Showing posts with label bobotante. Show all posts
Showing posts with label bobotante. Show all posts

Saturday, December 21, 2013

Kung Panahon Sana Ni Ano Yan...

Sa kwentuhan ng ilang mas may edad sa tin tungkol sa pulitika, kadalasan nilang ibibida ang mga tungkol sa magagaling na mga leader daw noon. Na ito daw mga ito ay mga matino talaga, na inayos daw ang bansa natin, naging maunlad tayo, naging mas maayos at mas magaling daw ang mga ito kesa sa mga nakaupo ngayon.  Kung di daw sana ganito at ganyan, sana e mas maayos ang Pilipinas. 

Sinasabi nila ito kadalasan para bigyan tayong payo at para piliin din natin kung sino ang tingin nilang makakaulit ng nagawa nung sinasabi nilang magaling na leader noon. At madalas din na kung may isusuggest sila, yun eh yung anak o apo ng sinasabi nilang magaling na leader ang ipapasuporta sa yo. 

Pero kung iisipin mo maigi, yung resulta ng kung ano meron tayo ngayon ay bunga naman lahat ng pagpili na ginawa ng mga tao noon. At ngayon, gusto nilang ulitin natin kung panong pagdesisyon ang ginawa nila noon. Ito ba yung sinasabi nilang "history repeating itself"?

Bago maniwala sa sinasabi nilang ok tayo sa ganon, tingnan muna natin kung ano na ba ang pinagbubunga ng mga ito ngayon.

Monday, March 11, 2013

Kunwari Maayos ang Lahat. Kunwari Wala Tayong Alam.


Tulad ng kwentong multo, lahat tayong mga Pilipino ay may kwentong patungkol sa korapsyon. Ang korapsyon ay hindi lang ang ginagawa ng mga taong nasa puwesto kundi maging ng bawat isa sa atin na may gampanin subalit hindi ginagawa ng tama at tapat ang tungkulin. 


Wala siguro tayong kilala na walang ibibida sa atin ng mga bagay na tiwali na kanilang naranasan, nasaksihan o naobserbahan. Lalo na sa mga sistema sa gobyerno. Lahat tayo may kwento. Lahat tayo halos ay may alam.  Matindi ang lagayan sa ganito. Yung illegal na pasugalan ay protektado ni ganyan. Si kuwan ang may pakana ng matinding pandaraya dun sa ganito. Malaki ang kick-back si ganire dun sa mga pinatayo niyang buildings at kalsada dun sa ganoon. Anlaki ng patong sa presyo ng ganyan ni kwan.  Masama talaga ang ugali ni ganyan pag hindi nakaharap sa tao, grabe pa kung murahin mga tauhan niya at katulong. Etc, etc.


Kunwari walang mga PR machine. Kunwari walang mga anti-PR machine. Kunwari ay wala rin yung mga binabayaran para magpabango at magpabaho ng pangalan ng mga kandidato. Pero sa dinami dami ng mga bagay na naririnig natin at napagpapasa-pasahan, siguradong hindi lahat ng ito ay totoo. At hindi rin lahat ng ito ay hindi totoo. Tulad ng sabong panlaba, lahat nagsasabing sila ang pinakamagaling magtanggal ng mantsa.  Lahat na lang sila ay pinaka.



Pero bibili ka pa rin. Pipili ka pa rin ng sabong gagamitin mo. Kung napapaputi naman ang labada mo ng nabili mong sabon, napapabango at natatanggal pa ang mantsa, bibilhin mo uli yun panigurado at baka i-endorso mo pa sa kaibigan mo. Pero kung binili mo na nang isang beses at pagkatapos mong gamitin ang brand na ito ay natira pa rin ang mantsa pagkatapos mong kuskusin ng matindi at kung nandun pa rin ang masamang amoy kahit ibabad ng matagal, sigurado akong di mo na bibilhin uli ang sabon na yun at magpapalit ka na ng iba. Nakaka-dala ang maloko ng mga brand ng sabon.


Pero parang wala tayong kadala-dala pagdating sa gobyerno kaya patuloy na naihahalal ang mga tao na binoto na natin noon, o kaya naman ay ang kanilang mga kadikit na may pare parehong likaw ng bituka, pare parehong polisiyang sinuportahan, at pare parehong pangit na kinahantungan ng bayan na kanilang pinagsilibihan na ng matagal na panahon. Na-uto na nila tayo minsan pero binago lang ng konti ang script ng commercial nila, nagpapauto na tayo uli. Na kesyo may karanasan na sila kesa sa iba. Na kesyo pag nanalo ang kalaban nilang isa ay mas kawawa tayo kaya sila na lang piliin. At yun din ang sabi ng kalaban nila patungkol sa kanila. Samantalang yung mga mas ok na “brand” na mas mura, mas tapat at mas epektibo sana ay di na natin napapansin dahil sa masyado tayong nagpapaniwala sa propaganda ng iba.


Mas nahahatak tayo sa iba’t iba pang pamBOBOla na hinahayaan nating bumenta.  At dahil dito, nakakalimutan natin ang mga “alam” nating mga kwento at personal na karanasan ng mga korapsyon at kahirapang dulot ng mga iniluklok nating mga tao. Kaya sila uli ang iboboto. Sila uli ang iluluklok sa posisyon. At pagkatapos may madadagdag na naman sa kwento natin na mga karanasan patungkol sa korapsyon. May ipapasa na naman tayong blind item o direktang mga salita laban sa mga nakaupo sa puwesto.

