"Wala na kong magagawa at ganito na lang talaga ang buhay ko kaya magtitiis na lang ako."
Ang pangungusap na yan ang ibig sabihin ng ibang tao kapag tinanong mo kung ano ang pangarap nila sa buhay, kung ano ang gusto pa nilang magbago o kung gusto pa nilang guminhawa ang buhay nila at ang sinasagot sa yo ay "kuntento na ko sa simpleng buhay". Yan ang sabi ng marami sa tin. Sasabihin niya sa yo na ok na siya ngayon. Masaya na siya sa ganito lang. Di na siya nangangarap pa ng mataas.
Pero madalas mo rin naman siya marinig na maraming reklamo sa buhay. Sana ganito, sana ganyan. Kung ganito lang sana ang ginawa nya dati. Kung ganito lang sana yung ginawa ng iba. At kung anu-ano pang sana. Pero kuntento daw siya. Pero mas madalas pa siya magreklamo sa buhay kesa sa kumilos at umaksyon sa nirereklamo niya.
Ano ba talaga ang ibig sabihin ng kuntento? Ito ay yung masaya ka sa kung ano ang meron ka at di na naghahangad pa. At masaya ka sa kung ano ang meron naman ang iba. At hindi pagiging kuntento ang kawalan ng pag-asa na may iaayos pa ang buhay mo at yung pakiramdam na wala ka nang magagawa pa kaya di ka na lang nag-iisip na puede pang magbago ang sitwasyon mo.
Hindi rin ito laging tungkol sa materyal o pinansyal na bagay. Ito rin ay puedeng tungkol sa iyong relasyon sa mga taong nasa paligid mo o kaya ay sa pananampalataya at paniniwala mo. Ang pagiging kuntento ay hindi ibig sabihin pagtyatyagaan mo na lang ang isang bagay dahil tingin mo ay wala ka nang magagawa. Dahil habang buhay ka, may magagawa ka pa. Bawat bagay na gagawin mo gaano man ito kaliit, malaking pagbabago ang magagawa nito sa kinabukasan mo.
Tulad yan ng manibela ng isang sasakyan, kahit simpleng kabig lang ang gawin mo, malilihis ka na ng direksyon at anggulo ng pupuntahan mo. At ang pagiging kuntento ay hindi ibig sabihin ititigil mo na ang sasakyan. Ayos lang naman huminto paminsan-minsan. Pero kung pe-preno ka, sana ay hindi para huminto ng tuluyan, kundi para pag-aralan kung san mo ikakabig ang iyong gulong patungo sa lugar na syang gusto mong puntahan. Buhay mo yan Ikaw ang humawak ng manibela at wag mong ipa-maneho sa iba. At samahan mo rin ng panalangin bago ka umarangkada.