Showing posts with label pagtulong. Show all posts
Showing posts with label pagtulong. Show all posts

Monday, August 20, 2012

Pagtulong na Tama, Pagtulong na Mali

Muntik na kong mamatay. Di lang minsan kundi tatlong beses na. Pinaka-memorable yung bigla na lang akong nanigas sa jeep papauwi. Sa bandang Ever Gotesco Ortigas, bigla na lang akong nahirapang huminga. Bumilis ang tibok ng puso ko.  Unti unting nanigas ang mga daliri ko hanggang di ko na maigalaw. Nagawa ko pang humingi ng tulong sa katabi ko bago ako tuluyang mawalan ng kontrol sa katawan ko. Parang mga teachers ata sila. Unti unti nagbabago na pakiramdam ko, naninigas na pati mukha ko at mga binti, hindi ko na maigalaw. Di na ko makapagsalita halos. Ihiniga na ako sa aisle ng jeep. Pinakuha ko ang cellphone sa bulsa ko para tawagan nila ang pamilya ko. 7110 ang model nun. Sa kasamaang palad, hindi nila magawang tumawag dahil di sila sanay i-slide yung phone. Natanggal yung mouthpiece paghatak nila pababa.  Kung anu-ano na ang tumakbo sa isipan ko ng mga oras na yun. Nagdasal ako. Katapusan ko na ba? Ito na lang ba yun? Hindi, hindi pa ito ang katapusan sabi ko sa isip ko. Kailangan kong maging matatag. Tapos biglang sigaw nung isang pasahero ng jeep, “Nangingitim na siya!!!”. Tsk, katapusan ko na nga ata.

Eto yun
 

Di ko na halos maalala ang mga sumunod na nangyari hanggang sa nadala na ako sa Manila East Medical Center. Tapos tinurukan ako ng mga gamot ng doktor habang kinakausap ako. Kinalma ako. Makalipas ang ilang oras, unti unting bumalik ang pakiramdam ko sa katawan ko. Nakakapagsalita na uli ako. Nakakagalaw na uli mga daliri ko. At naayos ko pa ang cellphone ko at nacontact ko pa ang pamilya ko. Dumating ang mga magulang ko at naiuwi nila ako ng maayos. Salamat sa mga nakatabi ko sa jeep. Di ko na kayo nakilala pero salamat. Sana ay mabasa ninyo ito at maalala pa ninyo ang nangyari. At dun sa nagsabing “nangingitim na ko”, tol, eto buhay pa ko. Baka lang di mo na kasi nabalitaan ang nangyari sa kin at makita mo ko uli sa jeep e akala mo minumulto kita. At salamat din sa pag-aalala mo ng mga oras na yun.

Masarap ang tumulong sa kapwa. Sa kabuuan ay  mabuti ang pagtulong. Lahat tayo ay may iba’t ibang pangangailangan. At madalas na nakikita lang natin ay yung pisikal tulad ng pagkain, tahanan, damit, mga gamot, atbp. Natural sa tao ang pagiging “visual”.  Mas napapansin natin ang mas “obvious”.

Pero bukod sa pisikal ay may iba pang importanteng pangangailanganan ang tao. Sa iba pang aspekto ng ating pagkatao, ang pisikal na pangangailangan ay kadalasang bunga lamang o dahilan ng iba pang mas malalim na pagkukulang.

Karamihan sa mga pisikal na problema ay bunga ng kakulangan sa maayos na kaisipan. Ang mga mentalidad natin na mali ay kadalasang nagbubunga ng maling pagpplano at pagdedesisyon para sa ating sarili. Ang mga maling pananaw. Puedeng sa pag-aaral, sa pagttrabaho, sa pagpapamilya atbp. Mga maling mentalidad na nagbubunga ng maling resulta. At ang mga ito ay nagdudulot ng kahirapan, pagkagutom, pagkakasakit at iba pang pisikal na karamdaman.


(Quick Quiz)Ano ang pangunahin nilang pangangailangan? : A. Libreng Bakuna B.  Libreng Pagkain C. Kabuhayan



Halimbawa ang isang kaibigang naghihirap, nagugutom at kulang sa pagsisikap. Isang kaibigang kulang sa kumpyansa sa sarili. Bigyan mo siya ng pagkain at mabubusog siya ng pangsumandali. Pagkaubos, babalik lang din siya sa dati. Gutom pa rin sya at naghihirap. Bigyan mo uli ng pagkain at mabubusog siya. Pero pagkatapos mananatili siyang naghihirap. Mananatiling hindi nagsisikap. At mananatiling mababa ang pagtingin sa sarili.


