Showing posts with label alamat. Show all posts
Showing posts with label alamat. Show all posts

Thursday, April 11, 2013

Alamat ng Tsismoso't Tsismosa

Nakakainis ang mapagusapan ng ibang tao. Lalo na kung mali ang kinukwento. Tulad ng nangyari sa kin minsan na pinagbintangan akong nagnakaw ng pera ng kaklase ko nung highschool ako. Buti na lang at lumabas ang totoo. Wala man nag-sorry sa kin noon ay pinatawad ko na silang lahat. Yun nga lang, mahirap kalimutan. Pero wala sigurong tao ang kelan man hindi nagkwento patungkol sa iba. Pero hindi naman laging masamang kwento, madalas ay mabuti rin. Kahit ako ay nagagawa ko rin yun. Guilty pleasures na ata natin ang mag-kwentuhan tungkol sa ibang tao na hindi naman laging masama ang nilalaman. Pero mas mainit ang usapan kung may halong baho at mali patungkol sa iba. At minsan ang ibang yun ay tayo rin naman.

Lahat ng nilalaman ng utak ng bawat tao ay galing sa ating obserbasyon. Ang isang sanggol ay natututo sa panggagaya sa mga bagay na una nilang naririnig o nakikita. Hanggang sa tumanda tayo ay ganon pa rin naman ang proseso. Walang bagay na kinikilos natin o salitang sinasabi natin na hindi dinulot ng mga naobserbahan natin sa ating paligid.






Mula sa pagiging sanggol na ang tanging nakikita natin ay ang ating mga magulang, kapatid, lolo at lola at iba pang mga kasama sa bahay, nagkakaedad tayo at nagsisimulang maharap sa ibang tao sa paligid. Simula sa magkaroon tayo ng mga kalaro. Matututo na rin tayong manood ng tv at makinig ng radyo. Pumasok sa eskwela at matuto mula sa mga guro at makipagkulitan sa ating mga kaklase. At nagsisimula na ring magbasa ng mga libro. At marami pang libro. Mula sa pagbabasa ng mga nursery rhymes, magkakaroon na ng mga pambatang kwento tulad ng mga fairy tales at mga alamat ng kung ano ano. 

At habang tumatanda tayo, nagiging mas malalim na rin ang plot ng mga binabasa at pinapanood natin. May mga movies na ring nagugustuhan na hindi pambata ang tema. Natututo na rin tayong magbasa ng libro na hindi lang yung mga pinababasa ng mga guro natin. Makakasalamuha na rin natin ang ibang mga tao. Makakapagbasa, makakapanood at makakapakinig na rin ng mga balita at magiging socially aware na din malipas lamang ang ilang taon. At marami pa tayong mga mababasa at makikilalang mga tao. Hanggang makapagtapos tayo, makapagtrabaho. At diyan sa mga bagong mga impormasyon na yan naman manggagaling ang panibagong mga bagay na ating gagawin at mga salita at ideyang ating iisipin at sasabihin.

Habang tumatagal ay higit na mas dumarami ang karanasan, kaalaman at impormasyon na pumapasok sa kukote ng isang tao. At dahil dito, nagkakaroon din ng mas malawak na pananaw sa mga bagay bagay. Nagkakaroon ng mas malalim na mga pag-iisip. Kadalasang nagbabago na rin mismo ang sariling mga opinyon.  Tuloy tuloy ito hanggang sa ating pagtanda. Ito na rin ang dahilan kung bakit kadalasang ang opinyon ng mga matatanda ay binibigyan ng bigat kumpara sa karamihan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga kwento na naririnig at nababasa natin ay madalas matandang ermitanyo ang ginagamit na karakter patungkol sa taong maalam sa mga bagay bagay. At kadalasan din sa mga larawan ng mga philosopher na kilala natin ay matanda na, puti ang buhok at mahaba ang balbas.  Siguro nga ay dahil na rin sa dinami dami ng karanasan, impormasyon at kaalamang narinig, nakita o nabasa ng mga philosophers sa buhay nila ay naging ganoon nga sila.




alam mo ba...si kuwan...


Ano naman ang alamat ng tsismosa? Naisip ko lang sa sarili ko. Pag wala akong ginagawa, wala akong binabasa, wala akong pinapakinggan, ang focus ko ay napupunta lang sa iilang tao sa paligid ko. Wala tuloy akong ibang maisip at maanalisa kundi ang ginagawa at sinasabi nila. At noon, hanggang ngayon pa rin ata, ay nakkwento ko sa iba ang obserbasyon ko tungkol sa ginagawa ng ibang tao. At minsan nakukuwento ko pa sa yata sa blog ko. O meron nga ba? Wala pa naman ata akong pinangalanan. Pero ganon na nga. Kadalasan sa mga nagiging bunga ng paglilimita natin sa sarili natin at pagkulong natin ng isipan natin sa iilang bagay at tao lamang ay ang pagiging tsismosa at tsismoso natin.

At tila ang naghihiwalay sa philosophers at mga tsismoso ay yung bilang ng mga taong naoobserbahan nila sa kanilang buhay. Yung philosphers ay libo libo o milyon milyon pang mga tao na naobserbahan nilang direkta o di kaya ay nabasa nila mula sa kasaysayan at mga kasalukuyang pangyayari sa iba't ibang dako ng mundo at doon nanggagaling ang kanilang mga nabubuong mga kaisipan at mga kwento. Samantalang ang tsismoso ay nagsasalita ayon sa direktang obserbasyon o kaya ay kwento lang din ng kapitbahay niya tungkol sa isa hanggang sampung tao sa kalye nila. Kung tutuusin, lahat naman pala tayo philosophers. Iba't ibang level nga lang. Pero isa siguro sa malaking pagkakaiba ng philosopher sa tsismoso ay ang pakay ng paglalahad ng kwento at ideya ng dalawa; ang isa ay kadalasang para sa ikabubuti ng marami at isa ay kadalasang sa ikakasira ng iilan.


At tingin ko, andun ako sa gitna. Kaya minsan, tunog tsismoso ako kung magkwento, at minsan naman ay para lang akong namimilosopo. Yun nga lang, madalas ko rin namang itsismis sa inyo ay tungkol sa sarili ko.

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...