Madalas na naririnig na sinasabi
ito sa isang tao na nakakagawa pa ng ilang mga bagay na makabuluhan na labas sa
kanyang karaniwang gawain o trabaho.
Minsan, hindi ko mawari kung ito
ba ay “papuri” o “insulto” dahil ang dating ng mga katagang ito ay parang
sinasabi na “di ka siguro busy ah kaya
dami mo nagagawang kung ano ano pang mga bagay, samantalang ako e sobrang wala
nang oras para gumawa niyan dahil busy ako sa trabaho ko”. Tila ba yung taong marunong pang mag-manage ng
oras niya para makagawa pa ng ilang makabuluhang bagay ang siyang lumalabas na
nagsasayang ng oras, at ang nagsasabi nito ang siyang sobrang busy sa dami ng
pinagkakaabalahan na importanteng mga bagay para sa kanya.

Kadalasan kasi sa mga taong mahilig
magsabi ng ganito, ang totoo ay gusto rin naman sana nilang gawin ang mga bagay na ginagawa
mo o kadalasan e may gusto daw silang gawin na ibang pagkakaabalahan ba pero hindi nila masimulan at magawan ng paraan at ang dialog nila kadalasan ay ganito: “gusto ko rin sana gawin yang... (mga halimbawa: photography, mag travel, magsulat, magaral ng cross stitch, mag invest sa stocks, mag jogging, baking, ghost hunting, aswang hunting) at gusto ko sanang pag-aralan, kaso
busy ako eh, wala akong time. Buti ka pa ang dami mong oras”. Pero huwag
ka, makikita mo lagi ang karamihan sa mga taong tulad nito na minu-minuto ay updated yung Facebook
status, Twitter at kung ano ano pang social networking account, may
uploaded photos pa ng gabi-gabing pag-gimik kasama ng barkada, palaging updated
sa bagong movies at talaga namang nasusundan ang lahat ng mga bagong series sa
tv lalo na ang mga reality shows.
Ok lang naman kung eto talaga ang
gusto nilang buhay pero kung nagnanais silang magkaroon ng oras para gawin ang
ilang mga pinaplano nilang mga makabuluhang bagay, dapat ay simulan ng
pag-isipan at planuhin kung ano ba talaga ang mga dapat unahin at paglaanan ng
oras. Kung meron lang sanang matibay na pagsunod sa prayoridad ang mga tao, mas
magiging produktibo sana ang karamihan sa atin. (see: Prayoridad at mga Problema ng Pamilyang Pilipino)
Eh paano naman ikaw, busy ka ba?