Showing posts with label FOI. Show all posts
Showing posts with label FOI. Show all posts

Thursday, August 22, 2013

No PORKing, Pero Teka Lang


Pikon ako. Siguro noon ay mas matindi pa nga. Nabawasan na naman din kahit papaano sa tingin ko. May ilang bagay lang talaga na di ko maiwasang hindi mainis o magalit kapag nauulit. Kahit anong timpi ko ay ganon pa rin ang epekto pag sumabog. Lalo na patungkol sa mga bagay na andun ang passion ko. Normal siguro sa tao na ipagtanggol ang bagay na gustong gusto mo laban sa mga umaalipusta. Kahit ikaw malamang ay ganon din. Iba-iba nga lang ang style natin

Nitong mga nakaraang araw, maraming kababayan natin ang mapapansin nating galit na galit. Naglalabasan na kasi sa balita ngayon ang tungkol sa malaking nakawan sa buwis na pinaghihirapan ng bawat isang Pilipinong manggagawa at negosyante. Talaga nga namang nakakagalit. Kung sa tin nga naman sana napunta yung buwis natin e naibili pa sana ng dagdag na bigas, ulam, pambayad ng tubig at kuryente, pang load, panggatas ng anak at kung ano ano pa na importante at pangangailangan. Tapos paglabas mo pa lang ng bahay, yung kalsada e anlalaki na ng lubak tapos wala pang ilaw ang mga poste. Naiisip ko nga minsan e kung kanya kanya na lang kaya tayong paayos ng mga sira, baka mas maraming lubak na ang napatabunan at mas maraming ilaw na sana ang nailagay sa mga kalye. Tapos pa, makikita natin na yung suspects sa pagwaldas ng buwis natin e sagad ang luho ng buong pamilya. E talaga nga namang nakakagalit. 

Not really. May VAT kahit bumili ka lang ng candy.


Minsan ko na ring naipost dito sa blog ang pagsunod at pakikinig sa yong sariling galit. Madalas kasi ay nababalewala mo lang ang iyong galit dahil tulad nga ng madalas nating sabihin, lilipas din yan. Pero lumipas man, madalas ay bumabalik balik din ito. Kung hindi mo bibigyang pansin, maiipon ito at puedeng magbunga pa ng di magandang resulta sa kalusugan mo. 


Dalawa lang ang puede mong gawin. Una ay ang kalimutan ito ng tuluyan o pangalawa ay gumawa ka ng paraan para maaksyunan ang bagay na kinakagalit mo. Mahirap ang dalawang yan pero parehong posible. Yung una, habang lumilipas ang panahon ay siguradong mawawala o mababawasan din ang galit na nararamdaman mo. Puede ring kapag naintindihan mo na ng tuluyan ang isang bagay ay napapalitan ng ibang emosyon ang galit.Ang problema lang, mas madalas na nauulit lang yung nangyayari at magagalit at magagalit ka lang uli. 


Yung pangalawa naman ay ang pagkilos para ayusin ito. Mahirap din ito sapagkat pag tayo ay galit, madalas na bulag tayo sa iba at nakafocus lang dun sa bagay na kinakagalit natin. Tulad sa issue ng pork barrel. Hindi na talaga maganda ang reputasyon patungkol sa sistemeng ito ng gobyerno noon pa. Parang common knowledge na nga sa Pinoy na winawaldas ito ng ilang mga pulitiko para sa sariling mga pakinabang. Maraming mga proyekto ang substandard na isang buwan pa lang pagkagawa ay sira na o kaya naman merong di pa talaga natatapos. Araw-araw mong nakikita yan sa paligid. At sa issue pa nga ngayon na may tao na gumagamit ng mga pekeng NGOs or Non Government Organizations na kumakatawan kuno sa ilang mga sektor ng lipunan na mahihirap tulad ng mga magsasaka upang makahingi ng bahagi ng PDAF o mas kilala sa Pork Barrel galing sa mga mambabatas.  At dahil daw peke, hindi nakakarating sa mga taong dapat makikinabang ang pondo kundi sa mga bulsa ng mga nagpapatakbo ng mga grupong ito. Direktang pagnanakaw at panggagamit ito sa ating mga simpleng mamamayang nagbabayad ng buwis na sana'y nagagamit para sa ikaaayos ng ating bansa.

