Wednesday, September 12, 2012

Ang Bayan ng Slogan (kawawa ka naman)



Solar plexus. Natutunan ko ang salitang ito dahil sa basketball. Ugali ko kasi noong bata ako na gayahin ang idol ng lahat, si Michael Jordan. Pag fastbreak, nakalabas pa ang dila. Minsan nakuha ko ang rebound at tinakbo ko ng diretso. Mabilis kasi ako tumakbo non. Walang nakahabol sa kin. Sure shot ito. Layup na solo. Malapit na ko sa ring. Nasa may shaded lane na ko ng freethrow line. Para sa mga di nakakaalam, shaded lane ang tawag dun kasi may pintura. At sa semento kami naglalaro. Semento plus pintura equals bad combination. Madulas. At nadulas nga ako. 

Nakakahiya. Solong solo ako sa fastbreak, nakalabas pa dila, at nadulas. Humampas ang likod ko. Ansama ng bagsak ko. Pagtayo ko, para kong hinihika. Hirap na hirap akong huminga. Itinayo ako ng mga kasama ko. Hinimas ang likod ko. Hanggang sa marelax ako at makabawi. Pero masakit pa rin ang likod ko. Nagtanong ako sa eksperto kung ano nangyari. Solar plexus ko raw ang napuruhan kaya para akong di nakahinga. Yun pala yun. Akala ko sa sobrang kahihiyan lang kaya nangyari yun.


Pagkatapos nun, parang walang nangyari sa kin. Ganon pa rin naman ako maglaro ng basketball. Takbo ng matulin, talon ng mataas. Sabi nga sa slogan ng isa sa pinakasikat na brand ng sapatos, “Just do it”. Hindi na nga lang ako naglalabas ng dila pag nagffastbreak. 

MJ Trademark
 

Nakakainspire ang mga slogans. Isang salita lang, parang kaya mo na ang lahat. Malaki ang sakop ng iilang salitang pinagsasama sama. Ansarap pakinggan. Pero marami rin naman ay walang laman. Salita lang na kung hihimayin, wala namang sustansya. Parang junkfoods. Ang sarap lantakan, pero wala kang makukuhang nutrisyon. At yan ang mga dapat nating pag-ingatan. 


1. “Para sa maayos na daloy ng trapiko, disiplina ang kailangan”

Buhol buhol na mga sasakyan. Mga public vehicles, malaki at maliit, na humaharurot at naguunahan sa pasahero. Kada kantong ginagawang terminal. Mga hukay para sa tubig, kuryente, road construction, telco lines na sabay sabay ginagawa. Singitan sa kaliwa’t kanan. Nagreresulta kadalasan sa banggaan. At lalong masikip na daloy ng trapiko. Delubyo. Exaggeration pero yan ang pakiramdam pag naipit ka dyan. Sabi ay disilpina sa kalsada ang kailangan. Disiplina…lang? Mali. Dahil ang kawalan ng disiplina ng mga motorista ay bunga lang ng mas malalaki pang mga problema ng bansa.

Usual EDSA (photo credit: trekearth.com)
Taon taon ay patuloy ang pagrelease ng prangkisa sa mga jeep, buses, taxi, tricycle atbp. Kung hindi mabigyan ng prangkisa, may mga nagco-colorum. Parami ng parami ang pampublikong sasakyan habang walang matinong pag-aaral na nagaganap sa gobyerno tungkol sa statistika at pangangailangan sa bawat lugar ng mga PUVs. Congestion sa kalsada sa ilang lugar. Agawan sa pasahero. Nagreresulta sa mababang posibilidad ng pagkita ng mga drivers.  Magugutom ang kanilang pamilya kung wala silang gagawin. Kaya kinakailangan nila ng mga “diskarte” na nagbubunga ng kaguluhan sa kalsada. At dahil sa pagbaba ng kanilang kinikita kasabay ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ay ang di maiwasang pagtaas ng pamasahe para sila ay makabawi. At sapul ang commuters.  Dagdag pa ang kawalang plano at koordinasyon ng mga naghuhukay sa kalsada. 


