Saturday, March 31, 2012

The Bandwagon Generation


BANDWAGON”, ang terminong ginagamit ngayon sa paglalarawan ng biglaang pagsikat ng isang grupo, tao, pananamit, pagkain, pananalita, kaisipan, gadget o anupaman dahil din sa biglaang pagdami ng tagasunod na mga tao na kahit karamihan ay di pa naman lubos na nauunawaan ang gamit o halaga. O kaya ay hindi pa nasusubukan ang mga ito subalit nagustuhan na rin dahil ito ay ginawa ng kanilang kaibigan, sikat na idolo o dahil ito lang kasi ang uso o “in” sa panahon na yun. Tila wala namang masama rito, pero wala nga ba?

Kadalasan, nagsisimula ang kaugaliang ito ng mga Pinoy sa batang edad pa lamang. Halimbawa sa isang barkada, may magsasabi na "tara dun tayo tumambay sa mall ngayon". Tapos yung iba sasama na lang din. Ok lang sana kung mga tambayan lang at gimikan ang sinusunod nila, pero pano sa ganitong bagay din sila nakikiride na lang, gaya ng "tara pre, etong school ang pasukan natin sa college!", "Etong course kunin natin pre, astig to!", "Tara pre, dito tayo mag-apply, ok daw sa kumpanyang ito", "Tara pre, punta tayo sa bansang to, maganda daw kita dito". Tapos yung iba, puro "tara, sige, dun na lang". Yung ganong mga kaimportante at life changing na mga bagay, nakikiride na lang sila sa sinasabi ng ibang kasama nila. Walang sariling disposisyon ika nga. Yung mga desisyon sa buhay, nakasalalay sa sinasabi at ginagawa ng iba kaya yung kinabukasan nila, ala tsamba na lang din siguro.

Dahil na rin siguro sa social media kung kaya ang “bandwagon effect” e mas lubos na napapalaganap ng mabilisan sa panahon ngayon(see:How Social Media is Ruining Our Minds). Kung isa kang negosyante at gusto mong magkaroon ng advertisement sa social media at sumikat agad ang produkto mo, normal na kumuha ka ng ilang mga bloggers na maraming followers na magsusulat para rito. O kaya mas madali, kung may budget ay ipa-try mo lang sa ilang mga sikat na tao at mas ok siguro yung mga sosyalera effect na tipong ie-exaggerate pa ang pagdescribe sa produkto mo.  Like “OMG!!! As in sobrang sarap over mega duper talagahhh, love love love! Please try it, as in, you’ll like it also cos I liked it. You’ll be like sosy din like me, promise.” with matching pictures nya na ipopost sa social media account niya habang tina-try yung product, then gagaya na yung mga friends niya. Then ishe-share na nila pagkatapos natural na ang mga followers nila makikigaya, then makiki-sosi na rin kahit pa yung product e di naman pala ganon ka-okay tapos overpriced pa pero dahil nga marami na yung naunang nagsabing “ok” yung product at karamihan pa e mga sikat, sinasabi na rin ng utak nila na “ok” yun and “worth it” naman. Sino ba naman sila na kokontra sa sinabi ng mga idol nila di ba? And si negosyante, siya ang pinakamasaya dito syempre. Well, wala namang masama rito. That’s taking advantage of the social media. No harm done. Kung negosyante ako, gagawin ko rin yun.Kung dun ba ko kikita eh. Basta yung mga sumampa lang basta sa bandwagon at di masyado gumawa ng sariling pagreresearch ay wag sana magreklamo masyado sa pagtaas ng mga bilihin at pagbaba ng kalidad ng mga produktong binibili nyo.

Mapapabili ka na lang talaga.

