Isa ito sa hindi ko maintindihang konsepto sa pag-uugali ng tao sa panahong ito. Kadalasan kasi ngayon, kapag sinabi ng isang tao na “magpakatotoo ka”, kailangan ay may ginawa ka na hindi mabuti, hindi tama, hindi moral, hindi legal (mamili ka lang ng isa dyan o lahat ng yan) para masabing nagpapakatotoo ka nga.
Ang gusto kong malaman ay hindi na ba puedeng maging totoo ang paggawa ng bagay tama?
Kapag nagpakita ka ba ng kabutihan, gumawa ka ng tama, sumunod ka sa batas,
pinaglaban mo ang tingin mong moral at legal (mamili ka lang din ng isa dyan o
lahat ng iyan), ibig bang sabihin niyan eh hindi ka na totoo sa sarili mo? Ibig
bang sabihin niyan e ipokrito ka na? Eto na ba talaga ang konsepto ng pagpapakatotoo?