Showing posts with label bawal sumimangot. Show all posts
Showing posts with label bawal sumimangot. Show all posts

Saturday, May 5, 2012

Saan Patungo ang Lumalalang Disiplina ng Kabataan?

“batang bata ka pa at marami ka pang
kailangang malaman at intindihin sa mundo,
…iyan ang totoo”.

Mga salita mula sa isang klasikong awitin ng grupong APO Hiking Society na tumatalakay sa kakulangan  pa sa kaalaman sa mga bagay bagay sa mundo ng mga kabataan. Subalit tila sa panahon ngayon, sa dami ng maaaring panggalingan ng impormasyon at maging sa pananaw na rin ng nakatatanda ay tila nawawala na ang kahulugan nito.

Sa internet maging sa social and traditional media araw araw tayong inuulanan ng iba’t ibang impormasyon. Kadalasan sa hindi, walang kontrol ang mga impormasyon na nakukuha ng kabataan kung kaya humahantong ito sa maling pag-aakala na alam na nila ang lahat ng bagay. 

Marami tayong makikita sa mga social networking sites na mga bata na may mga account na kung hindi sila ang gumawa ay mismong mga magulang pa ang bumuo para sa kanila. Puedeng ito ay para sa komunikasyon rin lalo na kung nasa malayong lugar ang magulang. Wala sigurong problema kung nababantayan ng maigi ang mga kabataan sa paggamit ng mga sites na ito. Pero mas madalas na hindi sila naoobserbahan.  

Maraming bagay ang nakikita rito. Ang mga bagay na ito ay nagkakaroon ng iba't ibang epekto sa isipan ng mga nasa menor de edad. Maaaring ito ay mabuti, pero maaari ring masama. Makikita pa natin minsan na sa mga usapang pang-matanda ay may mga bata na “sumasali” na sa usapan at kadalasan pa ay makikipagtalo sa mga higit na nakakatanda sa kanila. Wala na yung panahon noon na pag sumasagot ang bata sa matanda o kaya ay sumasabat sa kanilang usapan ay siguradong mapapagalitan o di kaya ay mapapalo.

At isa sa malalalang pangyayari na dahil sa kawalan ng pagantabay ay ilang beses na ring may mga kabataang napahamak at napariwara sa walang disiplinang paggamit ng social networking sites.

Malaki na ang pinagbago sa uri ng pagdidisiplina sa kabataan. Nakikitang “marahas” ng marami kung paano dinidisiplina ang mga kabataan noon kumpara sa ngayon. May ilan pa na may batayan pang mga pag-aaral sa psychology ang pagpuna sa pagdidisiplina sa kabataan at kadalasan na ang pag-aaral na ito ay galing sa kanlurang bahagi ng mundo. Ang “child spanking” bilang bahagi ng disiplina ay mas laganap rin sa silangang bahagi ng mundo tulad dito sa tin sa Pilipinas maging sa malaking bansang tulad ng China. May mga aklat pang naisulat patungkol sa ganitong uri ng pagdisiplina at paanong nahubog ang pagkatao ng sumulat nito. Sa west naman,sa panahon ngayon ay maaaring ika-kulong  pa ng mga magulang kung pagbubuhatan ng kamay ang kanilang anak. Maaari pa itong mangyari kapag ang anak pa mismo ang nagsumbong sa kinauukulan at pag naipasa pa ang isang sinusulong nilang batas, maaari pa itong humantong sa "habambuhay na pagkakakulong" sa magulang.

Sabi sa ilang pag-aaral na nagbubunga raw ng “anxiety and aggression” sa kabataan ang pagbubuhat ng kamay sa kanila. Sa paglaki raw ng kabataang napapalo ay mas malaki ang tsansa na maging mas agresibo at bayolente sila kumpara sa hindi. Tulad ng nabanggit sa itaas, hindi normal sa kanluraning mga bansa ang pamamalo ng anak bilang pagdisiplina. Pero bakit tila mas marami tayong nalalamang mararahas na mga krimen na ginagawa ng kabataan sa mga bansa tulad ng Amerika? May mga namamaril, nambubugbog at pumapatay ng hindi lang iisang tao kadalasan at ang gumagawa ay mismong kanilang mga kabataan. Mas nakikita rin natin ang pagiging mas agresibo at kadalasang pagsuway sa magulang kumpara sa mga kabataan sa mga bansa sa silangan. Pero sa panahon ngayon, tila dun na rin papunta ang ating bansa sa ganoong sitwasyon.