Ang pangunahing tauhan sa bagong yugto ng bansa. Pero siya lang nga ba ang suspect o marami pang iba na dapat habulin at bigyan ng hold departure order oramismo?


Kaya di nakakapagtaka na marami ang magalit. Tulad ng nabanggit ko sa taas na ipambibili na lang ng pang ulam ay ibinabayad pa natin sa buwis at pagkatapos ay hindi naman pala magagamit ng tama. Nakakagalit na nakakalungkot na nakakahinayang. Kaya di na rin talaga nakakagulat ang magkaroon ng pag-aaklas ang mga tao laban dito. Sa August 26, may panawagan sa mga tao na gustong ilabas ang hinaing sa gobyerno sa iba’t ibang sulok ng bansa na magsamasama at ipadama ang galit at hinaing laban sa pagwawaldas ng kaban ng bayan.


August 26

Taliwas sa pag-aakala ng iba, bihira lang ang mga rallies na napuntahan ko. Mabibilang pa sa daliri sa mga kamay. Baka sa isang kamay pa nga lang. Maaaring akala ng iba ay laman ako ng mga ito dahil na rin sa pagiging bukas ko sa pagbibigay ng panig at opinyon sa mga bagay-bagay. Pero hindi. Hindi naman ako kontra sa mga ganitong pagkilos pero sa aking palagay ay hindi lang ito ang paraang para sa akin. Hindi ko pa rin alam kung sasama ako sa rally sa Aug 26. Maaari. Maaari ring hindi. Pero kung di man ako sumama, hindi ibig sabihin ay kontra na ako sa pinaglalaban natin para dito. Naalala ko pa yung tinatawag na “EDSA DOS” kung saan napatalsik ang dating Pangulong Estrada, niyaya din ako ng mga kaibigan ko na makiisa sa kanila sa rally. Hindi ako sumama. Hindi sa sang-ayon ako sa mga naririnig ko na hindi maganda sa pamumuno ni ngayon ay Mayor Erap kaya hindi ako sumama. 


Pero hindi ko lang sigurado kasi noon kung ang reporma nga ba na gusto natin ay mangyayari sa pamamagitan ng rally na iyon. At hindi pa nga natin sigurado kung ano ang mangyayari pagkatapos nun. At nangyari na nga. Naging pangulo natin si GMA. Yung apat na taong bubunuin natin sa panahon ni Erap na di natapos, naging halos sampung taon na panunungkulan naman ni dating Pangulong Gloria. At marami ang sumaya. Yata. Alam mo na yun. At yung laman ng envelope na naging mitsa ng rally noon, hindi naman pala naglalaman ng importanteng dokumento na makakasira kay Erap. Sabi pa naman magaling siya sa sugal, pero natalo siya sa bluff. Kung tong-its to, umatras siya sa draw. Pero ok naman kasi kahit ngayon relevant pa rin siya. Unlike GMA. Well, relevant pa rin naman siya. Lagi pa rin siya nababanggit kahit ilang taon na siyang wala sa Malacanang. Lagi pa rin siya bukambibig ng kasalukuyang administrasyon. 

"Ako ang nakikita, ako ang nasisisi, ako ang laging may kasalanan." - Freddie Aguilar/Estudyante Blues


Dagdag pa natin siguro ang nakaraang galit ng tao kay Corona dahil sa omission niya sa kanyang SALN ng ilang milyong worth ng ari-arian. Ni hindi napatunayan na ill-gotten dahil hindi naman kasali sa pinaglitisan ang bagay na yun. Maraming naging hopeful nung naalis si dating Chief Justice sa puesto. Para bang may bagong pag-asa tayong nakikita. Pero siya lang nga ba talaga ang may mga na-omit na ilagay sa SALN sa dinami dami ng nakaupo as puesto ngayon? As in 99.999999% ng nakaupo ngayon ay tapat sa kanilang report ng assets nila?  Pero bakit wala nang sumunod na lilitisin o kaya ay walang naipasang batas para maging krimen na sa mga namumuno ang hindi paglagay ng tamang entries sa SALN? Tingin mo?