Ang kadalasang resulta naman ng pangangailangang pisikal ay ang emosyonal na epekto nito sa mga taong dumaranas nito. Madalas ay nawawalan ng kontrol.  Nagdudulot ng desperasyon at depresyon. Dahil sa pisikal na sakit at hirap na nararamdaman, marami ang madaling nadadala ng bugso ng damdamin. Ang gutom na katawan ay nakakagawa ng mga bagay na hindi rasyonal. Kapit sa patalim. Wala ng damdamin para sa kapwa. Kailangang ipaglaban ang katawan at gagawin ang lahat para mapanatili itong buhay. O ang buhay ng kanyang mahal.


Ang isang pamilyang may anak na sampu ay kadalasang hikahos. Madalas ay gutom at walang pampaaral. Hindi sa lahat pero madalas ay ito ang sitwasyon. Sa naghihirap, kadalasang tulong na ginagawa ay ang bigyan sila ng panggastos para sa isang buwan. Pagkatapos ipatali ang nanay para di na mabuntis. Tuturuan ang mga anak ng mga paraan para makaiwas na makabuntis/mabuntis ng maaga.  Maaaring hindi na sila dumami. Mabubusog sila sa loob ng isang buwan. Pero paglipas nito, walang halos ipagbabago ang kanilang sitwasyon. Kagutuman pa rin at kawalan ng edukasyon pa rin ang kahihinatnan.  Kahirapan.  Mananatili pa rin ang gutom at kamangmangan na magtutulak para patuloy na gumawa sila ng mga maling desisyon sa kanilang buhay. At maaaring ikaulit ng problema ng kanilang pamilya.

(Quick Quiz) Ano ang pangunahing nararapat proyekto ng gobyerno para sa pamilyang ito? :
A. Maayos na trabaho para sa magulang                 B. Edukasyon para sa anak C. A&B  D. Libreng contraceptives


Subalit tulad ng nabanggit, madalas na ang ating nakikita lamang ay ang pisikal lamang na pangangailangan ng ating kapwa. Marami naman sa tin ang likas na matulungin. Mabilis tayong tumulong.  Kung gaano kabilis ang ating pagtulong, ganoon din minsan kabilis mawala ang epekto nito.  


Ang tunay na pagtulong ay magagawa kung ipipikit natin ang ating mata sa nangyayari sa paligid. At sa kadiliman ay ilalagay natin ang ating sarili sa sitwasyon ng taong gusto nating maiangat ang kalagayan. Ang ating gagamitin sa pagtingin sa kanilang kalagayan ay puso at isipan. Sa paraang ito ay mapapansin ang mga bagay na hindi nakikita ng mata. Ang mga ugat ng problema. Ang mga sanhi ng sugat. Mas makikita na natin kung alin ang ugat at alin ang bunga. Nakakalito ito sa mata, pero sa puso at isip ay hindi. Mas madali. At kung di pa rin ito makita, marahil ay isa ka sa may problema ang mentalidad at apektado na rin ang iyong emosyon sa mga bagay bagay.


At pagkatapos akong sumpungin noong unang beses na yun sa jeep, naulit pa iyon ng ilang beses. Sa gitna ng training, sa byahe uli pauwi at isang beses sa opisina. Nakakahiya yung sa opisina kasi na-stretcher ako pababa ng building. At tinulungan naman ako ng mga kaopisina ko. Laking pasasalamat ko sa kanila. Makalipas ang ilang araw, may lumapit sa akin na isang kaopisina sa pantry at kinumusta ako. Sabi ko ok na ako. Tapos sabi niya sa akin, ang balita raw ay kaya ako inatake ng ganong sakit ay galing daw kasi “ata” ako sa party nung gabi bago iyon. Baka sa puyat daw at hang over. Party at hangover? Ang alam ko bukod sa trabaho ko ay may part time na network marketing ako noon. Plus marami akong problema sa pamilya. At nauubos ang oras ko sa maraming bagay kaya nagkaroon din kami ng mga di pagkakaunawaan ng ex-gf ko (ex kasi asawa ko na siya ngayon). 


