Showing posts with label political dynasty. Show all posts
Showing posts with label political dynasty. Show all posts

Monday, May 5, 2014

Philippines Holds World Record in Recycling



Nakakadiri ang amoy ng patay na daga. Mas nakakadiri kung mahahawakan mo. Pero nangyari na sa kin yun. Di pa naman bulok yung daga. Sariwa pa nga pero wala na nga lang ulo. Yung pusa kasi naming alaga noon ay magaling manghuli ng daga. Naghahanap kasi ako ng kahoy na pangsara sa bintana namin dati. Maliit lang yun na cube na iniipit sa ilalim ng bintana para lang hindi mabuksan pag galing sa labas. Pagsilip ko, akala ko yung naaaninag ko na maliit na bagay sa ilalim ng sofa ay yung kahoy na pansara. Paghawak ko, basa. Pagtingin ko sa kamay ko ay may dugo. At nang sinundot ko ng walis yung maliit na bagay na yun, patay na daga pala. Masuka suka ko halos sa nangyari. Pero good job sa pusa namin. Naubos ko din ang alcohol namin at naka ilang ulit akong nagsabon sa paghuhugas  ng kamay ko.





Paglabas naman ng bahay, marami ding nakakadiri na di na lang natin pinapansin halos. O dahil nakasanayan na rin natin. Mabahong ilog at mga kanal na may naglulutangang kung ano ano. Mga baradong drainage. Kalsadang puro tambakan ng basura. Karaniwan nang makikita ang mga ito sa maraming lugar sa Pilipinas. Problema na nga natin ang basura. Hindi na halos natin alam kung pano pa aayusin. Sabi ng marami ay disiplina ang kailangan. Sana nga lahat ay naiintindihan ito. Tinuturo naman sa eskwela yun  sa mga bata pa lang na ang basura ay dapat tinatapon sa basurahan. Pero siguro, ang problema na rin minsan e pagkatapos itapon sa basurahan, di na alam kung ano gagawin. Problema kung saan itatambak ang nakolekta. O kaya e walang nangongolekta. At madalas na sinasabi dyang solusyon ay pagre-recycle. Marami daw kasi sa tinatapon natin ay puede pang gamitin. Mapapakinabangan pa at di pa dapat isama sa tapunan.

Magaling naman ang mga Pilipino pagdating dyan. Kung recycle lang ang paguusapan, eksperto na tayo dyan eh. Yung mga luma na at minsan ay patapon na, pinapakinabangan pa rin natin. Tuwing eleksyon na lang ay nananalo at nananalo ang mga dati nang pulitiko.  Hindi naman masama na manalo ang dati nang nanalo lalo na kung ok ang track record.  Kaso mo, parang nagging hobby na natin na paulit ulit na lang ang nananalo at ayaw nating sumubok ng bago kahit di naman kagandahan ang mga ginagawa. Kahit nga kaapelyido lang nung dating pulitiko, kahit walang track record, iuupo natin eh. 




At sa showbiz, ilang beses na ba tayo nakapanood ng mga nirecycle na telenovela o pelikula? Kung hindi yung buo, e kahit yung plot lang ba? Yung paulit ulit na kwento na alam mo na lagi kung ano ang mangyayari? Pagdating sa music, mas marami na ngayon ang revival at cover. Konti na lang ang orig. Buti sana ay irerecycle nila mismo yung artists na kinakasabikan nating makita uli. Kaso mo, hindi at yung iba na kakanta ay di pa mabigyan ng magandang justification.

Pati sa mga isyu at problema ng bansa, mula sa korapsyon, mga aksidente, mga krimen hanggang sa mga pinsalang dinudulot ng mga kalamidad, wala tayong kasawa sawa na mag ulit-ulit ang mga pangyayari. Nangyari na, pero di pa rin tayo natututo. Ganon pa rin ang gawin natin at maaalala na lang nating gawin ang dapat na paghahanda pag nangyari uli. At  makalipas ang ilang araw, malilimutan na uli. Gusto natin, recycle uli ang balita sa susunod na mga taon.


Napakahusay ng Pilipino pagdating sa pagrerecycle. Ang galing nating umulit ng mga bagay na kahit basura na, hinahayaan nating umulit na lang ng umulit. Lahat na lang halos ng bagay, nirerecycle na natin. Kulang na lang talaga yung sa basura.