Di lang ito sa mga produkto nangyayari. Maging sa pagidolo sa mga tao o grupo ng tao. Dahil sikat, nananalo o kaya naman eh dahil gusto rin ng karamihan, gusto na rin ng iba kahit sila mismo e di naman naiintindihan yung ginagawa ng tao na yun. Pero basta, gusto na rin nila dahil sikat eh. Tipong halimbawa sa sports, kahit ni minsan e di naman nila nilaro o binigyan ng pansin yung laro na yun sa buong buhay nila pero bigla bigla naging solid fan daw sila k. Ang alam lang nila ay nanalo na yung athlete. Ok sana kung fan talaga, pero ang hirap sa nakisampa lang sa "bandawagon" na pag nananalo lang yung idol nila sila nagiging fan. At karamihan pa sa kanila, para lang i-angat lalo yung idolo nila, sila yung tipong magsasalita ng mga bagay na ikababagsak ng iba kahit wala nang kinalaman sa ginagawa ng mga taong sinusundan nila ang mga ito (dahil  siguro di nga nila naiintindihan yung practice). At ang malala, tipong pag di na nananalo yung idolo nila, bigla na lang silang mawawala o kaya ang unang maninira sa mga iniidolo nila at dun pa sila nagiging eksperto at biglang mas marunong pa sila sa idolo nila na dapat daw ginawa ito o kaya yun para manalo.


Ang mga “ideya” o “paniniwala” ay hindi rin nagiging ligtas sa “bandwagon” effect.  May mga tao na magiging “PRO” or “ANTI” dahil sa narinig nilang paliwanag ng isang tao na kinikilala nilang mataas ang antas ng pinag-aralan. O kaya ay dahil ito rin ang siyang paninindigan ng kanilang iniidolo sa iba’t ibang larangan. O dahil ito ang sabi ng karamihan sa kanilang mga kakilala at kaibigan. Di naman ito mali lalo na at meron talagang ilang tao na mas nakakaalam ng mga bagay bagay kesa sa atin. Pero kung tipong di natin binigyan ng pagkakataon ang ating sarili na marinig rin ang kabilang panig at tuluyan nating isinara ang ating isip sa iisang kaisipan lamang, matatawag na ring “bandwagon” lang ang paninindigang ito. Kadalasan pa ng mga tao na nasa ganitong kalagayan ay sila pa yung unang nagsasabing dapat daw na paminsan minsan ay maging “against the flow” tayo at labanan na raw ang luma at saradong kaisipan at paniniwala at matuto tayong tumanggap ng mga makabagong ideya. At sa pag-aakalang sila nga ay “naiiba” sa kanilang paninindigan, sila ay nagkakasama-sama ring lahat na may ganoong pag-aakala at wala rin silang kaibahan sa kasamahan nila na karamihan ay bulag na sumusunod lamang. At inaakala nilang sila ang may tunay na “malayang kaisipan” pero ang totoo, sila yung nakulong sa kaisipang iba ang may ideya at tinanggap na lamang nila ng buong buo ng walang kahit anong pagtatanong. Well sabi nga, “…a little knowledge is dangerous. “

Ingat, baka magaya kayo sa mga lemmings.

Maging sa mga adbokasya ay mayroon ding ganito. Puedeng para sa kalikasan, para sa kapwa tao, para sa hayop at kung saan saan pa. Dito ang makikita mo talagang napakabilis ng pagsampa ng mga tao sa “bandwagon”dahil nga naman ito ay para sa “kabutihan” (please read: The Opinionated Filipino). Andung may pipirma agad, may magdodonate, o kaya e susunod na lang kahit di naiintindihan kung para saan yung pinagagawa. Minsan, kung titingnan ng mas malalim pa yung mga adbokasyang ito, lalabas na minsan e mas malala pa yung epekto ng ginagawa natin kumpara dun sa nilalabanan o kaya naman eh wala naman talagang kinalaman dun sa mga pinaglalaban yung pinaggagagawa sa mga tao. Minsan naman e para tayong mga ipokrito na nakikisali pa sa problema ng iba pero sa sarili natin mismo e ganon din naman ang nangyayari pero wala tayong ginagawa para labanan ito. 

Ngunit hindi lamang sa pagkagusto sa mga bagay bagay nagkakaroon ng bandwagon effect. Maging sa pagka "ayaw". Kadalasan ito sa mga celebrities, sa mga singers, banda, pelikula at kahit na ano pa man na basta pumasok na sa pop mainstream ay kadalasang nagiging biktima na ng ganitong pangyayari. Nandun na tawaging baduy, corny, pangit, trying hard, poser, etc etc ang mga ito ng ilang grupo ng tao at sasakyan naman ng iba kasi nga naman, sino ba ang gugustuhing identified siya na kasama sa mga sumusunod sa “baduy”?  Pero kadalasan naman kasi sa mga bagay na ito ay ginawa o binuo hindi naman sila ang talagang target audience and hindi talaga inaasahan na magugustuhan nila yung bagay nay un dahil unang una, di naman para sa kanila talaga yun.  Ang nakakatawa rito, inuubos nila yung panahon nila sa mga bagay na “ayaw” daw nila sa pamamagitan ng pagpopost sa social media ng mga comments, pag-edit pa ng mga photo, videos, etc ng mga “ayaw” nila. Oo nga naman, ginugugulan talaga nila ng enerhiya at oras yung bagay na ayaw nila. Para nga naman maging “in” at malaman ng sangkatauhan na kaisa sila sa mga hindi baduy at corny. Nakasampa pa rin sila sa bandwagon ika nga.