Stressed na stressed at laging pagod ako ng panahon na iyon. Pero party at hangover? Maling balita. Di ko na inalam kung kanino nanggaling. Parang yung kwento ko lang sa “betrayal” story ko na naulit. Malas ko naman. Pero suerte rin lagi kasi may isang tao na nagaapproach sa kin para malinawan ko rin ang mga pangyayari. Malaking tulong sila para mabawasan ang stress.  Dahil sabi ni doc noon, stress talaga ang dahilan ng naging sakit ko. Dapat bawasan ko raw ang stress. Kaya sinunod ko si doc at inayos ko ang mentalidad ko sa mga bagay na nagpapastress sa akin. Lumayo at tinanggal ko yung iba. Yung iba naman, hinahayaan ko na lang. Kaya mas healthy na ko ngayon siguro physically. Di na ko nagkakasakit.  And napansin ko rin na sa ngayon, mas stable na ko emotionally. Tingin nyo? 



Kung naenjoy mo ang artikulong ito, i-like ang ating Facebook page at i-follow ang ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po. 

Saturday, July 21, 2012

Kanya-kanyang Buhat

“Sana itinulong na lang nila sa mahirap.” Ito ang madalas nating marinig o mabasa na komento ng ilang tao kapag may mga nababalitaan tayong mga bumibili ng mga tingin natin e luxuries o luho gamit ang kanilang limpak-limpak na salapi. Sana daw ibinigay na lang sa mga nagugutom. Sana dinonate na lang sa charity. Sana binigay na lang yung pera sa mga nasalanta ng sakuna. Sa isang banda, may punto naman. Sa dami ng nagugutom, sa dami ng naghihirap ay para nga namang mahirap isipin na nakakayang mabuhay sa karangyaan ng ilan.

Subalit, may karapatan ba tayo para manghimasok sa ating kapwa kung paano nila gagastusin ang perang kanila namang pinaghirapan? Maaaring may ilan na sasabihin na ninakaw lang o nakuha ang kanilang yaman sa maling paraan, pero ganoon na lang ba talaga kadaling humusga?

Paano rin kung nagagawa naman pala nilang tumulong? Sino ba ang makakaalam kung tumulong ba sila o hindi? Kailangan din ba na ang pagtulong ay pinapaalam? At kapag pinaalam naman, paghihinalaan na may hidden agenda o tatawaging pakitang tao lang?  At inaasahan ba natin na lahat ng pinaghirapan nila ay gagamitin na lang nila pantulong sa iba?  

Wala ka na bang ibang mai-comment?


Ang pagtulong ay isang mabuting gawain. Tinuturo na sa atin ito ng ating mga magulang mula pagkabata. Kadalasan ay itinuturo rin ito sa atin ng ating simbahan at nang ano mang sekta tayo kabilang.  At ang pagtulong ay dapat bukal sa puso. Hindi ito dapat idinidikta ng kung sino. Hindi rin ito ginagawa para magpakitang gilas.  At higit sa lahat, hindi rin ito dapat maging daan para ang isang tao ay umabuso at maging pala-asa na lang sa ibibigay ng kanilang kapwa.

At  kung may tao man na dapat nating diktahan o sabihan na tumulong sa kanyang kapwa, yan ay walang iba kundi ang mga sarili natin. Sa mundong ito, kanya kanya tayong dala, kanya kanyang tulak, kanya kanyang buhat. Kung may tumulong sa tin, thank you.  Magsikap naman kung wala. At kung ano yung gusto mong gawin sa yo ng kapwa mo, ikaw ang magumpisang gumawa sa iba. Golden rule nga di ba?

-- At yan ang madalas kong naiisip pag napupunta ako sa comments section ng mga balitang tulad ng "pagbili ng mamahaling kotse ni champion, nagdonate si businessman sa national team ng ilang milyon, nagpatayo ng malaking mansion si aktres, bumili ng sobrang mahal na diamond ring si doktora" at pagkatapos ay makakabasa o makakarinig ako ng paulit-ulit, napakababaw at walang kasense sense na komentong “sana dinonate na lang nya sa mahihirap”.  At kung isa ka sa mga ito, kapag ikaw na tao ka ay nanalo sa lotto ng ilang milyon ay wag na wag kang makakabili ng kahit anong mamahaling gamit dahil kung hindi, isasaksak ko itong comment mong nakakabuiset kasama ng item na binili mo sa iyong nakakasulasok at nakakaaburidong sumbong  (ika  nga ni Bonggang Bonggang Bongbong).

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...