Thursday, August 22, 2013

No PORKing, Pero Teka Lang


Pikon ako. Siguro noon ay mas matindi pa nga. Nabawasan na naman din kahit papaano sa tingin ko. May ilang bagay lang talaga na di ko maiwasang hindi mainis o magalit kapag nauulit. Kahit anong timpi ko ay ganon pa rin ang epekto pag sumabog. Lalo na patungkol sa mga bagay na andun ang passion ko. Normal siguro sa tao na ipagtanggol ang bagay na gustong gusto mo laban sa mga umaalipusta. Kahit ikaw malamang ay ganon din. Iba-iba nga lang ang style natin

Nitong mga nakaraang araw, maraming kababayan natin ang mapapansin nating galit na galit. Naglalabasan na kasi sa balita ngayon ang tungkol sa malaking nakawan sa buwis na pinaghihirapan ng bawat isang Pilipinong manggagawa at negosyante. Talaga nga namang nakakagalit. Kung sa tin nga naman sana napunta yung buwis natin e naibili pa sana ng dagdag na bigas, ulam, pambayad ng tubig at kuryente, pang load, panggatas ng anak at kung ano ano pa na importante at pangangailangan. Tapos paglabas mo pa lang ng bahay, yung kalsada e anlalaki na ng lubak tapos wala pang ilaw ang mga poste. Naiisip ko nga minsan e kung kanya kanya na lang kaya tayong paayos ng mga sira, baka mas maraming lubak na ang napatabunan at mas maraming ilaw na sana ang nailagay sa mga kalye. Tapos pa, makikita natin na yung suspects sa pagwaldas ng buwis natin e sagad ang luho ng buong pamilya. E talaga nga namang nakakagalit. 

Not really. May VAT kahit bumili ka lang ng candy.


Minsan ko na ring naipost dito sa blog ang pagsunod at pakikinig sa yong sariling galit. Madalas kasi ay nababalewala mo lang ang iyong galit dahil tulad nga ng madalas nating sabihin, lilipas din yan. Pero lumipas man, madalas ay bumabalik balik din ito. Kung hindi mo bibigyang pansin, maiipon ito at puedeng magbunga pa ng di magandang resulta sa kalusugan mo. 


Dalawa lang ang puede mong gawin. Una ay ang kalimutan ito ng tuluyan o pangalawa ay gumawa ka ng paraan para maaksyunan ang bagay na kinakagalit mo. Mahirap ang dalawang yan pero parehong posible. Yung una, habang lumilipas ang panahon ay siguradong mawawala o mababawasan din ang galit na nararamdaman mo. Puede ring kapag naintindihan mo na ng tuluyan ang isang bagay ay napapalitan ng ibang emosyon ang galit.Ang problema lang, mas madalas na nauulit lang yung nangyayari at magagalit at magagalit ka lang uli. 


Yung pangalawa naman ay ang pagkilos para ayusin ito. Mahirap din ito sapagkat pag tayo ay galit, madalas na bulag tayo sa iba at nakafocus lang dun sa bagay na kinakagalit natin. Tulad sa issue ng pork barrel. Hindi na talaga maganda ang reputasyon patungkol sa sistemeng ito ng gobyerno noon pa. Parang common knowledge na nga sa Pinoy na winawaldas ito ng ilang mga pulitiko para sa sariling mga pakinabang. Maraming mga proyekto ang substandard na isang buwan pa lang pagkagawa ay sira na o kaya naman merong di pa talaga natatapos. Araw-araw mong nakikita yan sa paligid. At sa issue pa nga ngayon na may tao na gumagamit ng mga pekeng NGOs or Non Government Organizations na kumakatawan kuno sa ilang mga sektor ng lipunan na mahihirap tulad ng mga magsasaka upang makahingi ng bahagi ng PDAF o mas kilala sa Pork Barrel galing sa mga mambabatas.  At dahil daw peke, hindi nakakarating sa mga taong dapat makikinabang ang pondo kundi sa mga bulsa ng mga nagpapatakbo ng mga grupong ito. Direktang pagnanakaw at panggagamit ito sa ating mga simpleng mamamayang nagbabayad ng buwis na sana'y nagagamit para sa ikaaayos ng ating bansa.

Ang pangunahing tauhan sa bagong yugto ng bansa. Pero siya lang nga ba ang suspect o marami pang iba na dapat habulin at bigyan ng hold departure order oramismo?


