Monday, May 5, 2014

Philippines Holds World Record in Recycling



Nakakadiri ang amoy ng patay na daga. Mas nakakadiri kung mahahawakan mo. Pero nangyari na sa kin yun. Di pa naman bulok yung daga. Sariwa pa nga pero wala na nga lang ulo. Yung pusa kasi naming alaga noon ay magaling manghuli ng daga. Naghahanap kasi ako ng kahoy na pangsara sa bintana namin dati. Maliit lang yun na cube na iniipit sa ilalim ng bintana para lang hindi mabuksan pag galing sa labas. Pagsilip ko, akala ko yung naaaninag ko na maliit na bagay sa ilalim ng sofa ay yung kahoy na pansara. Paghawak ko, basa. Pagtingin ko sa kamay ko ay may dugo. At nang sinundot ko ng walis yung maliit na bagay na yun, patay na daga pala. Masuka suka ko halos sa nangyari. Pero good job sa pusa namin. Naubos ko din ang alcohol namin at naka ilang ulit akong nagsabon sa paghuhugas  ng kamay ko.





Paglabas naman ng bahay, marami ding nakakadiri na di na lang natin pinapansin halos. O dahil nakasanayan na rin natin. Mabahong ilog at mga kanal na may naglulutangang kung ano ano. Mga baradong drainage. Kalsadang puro tambakan ng basura. Karaniwan nang makikita ang mga ito sa maraming lugar sa Pilipinas. Problema na nga natin ang basura. Hindi na halos natin alam kung pano pa aayusin. Sabi ng marami ay disiplina ang kailangan. Sana nga lahat ay naiintindihan ito. Tinuturo naman sa eskwela yun  sa mga bata pa lang na ang basura ay dapat tinatapon sa basurahan. Pero siguro, ang problema na rin minsan e pagkatapos itapon sa basurahan, di na alam kung ano gagawin. Problema kung saan itatambak ang nakolekta. O kaya e walang nangongolekta. At madalas na sinasabi dyang solusyon ay pagre-recycle. Marami daw kasi sa tinatapon natin ay puede pang gamitin. Mapapakinabangan pa at di pa dapat isama sa tapunan.

Magaling naman ang mga Pilipino pagdating dyan. Kung recycle lang ang paguusapan, eksperto na tayo dyan eh. Yung mga luma na at minsan ay patapon na, pinapakinabangan pa rin natin. Tuwing eleksyon na lang ay nananalo at nananalo ang mga dati nang pulitiko.  Hindi naman masama na manalo ang dati nang nanalo lalo na kung ok ang track record.  Kaso mo, parang nagging hobby na natin na paulit ulit na lang ang nananalo at ayaw nating sumubok ng bago kahit di naman kagandahan ang mga ginagawa. Kahit nga kaapelyido lang nung dating pulitiko, kahit walang track record, iuupo natin eh. 




At sa showbiz, ilang beses na ba tayo nakapanood ng mga nirecycle na telenovela o pelikula? Kung hindi yung buo, e kahit yung plot lang ba? Yung paulit ulit na kwento na alam mo na lagi kung ano ang mangyayari? Pagdating sa music, mas marami na ngayon ang revival at cover. Konti na lang ang orig. Buti sana ay irerecycle nila mismo yung artists na kinakasabikan nating makita uli. Kaso mo, hindi at yung iba na kakanta ay di pa mabigyan ng magandang justification.

Pati sa mga isyu at problema ng bansa, mula sa korapsyon, mga aksidente, mga krimen hanggang sa mga pinsalang dinudulot ng mga kalamidad, wala tayong kasawa sawa na mag ulit-ulit ang mga pangyayari. Nangyari na, pero di pa rin tayo natututo. Ganon pa rin ang gawin natin at maaalala na lang nating gawin ang dapat na paghahanda pag nangyari uli. At  makalipas ang ilang araw, malilimutan na uli. Gusto natin, recycle uli ang balita sa susunod na mga taon.


Napakahusay ng Pilipino pagdating sa pagrerecycle. Ang galing nating umulit ng mga bagay na kahit basura na, hinahayaan nating umulit na lang ng umulit. Lahat na lang halos ng bagay, nirerecycle na natin. Kulang na lang talaga yung sa basura.

3 comments:

  1. Ahaha, you got a point here parekoy. Sana kung gaano kahusay ang mga pinoy sa pagre-recycle ng mga telenevolas at mga trapong politician ay dapat ganun din nila kinakarir ang paglilinis ng ating kapaligiran. Kulang na kulang pa rin tayo sa mga waste treatment at recycling plants.

    ReplyDelete
  2. It's remarkable to visit this website and reading the views of all colleagues
    regarding this post, while I am also keen of getting experience.

    ReplyDelete
  3. Good day, loved reading this. Been here a few times
    however never left a remark. Will share this on my Twitter page.
    keep up the good work

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...