Eh kung wag na lang tayo magkwento? Magkunwari na lang tayo pare parehong walang alam. Magkunwari na lang tayong maayos ang lahat. Magkunwari na lang tayong mga tanga, tutal mukha na rin naman talaga tayong tanga at di marunong madala.

Wednesday, February 27, 2013

6 Bobotante Guides para sa Eleksyon 2013


Amoy eleksyon na naman. At ito ang tamang panahon para makapagbigay paalala sa ating kababayan tungkol sa pagboto. At hindi ako magbibigay ng mga payo kung paano ang tamang pagpili ng iboboto. Siguradong marami nang magbibigay niyan. At sa dinami dami ng nagpapaalala sa atin ng tamang gawin, madalas ay nakakalimutan na natin ang mga hindi dapat.
 

Ilan lang ito sa mga naririnig natin na paulit-ulit sa marami nating mga kababayan tuwing napapag-usapan kung sino ang kanilang iboboto sa eleksyon.  At ito din marahil ang mga pangunahing dahilan kung bakit ganito pa rin kalala ang sitwasyon ng ating pulitika. Bakit sila ang iboboto/o hindi natin iboboto?



               1.  “Sayang ang boto ko, di naman yan mananalo.”  


Ginawa mong sugal ang boto mo. Dahil dehado, kahit tingin mo e ok naman, hindi mo iboboto. Ngayon binoto mo yung kahit ayaw mo pero at least malaki chance manalo. Ok congrats, panalo ka. Para kang tumaya sa karera ng kabayo o sabong. Panalo ang tinayaan mo. Ano ngayon premyo mo? Ilang taon ka na bumoto ng ganyan, malaki na ba napanalunan mo? O ganon pa rin sitwasyon mo?




          2.  "Wala pa naman silang napatunayan. Mga bago lang yan. “


Kaya bumoto ka ng pamilyar na pangalan. Sila uli, dahil sabi nga tutal may napatunayan na sila. May karanasan na. At naranasan mo na rin ang hirap. At marami rin may karanasan na sa pangungurakot, expert na. Mahirap nang hulihin. 

hmm...


           3.  “Di ko kilala mga kandidato. Bahala na sa makikita ko sa balota.”


Napakaraming mga web pages tulad nito na nagpapakilala sa mga kandidato. Pag bibili ka ng cellphone, nagreresearch ka pa ng sandamukal at nagtatanong tanong ka kung ano ang okay na bilhin. Naghahanap ka pa kung san ka makakamura. Andami mong oras na nakalogin sa Facebook pero yung pagbasa man lang ng profile at list ng mga kandidato online, di mo magawa. Tapos rereklamo ka ng kung sino sino ang nananalo.



            4.  “Boto ko tong anak/kapatid/asawa/pinsan ni kwan. Ok naman kasi siya kaya  malamang ok din itong kadugo niya.”. 


Hindi tamang manghusga dahil lang sa kadugo.  Maaari itong makaapekto, sang ayon ako dito.  Puedeng sa mabuti, puede ring sa masama. Pero kung ito lang yung dahilan mo para iboto o hindi iboto ang isang kandidato,  ito ay tatak ng pagiging bobotante.



            5.  “Artista/atleta/ekonomista/sikat yan, kaya iboboto/hindi ko yan iboboto.”


Tulad ng dugo o lahi, ang trabahong pinanggalingan ay hindi dapat maging kaisa-isang basehan ng pagboto. Hindi porke ganito o ganyan ang trabaho nila, iboboto o hindi na sila ang iboboto. Puede itong maging batayan. Pero  marami pang ibang puedeng gawing panukat kasama nito.



            6.  “Di na ko boboto, wala rin naman magbabago.”


Ok lang yan, pero wag ka ring masyadong magreklamo. Dahil ang di mo pagboto, katulad na rin yan ng pagsuporta mo sa taong ayaw mong manalo.  Ang di mo pagboto, ay hindi direktang pagboto sa kandidatong di mo gusto.



Kung may mga gusto pa kayong idagdag sa ating listahan, ilagay nyo lang sa ating comments section. I-share nyo rin ito sa iba at ng atin nang maiwasan at mabawasan ang pagiging bobotante sa susunod na halalan.



----------------------------------------------------------------------------------------------------------



At dahil 2016 na, may dagdag na dapat. Tulad ng mga ito.





7.  “Sino ba yan? Never heard. Ano ba nagawa nyan?”

Ok, ok. Masyadong malawak itong statement na ito. At tama lang na itanong kung ano ang nagawa. Pero ang tanong, yung nagtatanong ba e alam ang trabaho ng posisyong tinatakbuhan ng kandidato? Baka naghahanap ka ng tulay o basketball court na pinagawa nya o kaya e kriminal na napahuli, e yun pala senador ang tinatakbo ng kandidato. Hindi kandidato ang problema pag ganon. At kung di mo kilala, bilang botante, kailangan mo rin magresearch.

8.  “Di mo siya iboboto? Siguro supporter ka ng kurakot/kriminal/adik/magnanakaw/cronies/dynasty/pusher/etc” 



Sana nga, black and white lang ang pagpili ng kandidato. Pero minsan, yung inaakala mong mabuti, siya pala ang kontrabida and vice versa. Ang dapat mo muna ring suriin ay ang sarili mo. Kung ano ba ang pinapaniwalaan mong tama. Kung ano ba ang basehan ng moralidad at karakter mo at mga plano mo sa buhay. Hindi yung porke tingin mo e matalino, mahusay at matapang ang isang kandidato, e siya na agad. Paano kung yung ginagamitan pala nya ng husay e kabaligtaran ng lahat ng pinaninindigan mo sa buhay? Baka magsisi ka rin balang araw.







 

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...