"Tingnan mo rin ang SALN nun o"

Lumalayo na ko sa isyu ata. Pero siguro kahit papano, nakukuha mo na rin ang punto ko. Na kahit naman sino pa ang nakapuwesto, kung yung sistema ay pareho pa rin ay ganon pa rin ang malamang na mangyayari. Siguro ay makakabawas yung pagtanggal ng pork barrel. Magandang panimula na rin ito. At isa pa kung mapapatunayang may sala man si Napoles at mahuli at makulong siya. Pero mag-isa lang ba siya sa ganitong gawain? Paano yung iba pa na wala pang kaso o kaya ay hold departure order? Di kaya unti unti na silang nagsisipulasan palabas ng bansa sa utos na rin ng kasabwat nila para di na sila maituro? Ok din na mawawala sila. At matatapos din ang termino ng mga kasalukuyang nakaupo at mapapalitan sila. Nino? Ng mga kamag-anak nila malamang dahil wala pa ring batas na magbabawal sa kanila tulad ng isang political dynasty law kahit pa sinasabing bawal yan sa saligang batas.

At gusto ko lang sana ding magpaalala sa ilan na baka masobrahan sa galit at makalimot sa tunay na pinaglalaban natin dito. Marami naman na paniguradong alam nila ang dapat gawin. Accountability sa kung saan ginagamit ang pondo ng gobyerno at hindi lang basta tanggalin ang Pork Barrel. Dahil kahit pa sabihing tanggalin yan, paniguradong makakahanap pa rin ng paraan na makakurakot ang mga mangungurakot. Baka iba na lang ang tawag. Hindi na PDAF. Pero parang ganon pa rin. At kung hindi naman iaabolish ang Pork Barrel, puede namang ipasa na nila ang isa sa mga panukalang batas na matagal na dapat naipasa bago pa ang iba. Ang Freedom of Information o FOI bill na kung saan, ang mga transaksyon ng gobyerno ay transparent sa ating mga mamamayan. Nakikita natin kung san ginagamit at magkano ang nailalabas na pondo bawat proyekto. Hindi makakalusot ang mga pekeng NGO at mga proyektong overpriced at substandard. At ang batas nga sana laban sa political dynasties. Sa ngayon ay may mga magtatay, magnanay, magkapatid, magpinsan, magtiyo, magtiya, maglolo, maglola at iba pa. Wala na ang checks and balances. Lulusot at lulusot at magsasabwatan pa kadalasan. Hindi naman lahat ng mga angkan sa pulitika ay ganito at sigurado akong kung tunay na pagsisilbi sa bayan ang hangarin nila ay mauunawaan nila ang gusto nating mangyari sana. 


Looks familiar, sounds familiar.

Sa ngayon ay nakabinbin pa din ang dalawang panukalang batas. Ang FOI bill na hindi ginawang priority at ang Anti-Political Dynasty bill na ipinasa bilang people's initiative ng Ang Kapatiran party , ang tanging political party na malinaw sa plataporma ang pagsugpo sa pork barrel system, dynasties at paglagay ng transparency sa gobyerno. Sana ay kalampagin din natin ang kongreso na pagtuunan ng pansin ang dalawang mga panukalang ito, FOI at Anti Politicay Dynasty. Kung puedeng i-lobby, i-lobby. Kung may kakilala tayong nakaupo, baka puede silang tumulong sa tin. Sigurado naman ako na marami pa rin naman sa ating mga mambabatas ang may hangaring mabuti sa ating bansa. Kailangan lang natin silang pakitaan ng suporta para magkaroon sila lalo ng lakas ng loob upang paganahin ang kanilang political will. Pero hanggang sumusuporta ang marami sa tin sa mga taong walang ginawa kundi lip service ika nga, puro pakitang tao at salita lang, asahan na nating yung mga popular na mga gawain at kagustuhan ng mga taong hindi iniisip kung ano ang tama para sa kapakanan ng mas marami ang patuloy na mamimihasa. Marahil ay isa na nga itong rally na ito para ipakita natin na nagsisimula na tayong magkaisa laban sa mga maling sistema ng gobyernong ito.


Sana rin ay hindi tayo mawala sa focus. Sana ay alam natin ang gusto nating mangyari at ano ang gusto nating magbago. Hindi sana tayo basta magpapadala sa emosyon lang. Hindi ako laban sa mga pag-aaklas subalit kung may mga gagawin man tayo, bago natin simulan ay meron din sana tayong nakikitang iisang adhikain at target sa dulo. Dahil kung hindi, ilang EDSA man o impeachment ang muling dumaan, magkakaisa lang tayo lagi hanggang sa simula lang. At kada matatapos ang isang malaking pagtitipon, pagkatapos ng lahat ng pagyayakapan, pagsasayawan at paghihiyawan ng magkakasama, maglalakad na naman tayong pauwi ng bahay na magkakalayo, kanya-kanya na parang di na uli magkakakilala na tila bagang wala rin namang nangyari. Kaya ipinagdarasal ko na sana, makamit ang tagumpay ng gawaing ito.

