Monday, September 24, 2012

Takot ka na ba?



Takot akong magutom. Sa pag-grocery, kadalasan may mga binibili ako na mga pasobrang pagkain.   Tipong mga miryenda tulad ng mga instant pancit canton, tinapay, crackers, etc, yan madalas ang stock namin sa bahay. Abutin man ng gutom anumang oras, may makukutkot kahit papaano. Ang problema nga lang, minsan nga sumosobra na talaga.  Kahit nananawa na ko dun sa pagkain na yun, kailangang ubusin ko para di masayang. At ang mas malala, may ilan na inabot na ng expiration date. Sayang. Tsk. Teka, isang linggo pa lang naman pala lagpas, puede pa to. Lutuin ko maya itong pancit canton.


Napakamakapangyarihan ng takot. Napapakilos nito ang isang tao ng hindi nakakapag-iisip ng maayos kaya nakakagawa ng bagay na minsan ay hindi niya gusto. O kaya naman ay hindi lohikal. Parang ang isang machong lalake ay magpipipiglas na parang bulateng naasnan kapag naliparan ng ipis sa may batok.  Kung alam mo kung paano gamitin ang takot, maraming bagay na posibleng mangyari.  Na posible mong magawa. Na posible mong makuha.


Nakatatak na sa ating mga Pilipino na pag Undas ay may magandang episode ang Magandang Gabi Bayan. Kahit ngayon na wala nang MGB sa ere ay nagpapalabas pa rin ng special episode ng MGB tuwing ganitong panahon. Marami pa rin kasi ang humihingi. Nakakatakot naman kasi talaga ang pagkkwento ni Kabayan. Boses pa lang kakabahan ka na. Naging tradisyon na nga. Dagdagan pa ng matitinding reenacment na talagang nakakagulat. Kaya naman todo taas ng ratings ng MGB tuwing ganitong panahon. Lahat tayo ay takot pagkapanood nito. Ayaw magpaiwan mag isa. May natutulog ng bukas ang ilaw. At ayaw ng walang katabi. Praning na praning.  Takot na takot. Pero taon taon ay inaabangan pa rin natin ito.



Sana meron uli sa Halloween


Nag-umpisa din ang pagkaadik din natin sa mga Asian horror movies dahil sa “The Ring”. Nagkaroon pa ng “The Ring 2”, “The Ring  3”, “The Ring  Zero”. Binili pa ng Hollywood ang rights para makagawa ng version nito. At di lang yan, nagkaroon pa ng iba’t ibang “The” movies. May “The Grudge”, “The Eye” at kung ano ano pang “The” movies na karamihan ay galing sa bansang Japan. Syempre, di tayo nagpahuli. Nagkaroon din tayo ng iba’t ibang horror movies na nakakatakot din talaga ang dating tulad ng “Feng Shui”,”Sukob”,”Segunda Mano”,” The Road”, etc. 


At bago pa yan, nauna na talaga tayo sa kanila. Bago pa yang mga “The, The” na yan ay may “Shake Rattle and Roll” series na tayo. Pang ilan na nga ba ngayon? At ang mga ito ay pinapalabas hindi lang Undas. Kadalasan pa nga ay pag Pasko tuwing MMFF. O kaya ay kahit anong panahon tulad ng mga aswang movies ni Lovi Poe. At talagang tumatabo sa takilya ang mga ito kahit anong buwan pa yan ipalabas. 


Ang original na halimaw ay hindi galing sa balon

Hindi lang sa palabas sa TV at pelikula uso at bumebenta ang takot. Maging sa tunay na buhay.Kung takot ka sa bagong lumalaganap na sakit, bibili ka ng lahat ng puedeng pamproteksyon. Magpapaturok ka ng lahat ng puede mong panlaban. O kaya bibili ka ng mga gamit na tingin mong magpprotekta sayo sa kung ano mang nakakatakot nay un.


Maging ang iba nating ginagawa at pinagkakagastusan ay dahil sa takot. Takot mapag-iwanan sa bagong model ng smart phone o gadget kaya kada bagong release kailangang nauuna. Takot mahuli sa kwentuhan sa bagong pelikula kaya kahit hindi talaga trip yung genre, pinapanood na. Dati ilan lang ang nakakakilala kay Thanos. Takot na ma-tag na hindi cool kaya nakiki-banat na din kay Justin Bieber at sa One Direction or sa bagong uso na tingin natin ay hindi astig. 


Maaagang pumila sa bilihan ng mansanas (photo from CNET news)


SARS scare, bird flu scare, end of the world, rice shortage, Dengue outbreak, Euro market meltdown, West Philippine Sea dispute, global warming, tsunami alerts, terrorists attack, overpopulation,  riding in tandem,  pagtaas ng singil sa kuryente at gasolina at kung ano ano pang mga bagay ang kadalasang kinakatakot ng mga tao sa panahon ngayon. Araw araw, yan ang maririnig, mapapanood at mababasa natin sa balita. Walang araw na di ka makararanas ng takot. 


Kung di mo man matyempuhan sa balita, siguradong ishe-share pa yan sa mga Facebook walls nyo at magiging viral pa nga. At malapit na nga pala ang December 21, 2012. Kung di mo pa nababalitaan ay di ko alam kung san kang lupalop nagtago. Pero ayon daw sa Mayan Calendar ay ito ang posibleng end of the world. Pero baka hindi ito magkatotoo. Pero wag mag-alala. Dahil meron nang balita na sa 2013 na matitinding solar flares ang puedeng makaapekto ng matindi sa mundo. Mapaparalisa ang komunikasyon at maraming bagay sa daigdig. At kung hindi pa rin ito mangyari, sa 2040 ay baka tamaan tayo ng malaking asteroid. Pili ka na lang kung ano mas nakakatakot. Pero bago pa ang mga yan baka magka World War 3 na. Astig di ba?


