Showing posts with label pilipino. Show all posts
Showing posts with label pilipino. Show all posts

Friday, July 27, 2012

Salawikain at Kasabihang Dapat nang Limutin


Pag nanonood ako ng Little Miss Philippines sa Eat Bulaga, napapansin ko na yung mga kasabihan ngayon ng mga bata ay modern na at yung iba naman ay parang imbento na lang talaga ng mga magulang. Marunong na ring gumimik. Yung nanalo nga nito lang nakaraan, ang kasabihan niya ay eto – “Ang batang tabachingching tulad ko ay kinagigiliwan ni bossing! Mwah mwah, tsup tsup!” Cute no? Pero di ako masyado natuwa. Sumobra ata sa gimik, pero effective kasi nanalo. Magaling naman talaga yung bata at nakakatuwa. Mahusay ang talent at malakas ang loob humarap sa tao. Saka malay natin, balang araw eh maging totoong kasabihan na rin ito at isa na sa mga pinag-aaralan ng mga bata sa eskwelahan.

Pagpasok natin sa elementarya, madalas na ipa-takdang aralin sa atin ng ating mga guro ang mga salawikain at mga kasabihan nating mga Pilipino. Bilang bahagi ng ating Panitikan, marapat lang na may kaalaman tayo tungkol sa mga ganitong bagay. Mayaman ang ating wika pagdating sa mga salawikain at kasabihan. Karamihan sa mga ito ay kapupulutan ng aral.

Pero habang tumatanda, napapansin ko na parang may ilan naman na bukod sa parang wala akong makitang mabuting aral ay nakakapagpababa pa ng estado ng pag-iisip ng ating mga kababayan. Minsan e ginagawa pang excuse sa kalokohan yung ilan.  Tulad na lang ng mga ‘to:

-------------------------------------------------------------------------------------------------------------

"Huli man daw at magaling, maihahabol din."

Naging panata na ito ng maraming estudyante na nagccram sa pagpasa ng mga projects, paggawa ng assignment o last minute review sa mga exams nila. Aminin ko nang kasama rin ako dun. Minsan e hindi naman talaga magaling, feeling magaling lang naman (kasama rin ako dun). Tapos, marami pang maririnig na kapag under pressure daw e mas lumalabas pa lalo ang husay at mas nakakagawa ng maayos. Malaking kalokohan. Mas masarap matapos ng mas maagap sa gawain at mas magiging produktibo at mas magiging mataas ang kalidad ng trabaho kung magiging mas maagap.


“Edukasyon lang ang tanging maipapamana ng ating mga magulang”

Pero tama naman, marami tayong mga hindi kasing palad na ipanganak sa mayayamang pamilya. Kaya dapat tayong magpasalamat sa magulang natin na nagsikap, naghirap at nagsakripisyo para lang tayo makatapos sa pag-aaral para guminhawa ang mga buhay natin. At yun naman ang punto ng kasabihang ito. Dahil nga napamanahan na tayo ng edukasyon, e dapat gamitin natin yun para umunlad tayo sa buhay at ng kahit papano e hindi na lang edukasyon ang ipapamana natin sa mga magiging anak natin. Pero bakit ilang henerasyon na e hanggang ngayon e gamit na gamit pa rin natin ang kasabihang yan? Kelan natin balak ihinto ang paggamit sa kasabihang yan? Imbes na mabawasan ang bumabanggit e parang lalong dumadami pa? Baka balang araw pag sinabi pa rin natin yan sa mga anak natin e sagutin na nila tayo ng “Nay, tay, sana sinamahan nyo na rin ng bahay at lupa saka kotse saka malaking savings sa bangko.”


“ Mas maayos na ako sa ganitong simpleng buhay”

Ano nga ba ang simpleng buhay? Marami sa mga Pilipino pag tinanong mo kung pangarap ba nila ang guminhawa sa buhay o yumaman, sasagutin ka ng “ok na ko dito sa buhay na simple”. Pero wag ka, pagkatapos mo tanungin eh puro reklamo naman ang ginagawa sa araw araw. Reklamo sa gobyerno, sa ekonomiya, sa maingay na kapitbahay, sa buisit na landlady, sa malupit na amo at kung ano ano pa. Eto ba yung simpleng buhay? Ang sarap sabihin na “ok na ko dito” pero ang problema, hindi tayo tapat sa sarili natin. Mas madalas na sinasabi natin ito dahil tingin natin ay wala na tayong pagpipilian at wala na tayong magagawa. Tinigil na natin ang mangarap. At yan ang tingin kong mali.


"Aanhin pa ang bahay na bato kung ang nakatira ay kwago. Buti pa ang bahay kubo ang nakatira ay tao."

Parang sa bansang ito na karamihan ay may maling pananaw tungkol sa karangyaan na tanging ang mga sinuerte o ang gumagawa lang ng ilegal ang puedeng magkaroon nito, itong kasabihan na ito siguro ang isa sa mga dahilan. Naaalala ko pa ang pagkakaturo nito na para bang sinasabi na yung mga mahihirap ang kadalasan na puedeng mabuti at marunong makisama sa iba at yung karamihan sa mga nasa loob ng bahay na bato o may kaya ay mga “snob” at di marunong makitungo sa kanilang kapwa. Dagdag pa sa mga teleserye na napapanood natin na parang dito sa salawikaing ito galing ang tema. Stereotyping ng mahirap at mayaman. Maling mali ang humusga ng kapwa ayon sa katayuan sa buhay.


"Naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala."

Dahil dito, naging play safe na ang mga Pinoy. Iilan na lang ang may salitang “risk” sa bokabularyo. Dahil dito, ilan lang din ang mga nagtangkang magtayo ng sariling negosyo o kaya ay gumawa ng ilang bagay na may kalkuladong peligro pero maaaring magbigay sana sa kanila ng mas maayos na buhay.


“Ang taong nagigipit, kahit sa patalim ay kumakapit.”

Ilang mga holdaper at mga kidnapper na kaya ang nagsulputan sa kasaysayan dahil sa kasabihang ito? Para bang nag-eencourage pa at sinasabing normal lang na kumapit sa patalim kung ikaw ay talagang nakasandal na sa pader at gipit na gipit na sa buhay. Hindi ba puedeng magdasal muna at pagkatapos ay humingi ng tulong?


“Nakikita ang butas ng karayom, pero hindi ang butas ng palakol.”

Natural. Kelan ba nagkabutas ang palakol?

-------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Marami pang ibang mga kasabihan at salawikain ang napansin kong dapat na siguro nating ibaon sa limot. Mga kasabihang imbes na makatulong para patinuin ang pagiisip at kamalayan ng mga bata ay para bang mas lalong nakakasira. Sa murang isip ay para bang nama-mindset na natin sila sa ilang mga ideyang baluktot. Ito yung mga kaisipan na pumipigil sa atin para tayo ay magsikap pa lalo na paunlarin ang ating mga sarili.

Pag-ingatan sana natin ang mga bagay na pinapangaral natin sa mga bata. Sana ay lagi nating tatandaan ang kasabihan na “ang isang bagay na makita o marinig ng bata kahit isang pagkakamali ay nagiging tama kapag ito ay ginawa ng mas matanda”. I thank you, bow.




Kung nagustuhan mo po ang artikulong ito, kung maari po ay i-share ito sa iyong Facebook o Twitter account gamit ang mga button sa ibaba o ang floating icons sa bandang kanan. At i-like din ang ating Facebook page sa pagpindot ng "like button" sa may upper right at gayun din sa pagfollow sa ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po.  


Sunday, April 1, 2012

Mga Maling Yabang ng Pinoy

Likas na sa ating mga Pilipino ang maging mapagmalaki (o sige na nga, magyabang) ng mga bagay bagay na nauukol sa atin para bumida tayo sa iba. Minsan ay umaabot pa sa puntong exaggerated na ang pagkkwento para lang maging sikat tayo sa usapan kaya nga merong mga joke na “wala yan sa lolo ko” ay dahil na rin sa ganyang ugali natin.

Sa aking pagninilay nilay (o pagtanga-tanga lang pag walang magawa) aking napagtanto na tila isa ito sa dahilan kung bakit pababa ng pababa ang antas ng disiplina sa ating bansa at palala rin ng palala ang mga masasamang bagay na nagagawa ng nakababatang henerasyon ng ating bayan. Kung bakit, bigyan ko kayo ng halimbawa.

Isang madalas na pangyayari na isang nakatatanda na nagkukwento sa isang grupo ng kabataan, tipong ganito:

Nakatatanda: “Nung bata kami, naku, yung si Mang Pedring na masungit dun sa lugar namin? Nako e lagi kami hinahabol ng matandang yun. Madalas kasi e sinusungkit namin yung mga mangga niya sa likod bahay nila. Halos maubos nga yung mga bunga eh, tapos pag wala na kami mapitas eh babatuhin pa namin yung bubong ng bahay nila mang Pedring saka yung aso nila na nakatali. Nako e kandagalit yung matandang yun, habol siya sa min, may dalang pamalo. Walang magawa ang matanda, hehehe. “

Mga Bata: “wow, astig nyo po pala ah!”

Nakatatanda: “Oo naman, at di lang yun. Yung nakuha naming mangga e ibebenta namin sa palengke, yung pinagkakakitaan namin, ayun pinambibili namin ng lambanog, ang sarap! Lasing lasing kami ng barkada lagi nun, kahit pa may mga pasok pa kami sa skwela. “

Mga Bata: “ayos po pala ang trip nyo ah, e pano po pagpasok nyo sa school?”

Nakatatanda: “E di ayun, pagdating pa namin sa klase mga lasing pa, ayun suki kami sa guidance. Kilalang kilala nga kami dun eh, sawang sawa na nga sa pagmumukha namin yung guidance counselor, pero wala sila magawa. E pano, yung nanay ko eh kaibigan ng principal yun, e sila pa nga humihingi ng pasensya minsan sa min. hehehe. Ibang iba talaga kami nun, kaya yang mga ginagawa nyong kalokohan, wala pa yan. “

Mga Bata: “Wow, ang galing nyo naman!!! Idol na namin kayo!”