Kahit anong disiplina at pasensya ng libo libong tao sa kalsada, mauubos at mauubos din. Yan ay kung walang gagawin ang mga may kapangyarihan sa mga issue na nabanggit sa taas. Walang regulasyon sa prangkisa, di paghuli sa mga colorum, at hindi maayos na paghuhukay ng mga kalsada. Nakakapikon. At dahil napikon ka, ngayon ikaw na ang guilty. Wala ka daw kasing disiplina.


2. “Iwasan ang pagatapon ng basura ng maiwasan ang pagbaha” 

Panahon pa ng ninuno natin bumabaha na. Di pa marumi Ilog Pasig at Manila Bay, nakakaranas na ng matataas na pagbaha ang maraming lugar sa Metro Manila. Pero hindi pa “hopeless case” ito. Maraming urban planning na ang pinropose para ayusin ang problema sa baha. 1970s pa ay may warning na at proposed solution. Ayon kay Arch. Palafox, kung nasunod lamang ang mga ito ay hindi na sana natin nararanasan ang ganitong problema.  Pero walang ginawa.  Wala ring pagkontrol sa mga establisyamento at mga informal settlers.  At dumumi pa lalo ang paligid. Napuno ng basura ang mga ilog, ang mga drainage, etc. At lalong lumala. Pero noon pa nga may baha na. At noon pa may plano na. Pero walang ginawa. At patuloy pa ring walang ginagawa. At ngayon ikaw ang guilty sa pagbaha kasi nagtapon ka ng balat ng kendi.

Baha in Manila circa 1950s (photo courtesy of From Paulo Alcazaren on Facebook)


3. “Sipag at tiyaga para sa maayos na kinabukasan”

Wala na sigurong mas sisipag pa sa mga kababayan nating contractual ang trabaho. Every 6 months mag-aayos ng papel tulad ng NBI clearance, resume, SSS, medical checkup, etc.  Alam ng bawat Pilipinong empleyado ang hirap sa pagkuha ng mga yan. Pagkatapos, magttrabaho sila ng 8 oras at mahigit pa araw araw sa maliit na sueldo. Karamihan pa ay hindi kumpleto ang benepisyo. Pagkatapos ng anim na buwan, nangangapa uli sila kung makakahanap pa uli sila ng panibagong trabaho. Para may pangkain sa susunod pa uli na anim na buwan. At mag-aayos na naman uli sila ng mga papel.

Maraming trabaho sa bansa. Pero hindi lahat ay sumasakto sa kinakailangan. At hindi lahat ng trabaho ay nagiging patas at sapat ang benepisyong binibigay.  At marami sa mga kababayan natin ay kung ano na lang ang meron ay tatanggapin na lang. Kesa nga naman magutom ang pamilya. Marami pang problema sa employment policy sa bansa. Ang naaabusong contractualization. At marami ring mga polisiya ang nagpipigil na mamuhunan ang mga foreign investors tulad ng 60-40 ownership ng local to foreign businessmen ng mga kumpanya sa bansa. Ang pahirapang redtape. Ang madaling proseso at mas bukas na market sana para sa mga investors ay magbubukas ng mga positibong bagay sa ating merkado. Mas magbibigay ng maraming oportunidad sa ating mga kababayang naghahanap ng mas maayos na trabaho. Pero dahil nga maraming balakid, pasensyahan na lang. Pagtiyagaan na lang natin ang meron. At dahil wala kang trabaho o hindi ka naghahanap ng mas maayos na puede mong pasukan, ikaw ang guilty. Kasalanan mo na naman.