Wag kang OA. Kahit wala si Goku, si Master Roshi lang kaya ngang pasabugin ang buwan eh. Asteroid pa



Dahil sa takot, nauuna kadalasan ang emosyon. Dahil sa emosyon, nawawala tayo sa tamang isip at desisyon. Reactive. Natural na siguro sa tao. Pero dahil tao tayo, lamang dapat tayo sa karaniwang hayop. Meron tayong gift of reasoning. Pero sa ayaw at sa gusto natin, vulnerable tayo sa takot lalo na kung sunod sunod. Mas lalo na kung tayo mismo ang nagdadala ng takot sa ating sarili.  Bumibili tayo ng bagay na magpprotekta sa atin. Sa ating pamilya. Gumagastos tayo para maalerto tayo sa lahat ng uri ng panganib. Kahit yung panganib na walang kinalaman sa tin. Pag ipinasa pa sa tin ang takot, kadalasan ay exaggerated pa.


Napakaraming doomsayer sa mundo ngayon.  Para saan at kanino nila ginagawa ito, sila lang ang nakakaalam. Para sa tin? Para sayo? Para sa kabutihan mo? Siguro. Kaya siguro sa bawat “pananakot” ay meron agad silang “epektibong suhestyon at solusyon” para maprotektahan natin ang sarili natin. May bagong bakuna at antidote para sa pag-iwas natin sa isang bagong sakit. May bagong libro at dokumentaryong nilabas para ibigay sa atin ang impormasyon at mga kailangang gawin para maiwasan natin ang mabilis na pagkagunaw ng mundo. May bagong batas na isusulong at proyektong  popondohan para maiwasan ang patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng bansa. May mga bagong gadget na ilalabas para makatulong sa security mo at para updated ka uli sa mga bagong pananakot na ilalabas ng iba.


Kung ganito ang gagawin mong kalendaryo, gagawa ka pa ba sa susunod na taon?

Importante ang takot. Ito ang dahilan kung bakit nabuhay ang specie natin sa mundo. Dahil sa takot ay nalaman ng mga ninuno natin na hindi dapat tumalon sa bangin, magpakalunod sa dagat at tumabi sa mga mababangis na hayop  Subalit ang isa sa kinakatakot ko ay ang dumating ang panahon na lahat na lang tayo ay mapraning na. Sa tingin ko nga ngayon ay malapit na. 


Dumating na sa puntong karamihan ay pare pareho na lang ang reaksyon sa bawat sitwasyon. Pare-pareho na lang din halos ng sinasabi.  Tila ba nakaprograma na sa kung anong ikikilos at mararamdaman. Para tayong tinataranta. Parang minamadali. At ang pagkilos ng padaskol daskol ay kadalasang dala ng emosyon. Kadalasang hindi masyadong napag-iisipan. At kadalasan, ang ganitong kilos ay bunga ng takot.


Kaya sana itong post ko na ito ay makatulong sa pag-iisip natin ng malinaw. Makalma ka ng konti. Pero anong malay mo kasama pala ko dun sa nagbbrainwash. Pero at least hindi naman kita tinatakot. Sasabihin ko lang naman sa yo na pag di mo ni-like yung Facebook page nitong blog, tutubuan ka ng kulugo sa hinliliit mo sa kaliwang paa at di yan maaalis sa loob ng 3 araw. Biro lang.

6 comments:

  1. Ang takot ay parte na ng ating buhay. Normal lang na matakot, basta wag lang OA na sabi mo nga eh, parang napa-praning ka na. Eh panu naman ung mga may nervous breakdown or anxiety? lols :D

    anu toh, early Halloween treat? hehehe :D natawa ako dun sa picture nung Undin ata un wahaha!

    about the end of the da world, walang sinuman ang makakapagsabi na magugunaw na nga ang mundo sa mga petsang iyong nabanggit. kung may pinaniniwalaan kang Diyos, sya lang ang nakakaalam ng mga maaaring mangyaring bagay sa mundo.

    yung Mayan Calendar, sa pagkakaintindi ko, hindi naman tlaga the end of the world ang tinutukoy dun kundi isang malaking pagbabago lang ang maaaring maganap, not necessarily na kailangan malipol ang sangkatauhan para sa sinasabing pagbabagong iyon. scientifically speaking, tatagal pa ng 100 billion years ang mundo bago ito tuluyang magunaw. kaya imagine na lang kung buhay pa tayo nun hehe.

    waah yang Magandang Gabi Bayan - Halloween Special, da best yan lalo na nung 90s. galing na panakot sa mga bata dati haha. syempre, isa din ako sa mga natakot nun. bagets pa eh :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks fiel. oo nga eh, pre-halloween post ito. Lagi ako wala sa timing. Maaga ang valentines ko at halloween. hehehehe

      Delete
  2. favorite ko rin panoorin dati ang MGB pag halloween inaabangan ko talaga at kapag pinapanood ko na sumisiksik ako sa sofa namen sabay nakakumot haha..

    epic ang the ring para saken isang buwan ata akong hindi pinatulog ni sadako..pati maligo sa banyo kinatakutan ko hahaha..ako na ang matatakutin!

    ReplyDelete
    Replies
    1. buti hindi natakot mga katabi mo sa bus at jeep nung nakapanood ka ng the ring. hehehe. joke lang po. Thanks Ms. Pink :D

      Delete
  3. Ayoko ng horror movies, pero takot ako magutom.hahaha! :P

    http://www.dekaphobe.com/

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...