Wednesday, September 12, 2012

Ang Bayan ng Slogan (kawawa ka naman)



Solar plexus. Natutunan ko ang salitang ito dahil sa basketball. Ugali ko kasi noong bata ako na gayahin ang idol ng lahat, si Michael Jordan. Pag fastbreak, nakalabas pa ang dila. Minsan nakuha ko ang rebound at tinakbo ko ng diretso. Mabilis kasi ako tumakbo non. Walang nakahabol sa kin. Sure shot ito. Layup na solo. Malapit na ko sa ring. Nasa may shaded lane na ko ng freethrow line. Para sa mga di nakakaalam, shaded lane ang tawag dun kasi may pintura. At sa semento kami naglalaro. Semento plus pintura equals bad combination. Madulas. At nadulas nga ako. 

Nakakahiya. Solong solo ako sa fastbreak, nakalabas pa dila, at nadulas. Humampas ang likod ko. Ansama ng bagsak ko. Pagtayo ko, para kong hinihika. Hirap na hirap akong huminga. Itinayo ako ng mga kasama ko. Hinimas ang likod ko. Hanggang sa marelax ako at makabawi. Pero masakit pa rin ang likod ko. Nagtanong ako sa eksperto kung ano nangyari. Solar plexus ko raw ang napuruhan kaya para akong di nakahinga. Yun pala yun. Akala ko sa sobrang kahihiyan lang kaya nangyari yun.


Pagkatapos nun, parang walang nangyari sa kin. Ganon pa rin naman ako maglaro ng basketball. Takbo ng matulin, talon ng mataas. Sabi nga sa slogan ng isa sa pinakasikat na brand ng sapatos, “Just do it”. Hindi na nga lang ako naglalabas ng dila pag nagffastbreak. 

MJ Trademark
 

Nakakainspire ang mga slogans. Isang salita lang, parang kaya mo na ang lahat. Malaki ang sakop ng iilang salitang pinagsasama sama. Ansarap pakinggan. Pero marami rin naman ay walang laman. Salita lang na kung hihimayin, wala namang sustansya. Parang junkfoods. Ang sarap lantakan, pero wala kang makukuhang nutrisyon. At yan ang mga dapat nating pag-ingatan. 


1. “Para sa maayos na daloy ng trapiko, disiplina ang kailangan”

Buhol buhol na mga sasakyan. Mga public vehicles, malaki at maliit, na humaharurot at naguunahan sa pasahero. Kada kantong ginagawang terminal. Mga hukay para sa tubig, kuryente, road construction, telco lines na sabay sabay ginagawa. Singitan sa kaliwa’t kanan. Nagreresulta kadalasan sa banggaan. At lalong masikip na daloy ng trapiko. Delubyo. Exaggeration pero yan ang pakiramdam pag naipit ka dyan. Sabi ay disilpina sa kalsada ang kailangan. Disiplina…lang? Mali. Dahil ang kawalan ng disiplina ng mga motorista ay bunga lang ng mas malalaki pang mga problema ng bansa.

Usual EDSA (photo credit: trekearth.com)
Taon taon ay patuloy ang pagrelease ng prangkisa sa mga jeep, buses, taxi, tricycle atbp. Kung hindi mabigyan ng prangkisa, may mga nagco-colorum. Parami ng parami ang pampublikong sasakyan habang walang matinong pag-aaral na nagaganap sa gobyerno tungkol sa statistika at pangangailangan sa bawat lugar ng mga PUVs. Congestion sa kalsada sa ilang lugar. Agawan sa pasahero. Nagreresulta sa mababang posibilidad ng pagkita ng mga drivers.  Magugutom ang kanilang pamilya kung wala silang gagawin. Kaya kinakailangan nila ng mga “diskarte” na nagbubunga ng kaguluhan sa kalsada. At dahil sa pagbaba ng kanilang kinikita kasabay ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ay ang di maiwasang pagtaas ng pamasahe para sila ay makabawi. At sapul ang commuters.  Dagdag pa ang kawalang plano at koordinasyon ng mga naghuhukay sa kalsada. 