4. “Kung walang korap, walang mahirap”
 
Tama. Sobrang tama. Kaya dapat may mga batas na sanang maipatupad para mabawasan ito. Ito ang dapat iprioritize ng gobyerno. Ang mabawasan ang korapsyon. Nagpapabigat sa ting mga Pilipino. Tax natin napupunta sa bulsa ng iba. Dapat ay  magkaroon ng matinding transparency. Mga polisiya at mga batas na mahuhuli at masasambat ang mga gumagawa ng kalokohan sa mga kontrata at bidding. Mga taong gobyerno na ginagamit ang kapangyarihan para sa sariling kapakanan. Mga nagwawaldas ng buwis ng bansa para sa kanilang mga luho. Kailangan ng matibay na batas para dito. Meron na ba? Wala pa. Meron atang bill na nakalatag tulad ng Freedom of Information. Ito sana yung makakatulong para masilip natin ang mga kalokohan. Magkakaroon na ng transparency sa mga transaksyon ng gobyerno. Pero wala ito sa priority bills. Sorry na lang tayo. Kung walang korap sana, mababawasan ang kahirapan. Kaso mahirap ka. Mahirap tayo.  Kasalanan natin.
Kung walang korap, wala sila? Iba ata intindi ng iba ah (photo credit: retroworks.blogspot.com)

5. “Itigil ang pagrereklamo sa gobyerno. Ikaw ang solusyon.”

Matalino ang nakaisip nito. Marahil ay taga gobyerno. Pero hindi. Dapat magreklamo ka. Karapatan mo ang magreklamo. Gumawa ka ng ingay. Kailangan ay may accountable sa lahat ng nangyayari. Accountable tayong lahat. Pero merong dapat umako ng malaking bahagi. Kaya nga tinatawag silang “leader”. Tumakbo sila sa posisyon sa kanilang mga pangako. Maaaring nauto ka nila sa pagkuha ng boto mo. Pero hindi ka na dapat magpauto pa na ang sitwasyon mo ay ikaw pa rin ang may kasalanan ng lahat.  Masipag kang nagttrabaho sa araw araw. Binubuno mo ang kaguluhan sa trapiko at taas ng pamasahe. Kahit pa anong baha o sakuna ay tatawirin mo para lang makapasok at may ipampakain ka sa pamilya mo. Nagkakandakuba ka na sa kakatrabaho at kakaasikaso ng papel mo tuwing ikaanim na buwan. Tapat kang naninilbihan sa mga amo mo at wala kang magagawa kundi kunin ang sueldo mong automatikong  binawasan ng buwis para ipampondo sa gobyernong ito.  Wala pa sa isang porsyento ng araw mo ang pagrereklamo, pipigilan ka pa nila. At ikaw pa rin ang palalabasing may kasalanan.

Salamat sa isang kaibigan sa pagshare ng larawan (Photo credit: Conspiracy Syndrome Facebook page)

Pasensya na pero mali ang akala mo. Hindi ikaw ang simula. Hindi ikaw mismo ang mag-aayos ng problema ng bansang ito. Maaaring sa ating pagboto nga ang umpisa ng lahat. Pero hindi dapat dun nagtatapos kung magkamali man tayo sa pagpili. Kung nagagawa mong pukpukin ang ilang mga tao sa social media dahil sa tingin mo na maling ginawa nila tulad ng pananakit ng traffic enforcer o paggamit ng salita ng ibang tao sa kanilang speeches na kung tutuusin ay masyadong maliit na bagay para problemahin pa ng buong bansa, bakit hindi mo yan magawa sa malalaking issue na mas may epekto sa sitwasyon ng mas nakarararaming mamamayan? O baka nakikisakay ka lang.

At ayaw mo ng mareklamo habang ikaw ay marami rin namang reklamo. Ayaw mo ng nagrereklamo ang ibang tao dahil tingin mo wala na silang ibang ginagawa. Tingin mo sila ang may kasalanan. Sila ang dapat kumilos at itigil ang reklamo. Tama naman. Maraming paraan para umunlad ang isang tao sa bansang ito. Maraming puedeng gawin para maging maayos ang buhay natin sa Pilipinas tulad ng laman ng post na ito. Pero marami pang puedeng gawin sana ang gobyerno para mas mapaunlad at mapadali ang buhay ng nakararami. Ang dahilan ay ilan lamang sa mga nabanggit sa itaas. Pero, salamat sa mga slogans. At dahil don, ikaw na ngayon ang may kasalanan. Ikaw na ang guilty sa lahat ng problema sa bansa. Kung ano ang mga kamalasang nangyayari sayo, hindi na sa gobyerno ang pagkukulang ngayon. Sabi kasi nila eh. Ikaw na ngayon mismo. Sayo na ngayon nagsisimula. Ikaw na ang accountable. At napaniwala ka sa mga sinabi nila. Kawawa ka naman.