You hate him but keeps mentioning him.

Minsan naman, dine-demonize pa yung iba at palalabasing masama, kontrabida at salot na sa lipunan ang isang bagay/tao/ideya at sasakyan naman ito ng mga tao na ni hindi man lang bibigyan ng kahit anong perspektibo ang pagpuna. Marami nito ngayon sa mundo ng pulitika at sigurado ako na marami na ring pumapasok sa isip ninyo kung sino sino sa kanila ang naapektuhan na ng bandwagon mindset na ito, sa kabutihan man o sa kasamaan ng kanilang karera. 


Gamit na gamit din ngayon ang bandwagon mindset ng mga survey companies. Dati nung mga 80s and 90s, para lang sa labanan ng TV station nagagamit madalas yang surveys, pero ngayon sa pulitika mas gamit na gamit. At tila pinapakinabangan pa ito ng maraming pulitiko dahil nga naman,ang mga Pilipino ngayon, ang "opinyon" at "pagboto", kadalasan e nakiki-ride na lang din sa bandwagon ng nakararami. Bakit ka nga naman boboto sa talunan? Imagine, 1200 na tao lang naman ang tinatanong kadalasan pero anlaki ng bigat na binibigay ng ibang tao dito para gumawa ng mabibigat na desisyon.

Malaking bahagi rin ng bandwagon effect ang media: TV, Radio and Newspapers.  Aminin na natin na marami sa atin e tinatanggap na bilang “gospel truth” ang nakikita sa balita. Tanggap na lang tayo ng tanggap. Dumating na nga tayo sa punto na ang mga inaasahang tagapag-hatid ng balita e hinahaluan na ng opinion ang kanilang pag-uulat, at natutuwa pa tayo dito. Tama yung sabi ni Loonie na “…Kasi lahat ng nakikita mo akala mo tama. Maghapon ka sa tv mo na nakatunganga… Kala mo alam mo yun, kala mo alam mo yan. Kala mo alam mo na lahat, wala ka pang alam…” mula sa kanyang awiting may angkop na titulong “The BOBO Song”. Sabi pa nga ng manunulat na si Napoleon Hill mula sa isa sa kanyang mga aklat, ay mas higit na tatalino ang isang lipunan kung magkakaroon ng mas higit na matalinong media.


Mukhang malayo pa ang mararating ng bandwagon effect na ito at ilang tao pa rin ang siguradong gagamitin ito para sa kanilang mga pansariling kagustuhan sa negosyo man yan, sa pulitika o sa kung saan saan pang larangan. Nasa sa atin na lang ngayon kung sasampa ba tayo sa bandwagon at hahayaan na lang natin na iba ang magisip para sa atin at kontrolin ang ating panghusga sa mga bagay bagay. O kung pipiliin nating magsimula na muli na gamitin ang ating karapatan at kakayahan bilang isang nilalang na may mataas na antas ng pag-iisip na angat sa kahit anong nabubuhay sa lupa para mag-isip naman tayo para sa sarili nating desisyon, kapakanan at kabuhayan.



8 comments:

  1. bandwagon ng MAGNUM at SIMSIMI hehehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Nasarapan naman ako sa magnum. mahilig kasi rin ako sa matamis, hehehe. at dahil sa sales ng magnum, tumaas ang stock price ng RFM. magandang paraan para makinabang tayo sa bandwagon. :) salamat po sa pagdrop by sa aking blog.

      Delete
  2. http://trinityrunner.blogspot.com/

    blog ko pre.

    - feroza

    ReplyDelete
  3. Alam ko na ngayon 😂. Bandwagons 😁

    ReplyDelete
  4. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...