Kahit anong disiplina at pasensya ng libo libong tao sa kalsada, mauubos at mauubos din. Yan ay kung walang gagawin ang mga may kapangyarihan sa mga issue na nabanggit sa taas. Walang regulasyon sa prangkisa, di paghuli sa mga colorum, at hindi maayos na paghuhukay ng mga kalsada. Nakakapikon. At dahil napikon ka, ngayon ikaw na ang guilty. Wala ka daw kasing disiplina.


2. “Iwasan ang pagatapon ng basura ng maiwasan ang pagbaha” 

Panahon pa ng ninuno natin bumabaha na. Di pa marumi Ilog Pasig at Manila Bay, nakakaranas na ng matataas na pagbaha ang maraming lugar sa Metro Manila. Pero hindi pa “hopeless case” ito. Maraming urban planning na ang pinropose para ayusin ang problema sa baha. 1970s pa ay may warning na at proposed solution. Ayon kay Arch. Palafox, kung nasunod lamang ang mga ito ay hindi na sana natin nararanasan ang ganitong problema.  Pero walang ginawa.  Wala ring pagkontrol sa mga establisyamento at mga informal settlers.  At dumumi pa lalo ang paligid. Napuno ng basura ang mga ilog, ang mga drainage, etc. At lalong lumala. Pero noon pa nga may baha na. At noon pa may plano na. Pero walang ginawa. At patuloy pa ring walang ginagawa. At ngayon ikaw ang guilty sa pagbaha kasi nagtapon ka ng balat ng kendi.

Baha in Manila circa 1950s (photo courtesy of From Paulo Alcazaren on Facebook)


3. “Sipag at tiyaga para sa maayos na kinabukasan”

Wala na sigurong mas sisipag pa sa mga kababayan nating contractual ang trabaho. Every 6 months mag-aayos ng papel tulad ng NBI clearance, resume, SSS, medical checkup, etc.  Alam ng bawat Pilipinong empleyado ang hirap sa pagkuha ng mga yan. Pagkatapos, magttrabaho sila ng 8 oras at mahigit pa araw araw sa maliit na sueldo. Karamihan pa ay hindi kumpleto ang benepisyo. Pagkatapos ng anim na buwan, nangangapa uli sila kung makakahanap pa uli sila ng panibagong trabaho. Para may pangkain sa susunod pa uli na anim na buwan. At mag-aayos na naman uli sila ng mga papel.

Maraming trabaho sa bansa. Pero hindi lahat ay sumasakto sa kinakailangan. At hindi lahat ng trabaho ay nagiging patas at sapat ang benepisyong binibigay.  At marami sa mga kababayan natin ay kung ano na lang ang meron ay tatanggapin na lang. Kesa nga naman magutom ang pamilya. Marami pang problema sa employment policy sa bansa. Ang naaabusong contractualization. At marami ring mga polisiya ang nagpipigil na mamuhunan ang mga foreign investors tulad ng 60-40 ownership ng local to foreign businessmen ng mga kumpanya sa bansa. Ang pahirapang redtape. Ang madaling proseso at mas bukas na market sana para sa mga investors ay magbubukas ng mga positibong bagay sa ating merkado. Mas magbibigay ng maraming oportunidad sa ating mga kababayang naghahanap ng mas maayos na trabaho. Pero dahil nga maraming balakid, pasensyahan na lang. Pagtiyagaan na lang natin ang meron. At dahil wala kang trabaho o hindi ka naghahanap ng mas maayos na puede mong pasukan, ikaw ang guilty. Kasalanan mo na naman.