13 comments:

  1. Ahaha...natawa naman ako dun sa intro! :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hehehe. buti na lang nga walang nanonood nun na iba at kami kami lang.

      Delete
  2. minsan, nakadepende sa slogan yung mga bagay-bagay na pinapansin ng karamihan. kaya dapat catchy ang nga ganyan.

    ReplyDelete
    Replies
    1. yup. dapat lang sana yung slogan nila e backupan nila ng gawa. Salamat Oliver.

      Delete
  3. nakaka-encourage talaga minsan yung mga slogan na yan eh..

    ReplyDelete
    Replies
    1. yup. naencourage nga ko masyado. ayun nadulas tuloy. hehehe. thanks Pink.

      Delete
  4. Padaan lang. Honestly, di ako nagbasa. :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. you're forgiven Michy. :p
      Pahiram na lang ako ng books, kapitbahay naman tayo eh. hehehe

      Delete
  5. Well constructed, Idol. Hinding hindi pa ako na-frustrate sa mga nabasa ko dito sa blog na 'to.

    Ang masasabi ko lang, corruption ang pinakamalaking issue na binanggit mo. Kung walang korupsyon, aayos ang sistema natin. Maisasakatuparan ang mga dapat gawin, bibili ng dekalidad na materyales ang gobyerno para sa mga proyekto dahil hindi sya nakikipagmurahan sa mga kagamitan, titigil ang red tape, magkakaroon ng equal opportunities ang mga manggagawa sa mga kompanya. Tanggalin ang padrino system.

    Minsan, sa aking mga ToiletThoughts (o diba!), naisip ko lang, ang dami nating mga taxpayers. Dapat madami ding nangyayari.. Kunyari sa akin, healthcare. Kung tutuusin, way below the ideal budget ang budget for every individual dito.. Ang health budget natin, sa aking tantsa, every year, ang budget for each person ay kasya lang sa tatlong bote ng swero. Kung wala pang health insurance yan, anong mangyayari?

    Tama. Hindi sa sarili magsisimula ang lahat. Nasa sistema yan. Dahil ang mukhang ipapakita ng mga politiko sa pangangampanya nila, ay maaaring iba sa iaaasal nila kapag nasa posisyon na sila.

    At dapat, anti-Epal. Sobra na ang early campaigning ng mga politiko dito sa lugar namin. Though indirectly, halatang halata naman. Dapat maging strikto ang bansa dito. Hindi lang for personal gain ang ginagawa nila, maaari ding makadagdag sa polusyon ang mga tarpaulin at early non-early-campaigning materials nila.

    Just my 2 cents. hehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat pre. dapat nga talaga e kalampagin natin ang mga makapangyarihan. hindi naman pagrereklamo ang kadalasang ginagawa natin. hinihingi lang natin yung nararapat na gawin nila para sa atin. tayo naman e ginagawa naman natin trabaho natin, dapat sila rin. hehehe.

      Delete
  6. Nice one pre. Tama ka eh. May pag-asa pa rin naman na maiwasan ang malawakang pagbaha sa kamaynilaan kung may isang lider na tatayo at seryosong gumawa at magpatupad ng panibagong Urban Planning. Ika nga, past is past so kelangan natin mag move on kung hindi naisakatuparan yun Urban Planning noon. May pag-asa pa na maiwasan ang malawakang pagbaha, kung sisimulan din nating mga mamamayan na disiplinahin ang ating mga sarili. Kung magagawa lang nating itapon sa tamang lugar ang simpleng upos ng sigarilyo at balat ng kendi tiyak kong mababawasan ang pagbaha kung hindi man maiiwasan ng tuluyan. May pag-asa pa. Huwag tayong bumitaw.

    ReplyDelete
  7. Very enlightening. Keep it up bro!

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...