Kaya di nakakapagtaka na marami ang magalit. Tulad ng nabanggit ko sa taas na ipambibili na lang ng pang ulam ay ibinabayad pa natin sa buwis at pagkatapos ay hindi naman pala magagamit ng tama. Nakakagalit na nakakalungkot na nakakahinayang. Kaya di na rin talaga nakakagulat ang magkaroon ng pag-aaklas ang mga tao laban dito. Sa August 26, may panawagan sa mga tao na gustong ilabas ang hinaing sa gobyerno sa iba’t ibang sulok ng bansa na magsamasama at ipadama ang galit at hinaing laban sa pagwawaldas ng kaban ng bayan.


August 26

Taliwas sa pag-aakala ng iba, bihira lang ang mga rallies na napuntahan ko. Mabibilang pa sa daliri sa mga kamay. Baka sa isang kamay pa nga lang. Maaaring akala ng iba ay laman ako ng mga ito dahil na rin sa pagiging bukas ko sa pagbibigay ng panig at opinyon sa mga bagay-bagay. Pero hindi. Hindi naman ako kontra sa mga ganitong pagkilos pero sa aking palagay ay hindi lang ito ang paraang para sa akin. Hindi ko pa rin alam kung sasama ako sa rally sa Aug 26. Maaari. Maaari ring hindi. Pero kung di man ako sumama, hindi ibig sabihin ay kontra na ako sa pinaglalaban natin para dito. Naalala ko pa yung tinatawag na “EDSA DOS” kung saan napatalsik ang dating Pangulong Estrada, niyaya din ako ng mga kaibigan ko na makiisa sa kanila sa rally. Hindi ako sumama. Hindi sa sang-ayon ako sa mga naririnig ko na hindi maganda sa pamumuno ni ngayon ay Mayor Erap kaya hindi ako sumama. 


Pero hindi ko lang sigurado kasi noon kung ang reporma nga ba na gusto natin ay mangyayari sa pamamagitan ng rally na iyon. At hindi pa nga natin sigurado kung ano ang mangyayari pagkatapos nun. At nangyari na nga. Naging pangulo natin si GMA. Yung apat na taong bubunuin natin sa panahon ni Erap na di natapos, naging halos sampung taon na panunungkulan naman ni dating Pangulong Gloria. At marami ang sumaya. Yata. Alam mo na yun. At yung laman ng envelope na naging mitsa ng rally noon, hindi naman pala naglalaman ng importanteng dokumento na makakasira kay Erap. Sabi pa naman magaling siya sa sugal, pero natalo siya sa bluff. Kung tong-its to, umatras siya sa draw. Pero ok naman kasi kahit ngayon relevant pa rin siya. Unlike GMA. Well, relevant pa rin naman siya. Lagi pa rin siya nababanggit kahit ilang taon na siyang wala sa Malacanang. Lagi pa rin siya bukambibig ng kasalukuyang administrasyon. 

"Ako ang nakikita, ako ang nasisisi, ako ang laging may kasalanan." - Freddie Aguilar/Estudyante Blues


Dagdag pa natin siguro ang nakaraang galit ng tao kay Corona dahil sa omission niya sa kanyang SALN ng ilang milyong worth ng ari-arian. Ni hindi napatunayan na ill-gotten dahil hindi naman kasali sa pinaglitisan ang bagay na yun. Maraming naging hopeful nung naalis si dating Chief Justice sa puesto. Para bang may bagong pag-asa tayong nakikita. Pero siya lang nga ba talaga ang may mga na-omit na ilagay sa SALN sa dinami dami ng nakaupo as puesto ngayon? As in 99.999999% ng nakaupo ngayon ay tapat sa kanilang report ng assets nila?  Pero bakit wala nang sumunod na lilitisin o kaya ay walang naipasang batas para maging krimen na sa mga namumuno ang hindi paglagay ng tamang entries sa SALN? Tingin mo?


"Tingnan mo rin ang SALN nun o"

Lumalayo na ko sa isyu ata. Pero siguro kahit papano, nakukuha mo na rin ang punto ko. Na kahit naman sino pa ang nakapuwesto, kung yung sistema ay pareho pa rin ay ganon pa rin ang malamang na mangyayari. Siguro ay makakabawas yung pagtanggal ng pork barrel. Magandang panimula na rin ito. At isa pa kung mapapatunayang may sala man si Napoles at mahuli at makulong siya. Pero mag-isa lang ba siya sa ganitong gawain? Paano yung iba pa na wala pang kaso o kaya ay hold departure order? Di kaya unti unti na silang nagsisipulasan palabas ng bansa sa utos na rin ng kasabwat nila para di na sila maituro? Ok din na mawawala sila. At matatapos din ang termino ng mga kasalukuyang nakaupo at mapapalitan sila. Nino? Ng mga kamag-anak nila malamang dahil wala pa ring batas na magbabawal sa kanila tulad ng isang political dynasty law kahit pa sinasabing bawal yan sa saligang batas.