4. “Kung walang korap, walang mahirap”
 
Tama. Sobrang tama. Kaya dapat may mga batas na sanang maipatupad para mabawasan ito. Ito ang dapat iprioritize ng gobyerno. Ang mabawasan ang korapsyon. Nagpapabigat sa ting mga Pilipino. Tax natin napupunta sa bulsa ng iba. Dapat ay  magkaroon ng matinding transparency. Mga polisiya at mga batas na mahuhuli at masasambat ang mga gumagawa ng kalokohan sa mga kontrata at bidding. Mga taong gobyerno na ginagamit ang kapangyarihan para sa sariling kapakanan. Mga nagwawaldas ng buwis ng bansa para sa kanilang mga luho. Kailangan ng matibay na batas para dito. Meron na ba? Wala pa. Meron atang bill na nakalatag tulad ng Freedom of Information. Ito sana yung makakatulong para masilip natin ang mga kalokohan. Magkakaroon na ng transparency sa mga transaksyon ng gobyerno. Pero wala ito sa priority bills. Sorry na lang tayo. Kung walang korap sana, mababawasan ang kahirapan. Kaso mahirap ka. Mahirap tayo.  Kasalanan natin.
Kung walang korap, wala sila? Iba ata intindi ng iba ah (photo credit: retroworks.blogspot.com)

5. “Itigil ang pagrereklamo sa gobyerno. Ikaw ang solusyon.”

Matalino ang nakaisip nito. Marahil ay taga gobyerno. Pero hindi. Dapat magreklamo ka. Karapatan mo ang magreklamo. Gumawa ka ng ingay. Kailangan ay may accountable sa lahat ng nangyayari. Accountable tayong lahat. Pero merong dapat umako ng malaking bahagi. Kaya nga tinatawag silang “leader”. Tumakbo sila sa posisyon sa kanilang mga pangako. Maaaring nauto ka nila sa pagkuha ng boto mo. Pero hindi ka na dapat magpauto pa na ang sitwasyon mo ay ikaw pa rin ang may kasalanan ng lahat.  Masipag kang nagttrabaho sa araw araw. Binubuno mo ang kaguluhan sa trapiko at taas ng pamasahe. Kahit pa anong baha o sakuna ay tatawirin mo para lang makapasok at may ipampakain ka sa pamilya mo. Nagkakandakuba ka na sa kakatrabaho at kakaasikaso ng papel mo tuwing ikaanim na buwan. Tapat kang naninilbihan sa mga amo mo at wala kang magagawa kundi kunin ang sueldo mong automatikong  binawasan ng buwis para ipampondo sa gobyernong ito.  Wala pa sa isang porsyento ng araw mo ang pagrereklamo, pipigilan ka pa nila. At ikaw pa rin ang palalabasing may kasalanan.

Salamat sa isang kaibigan sa pagshare ng larawan (Photo credit: Conspiracy Syndrome Facebook page)

Pasensya na pero mali ang akala mo. Hindi ikaw ang simula. Hindi ikaw mismo ang mag-aayos ng problema ng bansang ito. Maaaring sa ating pagboto nga ang umpisa ng lahat. Pero hindi dapat dun nagtatapos kung magkamali man tayo sa pagpili. Kung nagagawa mong pukpukin ang ilang mga tao sa social media dahil sa tingin mo na maling ginawa nila tulad ng pananakit ng traffic enforcer o paggamit ng salita ng ibang tao sa kanilang speeches na kung tutuusin ay masyadong maliit na bagay para problemahin pa ng buong bansa, bakit hindi mo yan magawa sa malalaking issue na mas may epekto sa sitwasyon ng mas nakarararaming mamamayan? O baka nakikisakay ka lang.

At ayaw mo ng mareklamo habang ikaw ay marami rin namang reklamo. Ayaw mo ng nagrereklamo ang ibang tao dahil tingin mo wala na silang ibang ginagawa. Tingin mo sila ang may kasalanan. Sila ang dapat kumilos at itigil ang reklamo. Tama naman. Maraming paraan para umunlad ang isang tao sa bansang ito. Maraming puedeng gawin para maging maayos ang buhay natin sa Pilipinas tulad ng laman ng post na ito. Pero marami pang puedeng gawin sana ang gobyerno para mas mapaunlad at mapadali ang buhay ng nakararami. Ang dahilan ay ilan lamang sa mga nabanggit sa itaas. Pero, salamat sa mga slogans. At dahil don, ikaw na ngayon ang may kasalanan. Ikaw na ang guilty sa lahat ng problema sa bansa. Kung ano ang mga kamalasang nangyayari sayo, hindi na sa gobyerno ang pagkukulang ngayon. Sabi kasi nila eh. Ikaw na ngayon mismo. Sayo na ngayon nagsisimula. Ikaw na ang accountable. At napaniwala ka sa mga sinabi nila. Kawawa ka naman.



LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...