May kasabihan nga na ang ginagawa ng matanda kahit mali ay nagiging tama sa mata ng bata. Parang etong si manong na nasa halimbawa natin, sa kagustuhang bumida sa mga bata, sumobra sa pagkwento at pagexaggerate ng mga detalye at hindi rin niya isinaisip na yung pagkkwento niya sa mga bata, tila ba chinachallenge niya ang mga ito na gawin o lampasan pa yung nagawa niyang kalokohan. At dahil sa exaggerated nga niyang kwento, inaakala tuloy ng mga mas bata na ok lang gawin ang mga ganong bagay at puede naman pala nilang takasan yung responsibilidad sa mga maling bagay.

May listahan ako sa baba ng 7 sa mga maling yabang ng mga Pilipino na kadalasan e naipapasa pa natin sa mga bata at sa sobrang gusto nating maging bida. At dahil dito, yung mga bagay na dapat ay mali, hindi dapat gayahin at iwasan sana ng mga kabataan e tila nagiging normal na lang dahil sa maling pagyayabang natin. Eto na po ang ating list:
  1. Pagyayabang ng alak na nainom, naka ilang bote at anong kalokohan ang nagawa nung lasing sila. - Pasikatan pa talaga, meron na sasabihin na isang case naubos niya, o kaya yung sobrang tapang na alak tapos sabay sasabihing nakipagsuntukan siya sa pulis na humuli sa kanila o kaya e natulog sila sa gitna ng EDSA nung lasing na lasing na sila. Feeling nila siguro cool sila pag ganito.
  2. Petty crimes (pangungupit, paninira ng gamit, pananakit ng kapwa) – Yung mga nakupit sa nanay/tatay nila, sa tindahan ni aling Nena o kaya e sa na-nenok na gamit sa opisina. Kasali din yung mga sinirang signboard, binutas na gulong ng jeep ni mang Gustin, o kaya vandalism na nilagay sa may eskwela nila. Bidang bida nga naman sila dito, mas malala, mas panalo.
  3. Basag ulo - Dagdag pa yung pagyayabang na nakipagsuntukan sila kay ganito, tapos nagulpe nila na di man lang pumalag. Paborito din natin itong ipambida. Macho nga naman ang dating.
  4. Nakarelasyon, ginawa sa nakarelasyon – Para naman to sa mga kiss and tell. Meron sa mga babae pero mas madalas sa mga lalake. At dito mas matindi ang exaggeration. Lalo na sa mga inuman e tipong kala mo e siya na ang love/sex guru sa kwento niya. At para bang lumalabas e material na bagay na lang yung nakarelasyon niya at wala na yung dignidad ng pagkatao kung makakwento, at sa mga mas bata na nakakarinig, kala nila tuloy ay ganon ang tamang gawin.
  5. Pandaraya/Panggugulang – Pangongopya at pangongodigo nung estudyante pa, mga iba’t ibang techniques para makalusot sa mga thesis or term papers, o kaya naman e pandaraya sa trabaho para maka petiks lang. Mas grabe, mas daring, mas bida. At ikukwento pa yan sa mga mas bata na para bang nagbibigay ng “tips” sa mga dapat nilang gawin.
  6. Pagsuway sa batas – Madalas ito sa batas trapiko. Makakarinig ka ng mga nagmamalaki pa nung nakipagkarera sila nung minsan sa may c5, o kaya may tinakasan silang traffic violation at tinakbuhan yung MMDA. Basta yung mga bawal na ginawa nila, yun ang talagang proud na proud pa ang marami sa atin.
  7. Padrino at koneksyon – Talaga namang mapagmamalaki mo to pag may koneksyon ka. Malakas ka kay Mayor, Governor, Senator, Manager, Chief, General, etc. Tipong sasabihin pa na “sige pare, ako bahala sayo. Isang tawag lang natin kay bossing yan.” Ayaw na ayaw natin ng nalalamangan pero pag tayo ang nanlalamang, well, isang pagmamalaki pa yan sa karamihan.


Marami pang ibang mga “maling yabang” tayong nakikita at lahat ng yan, sa pag-aakala man natin na walang masamang epekto ay merong nagiging bunga pagtagal ng panahon lalo na sa mga sumusunod pa na henerasyon. Bilang mas nakatatanda at mas nakakaalam, inaakala nila na yung mga pinagmamalaki natin ay normal na lang at tama, at pagdating ng panahon na sila na yung nakatatanda, tinutularan na nila ito o kaya ay hinihigitan pa dahil nga naman nakakalusot naman pala sa mga ganon yung mga elders nila at syempre, para sa susunod sila naman ang bida. And the cycle continues. Ano, may mga maipagyayabang ka pa ba? Siguraduhin mo lang na ok yan, dahil kung hindi, malamang na wala yan sa lolo ko.

Kung naenjoy mo ang artikulong ito, kung maari po ay i-share ito gamit ang iyong Facebook o Twitter account gamit ang mga button sa ibaba o ang floating icons sa bandang kanan para maenjoy din ito ng iba. At i-like din ang ating Facebook page sa pagpindot ng "like button" sa may upper right at gayun din sa pagfollow sa ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po. 

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...