At gusto ko lang sana ding magpaalala sa ilan na baka masobrahan sa galit at makalimot sa tunay na pinaglalaban natin dito. Marami naman na paniguradong alam nila ang dapat gawin. Accountability sa kung saan ginagamit ang pondo ng gobyerno at hindi lang basta tanggalin ang Pork Barrel. Dahil kahit pa sabihing tanggalin yan, paniguradong makakahanap pa rin ng paraan na makakurakot ang mga mangungurakot. Baka iba na lang ang tawag. Hindi na PDAF. Pero parang ganon pa rin. At kung hindi naman iaabolish ang Pork Barrel, puede namang ipasa na nila ang isa sa mga panukalang batas na matagal na dapat naipasa bago pa ang iba. Ang Freedom of Information o FOI bill na kung saan, ang mga transaksyon ng gobyerno ay transparent sa ating mga mamamayan. Nakikita natin kung san ginagamit at magkano ang nailalabas na pondo bawat proyekto. Hindi makakalusot ang mga pekeng NGO at mga proyektong overpriced at substandard. At ang batas nga sana laban sa political dynasties. Sa ngayon ay may mga magtatay, magnanay, magkapatid, magpinsan, magtiyo, magtiya, maglolo, maglola at iba pa. Wala na ang checks and balances. Lulusot at lulusot at magsasabwatan pa kadalasan. Hindi naman lahat ng mga angkan sa pulitika ay ganito at sigurado akong kung tunay na pagsisilbi sa bayan ang hangarin nila ay mauunawaan nila ang gusto nating mangyari sana. 


Looks familiar, sounds familiar.

Sa ngayon ay nakabinbin pa din ang dalawang panukalang batas. Ang FOI bill na hindi ginawang priority at ang Anti-Political Dynasty bill na ipinasa bilang people's initiative ng Ang Kapatiran party , ang tanging political party na malinaw sa plataporma ang pagsugpo sa pork barrel system, dynasties at paglagay ng transparency sa gobyerno. Sana ay kalampagin din natin ang kongreso na pagtuunan ng pansin ang dalawang mga panukalang ito, FOI at Anti Politicay Dynasty. Kung puedeng i-lobby, i-lobby. Kung may kakilala tayong nakaupo, baka puede silang tumulong sa tin. Sigurado naman ako na marami pa rin naman sa ating mga mambabatas ang may hangaring mabuti sa ating bansa. Kailangan lang natin silang pakitaan ng suporta para magkaroon sila lalo ng lakas ng loob upang paganahin ang kanilang political will. Pero hanggang sumusuporta ang marami sa tin sa mga taong walang ginawa kundi lip service ika nga, puro pakitang tao at salita lang, asahan na nating yung mga popular na mga gawain at kagustuhan ng mga taong hindi iniisip kung ano ang tama para sa kapakanan ng mas marami ang patuloy na mamimihasa. Marahil ay isa na nga itong rally na ito para ipakita natin na nagsisimula na tayong magkaisa laban sa mga maling sistema ng gobyernong ito.


Sana rin ay hindi tayo mawala sa focus. Sana ay alam natin ang gusto nating mangyari at ano ang gusto nating magbago. Hindi sana tayo basta magpapadala sa emosyon lang. Hindi ako laban sa mga pag-aaklas subalit kung may mga gagawin man tayo, bago natin simulan ay meron din sana tayong nakikitang iisang adhikain at target sa dulo. Dahil kung hindi, ilang EDSA man o impeachment ang muling dumaan, magkakaisa lang tayo lagi hanggang sa simula lang. At kada matatapos ang isang malaking pagtitipon, pagkatapos ng lahat ng pagyayakapan, pagsasayawan at paghihiyawan ng magkakasama, maglalakad na naman tayong pauwi ng bahay na magkakalayo, kanya-kanya na parang di na uli magkakakilala na tila bagang wala rin namang nangyari. Kaya ipinagdarasal ko na sana, makamit ang tagumpay ng gawaing ito.