Dalawang bagay ang mainit na napaguusapan sa ating bansa ngayon na nauukol sa kabataan, una ang “Juvenile Justice Law” at pangalawa ay ang ruling ng Dep Ed sa teachers na “Bawal Sumimangot”.  Sa Juvenile Justice law, maraming karapatan ng kabataan ang pinatibay sa kabila ng kanilang maaaring pagkasangkot sa krimen. Hindi sila maaaring kasuhan at itrato na tulad ng matatanda na nagkasala sa parehong krimen at kung sakali man na gumawa ng di maganda ang biktima o kahit sino laban sa mga batang nagkasala ay maaari pa silang kasuhan ng child abuse. Sa “bawal sumimangot rule" naman ng DepEd ay pinagbabawal na ang pagsimangot ng mga guro sa kanilang mga estudyante. Hindi ko lang alam kung kahit tipong may dysmenorrhea, migraine sila o talagang may ginawang kabulastugan ang mga bata ay bawal pa rin silang sumimangot.

Sa ngayon ay napakarami nang kabataang nasasangkot sa krimen. Gaya ng mga tinaguriang “hamog boys” na nagnanakaw sa mga pumapasadang drivers at kadalasan ay nananakit pa. Meron ding mga pumapatay at nanggagahasa pa. Talagang kalunos lunos ang sitwasyon ng mga kabataang ito. Ang tanong ay nasan kaya ang kanilang mga magulang? Hindi ba nila kayang kontrolin o disiplinahin ang kanilang mga anak hanggang humantong sila sa ganito?

Sa kabilang banda naman, ipinagbabawal na daw ang pagsimangot ng mga guro sa mga mag-aaral sa kadahilanang marami ang “nadidiscourage” na mga kabataan at nahahantong pa ito sa kawalan ng gana na mag-aral. Pinakita pa sa isang balita na may isang kinse anyos na bata na hindi na pumasok sa eskwela dahil palaging pinapagalitan ng guro at maging ng principal. Grade 2 lang ang inabot ng batang ito. Ano kaya ang ginawa ng magulang at hinayaan na ganito na lang ang abutin ng kanilang anak? Kung pinag-iinitan man ang kanilang anak, ano kaya ang dahilan? At bakit hindi nila kinausap man lang ang guro at ang kanilang anak para maayos ito? 

Sa aking karanasan, marami akong mga naging guro na masasabi nating “terror”. May ilan na matalim talaga ang mga salitang binibitawan at may ilan pa na may mga pisikal na pagdidisiplina sa estudyanteng matigas talaga ang ulo tulad ng pagpalo sa kamay, pag pingot , pagpapalabas sa klase at iba pa. Subalit ang mga gurong ito ang siya ring mas tumatak at nakapagbigay ng disiplina sa maraming mag-aaral na kanilang nahawakan. 

Sa dalawang kautusang ito ay para nating ginapos ang kamay ng dalawang ahensya para disiplinahin ang ating kabataan. Una ang kapulisan at pangalawa ay ang mga paaralan. Inalisan natin ng ngipin ang mga ito para disiplinahin sana sa maling gawa ng ating mga kabataan. Ayos sana ito kung sa mga tahanan pa lamang ay nadidisiplina nang maigi ng mga magulang ang kanilang mga anak. Subalit ayon na rin sa ating mga nakikita sa paligid ay humahantong pa sa mas malalang bagay ang dulot ng kawalan ng disiplina ng mga bata mula sa mga pabayang magulang.

Kung hindi kayang disiplinahin ng maraming magulang ang kanilang mga anak, at aalisan pa natin ng kakayahang disiplinahin ng lipunan ang ating mga kabataan, sino na lang ang matitirang magdidisiplina at magtuturo ng tamang pamumuhay sa mga musmos na kaisipan?


LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...