Monday, March 11, 2013

Kunwari Maayos ang Lahat. Kunwari Wala Tayong Alam.


Tulad ng kwentong multo, lahat tayong mga Pilipino ay may kwentong patungkol sa korapsyon. Ang korapsyon ay hindi lang ang ginagawa ng mga taong nasa puwesto kundi maging ng bawat isa sa atin na may gampanin subalit hindi ginagawa ng tama at tapat ang tungkulin. 


Wala siguro tayong kilala na walang ibibida sa atin ng mga bagay na tiwali na kanilang naranasan, nasaksihan o naobserbahan. Lalo na sa mga sistema sa gobyerno. Lahat tayo may kwento. Lahat tayo halos ay may alam.  Matindi ang lagayan sa ganito. Yung illegal na pasugalan ay protektado ni ganyan. Si kuwan ang may pakana ng matinding pandaraya dun sa ganito. Malaki ang kick-back si ganire dun sa mga pinatayo niyang buildings at kalsada dun sa ganoon. Anlaki ng patong sa presyo ng ganyan ni kwan.  Masama talaga ang ugali ni ganyan pag hindi nakaharap sa tao, grabe pa kung murahin mga tauhan niya at katulong. Etc, etc.


Kunwari walang mga PR machine. Kunwari walang mga anti-PR machine. Kunwari ay wala rin yung mga binabayaran para magpabango at magpabaho ng pangalan ng mga kandidato. Pero sa dinami dami ng mga bagay na naririnig natin at napagpapasa-pasahan, siguradong hindi lahat ng ito ay totoo. At hindi rin lahat ng ito ay hindi totoo. Tulad ng sabong panlaba, lahat nagsasabing sila ang pinakamagaling magtanggal ng mantsa.  Lahat na lang sila ay pinaka.



Pero bibili ka pa rin. Pipili ka pa rin ng sabong gagamitin mo. Kung napapaputi naman ang labada mo ng nabili mong sabon, napapabango at natatanggal pa ang mantsa, bibilhin mo uli yun panigurado at baka i-endorso mo pa sa kaibigan mo. Pero kung binili mo na nang isang beses at pagkatapos mong gamitin ang brand na ito ay natira pa rin ang mantsa pagkatapos mong kuskusin ng matindi at kung nandun pa rin ang masamang amoy kahit ibabad ng matagal, sigurado akong di mo na bibilhin uli ang sabon na yun at magpapalit ka na ng iba. Nakaka-dala ang maloko ng mga brand ng sabon.


Pero parang wala tayong kadala-dala pagdating sa gobyerno kaya patuloy na naihahalal ang mga tao na binoto na natin noon, o kaya naman ay ang kanilang mga kadikit na may pare parehong likaw ng bituka, pare parehong polisiyang sinuportahan, at pare parehong pangit na kinahantungan ng bayan na kanilang pinagsilibihan na ng matagal na panahon. Na-uto na nila tayo minsan pero binago lang ng konti ang script ng commercial nila, nagpapauto na tayo uli. Na kesyo may karanasan na sila kesa sa iba. Na kesyo pag nanalo ang kalaban nilang isa ay mas kawawa tayo kaya sila na lang piliin. At yun din ang sabi ng kalaban nila patungkol sa kanila. Samantalang yung mga mas ok na “brand” na mas mura, mas tapat at mas epektibo sana ay di na natin napapansin dahil sa masyado tayong nagpapaniwala sa propaganda ng iba.


Mas nahahatak tayo sa iba’t iba pang pamBOBOla na hinahayaan nating bumenta.  At dahil dito, nakakalimutan natin ang mga “alam” nating mga kwento at personal na karanasan ng mga korapsyon at kahirapang dulot ng mga iniluklok nating mga tao. Kaya sila uli ang iboboto. Sila uli ang iluluklok sa posisyon. At pagkatapos may madadagdag na naman sa kwento natin na mga karanasan patungkol sa korapsyon. May ipapasa na naman tayong blind item o direktang mga salita laban sa mga nakaupo sa puwesto.

Eh kung wag na lang tayo magkwento? Magkunwari na lang tayo pare parehong walang alam. Magkunwari na lang tayong maayos ang lahat. Magkunwari na lang tayong mga tanga, tutal mukha na rin naman talaga tayong tanga at di marunong madala.

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...