Showing posts with label creed. Show all posts
Showing posts with label creed. Show all posts

Friday, July 13, 2012

Ang Ugaling Magkaisa Laban sa Pagkakaisa


“…Society blinded by color, why hold down one to raise another,
Discrimination now on both side,  seeds of hate blossom further,
The world is heading for mutiny when all we want is unity…”– One by Creed

Isang araw, sa di sinasadyang pagkakataon (malakas kasi ang boses nila), narinig ko ang usapan ng 2 kapwa ko pasahero sa FX. Ito ay tungkol sa binubuo nilang isang samahan sa aming lugar.  Ito raw ay para kilalanin at i-sponsor ng aming kasalukuyang vice mayor ang kanilang pangkat. Sila ay binubuo ng mga taong nagmula sa isang probinsya sa may bandang katimugan ng Luzon at nais nilang itayo ang kanilang samahan dito sa aming siyudad.

Kung bakit nila ito gustong itayo ay marahil may mga proyekto silang nais gawin para sa mga kapwa nilang galing sa lugar na ngayon ay naninirahan sa aming lungsod. Siguro ay nais nila na magkaroon ng pagkakaisa sa bawat isa sa kanila. Ayon sa kanila ay marami silang myembro at hindi matatanggihan ng aming bise alkalde ang kanilang application.  Ang pinagtataka ko lang ay kung bakit kailangan pang magbuo ng ganitong grupo? Hindi ba puwedeng gawin ang mga proyekto para sa lahat at hindi lang para sa piling tao? May mawawala ba kung makikihalo na lang sila sa mga kapitbahay nila at mamuhay ng katulad nila? Hindi lang dito nangyayari yun, kahit sa ibang lugar. Siguro ay dahil na rin sa pakiramdam na nagiging minorya sila sa isang lugar kaya para sa kanila, ang pagbuo ng ganitong uri ng grupo ay makakapagbigay ng boses at lakas para sa kanila.

Maging sa labas ng bansa, makakarinig tayo ng mga grupo na ang tawag ay mula sa lugar o pangkat etnikong pinagmulan nila. Imbes na “Pilipino” ay pagkakahati hati pa sa mga probinsyang pinagmulan ang siyang ipinapangalan sa ilang mga grupo.  Maging sa loob ng mga paaralan ay meron ding ganyan. Bukod sa pinanggalingang lugar ay marami rin tayong maririnig na mga pangkat ng kapatiran na ang pangalan ay mula sa mga Griyegong titik. Ginaya na rin ito maging ng ilang kabataan na nasa labas ng paaralan at tinatawag naman nilang kadalasang “gang” o “clan”. Ang mga grupong ito ay tinatag diumano para magpalaganap ng kapatiran at pagkakaisa. Nakakalungkot pero minsan ay ang pagsapi ng mga samahang na nagbibigay ng pakikisama ay may kaakibat din na pagkakaroon agad ng mga “kaaway”at ang pagiging kasapi sa grupo ang siyang mismong dahilan rin dito.


Choose your level of adventure.


Madalas rin nating marinig ang pagtawag sa isang tao ng iba’t ibang uri ng kulay tulad ng pula, dilaw, orange, berde at iba pa bilang pagkilala sa kanilang  pagsuporta ng isang adhikain, tao o samahan. At pagdating naman sa usaping pananampalataya o maging ang kawalan nito, madalas din ang pagkakataon na nag-iiba ang pananaw ng isang tao sa kanyang kapwa oras na marinig kung anong paniniwala ang meron ang iba.

Ang mas matindi pa rito ay yung mismong mga grupong tinaguyod ng ibang tao ay nahahati hati pa sa mga paksyon-paksyon na maliliit sa loob nito. Pag di nagkasundo sa isang bagay, mag-aaklas, gagawa ng isang maliit na grupo at hahanap ng makakasama niya para magkaisa sila, magkaisa sa pagkawatak watak.

Hindi ko alam kung ito ba ay bunga ng pagkakahiwa hiwalay natin sa mahigit pitong libong isla at ilampung dayalekto. Wala ni isa man sa atin ang di nakaranas ng ganitong uri ng pagiisip kahit minsan. Tama lang din naman ang tayo ay manindigan, magtiwala, pumili ng adhikain at maging mapagmalaki sa ating pinagmulan. Walang masama kung hindi sana natin hahayaang ang ugali na manghusga sa kapwa dahil sa kanyang paninindigan, paniniwala, pinagmulan, itsura atbp ang siyang mangibabaw sa ating isipan.  

Bakit hindi natin hayaan na minsan ay alalahanin natin na tayo ay magkaisa bilang Pilipino? O kaya isagad na natin sa pagkakaroon ng kaisipan na sa mundong ito, tayong lahat ay pare parehong tao at kinakailangan natin na magpakatao para sa ating kapwa. Sa huli, wala rin naman tayong pagkakaiba sa iba. Iisa lang ang tingin sa atin ng mundo san man tayong lupalop galing o kung anong dayalekto man, paniniwalang pulitikal o relihiyon ang meron tayo. Kung tayo ang sumisira mismo sa ating pagkakaisa, wala ring makakaayos nito kundi tayo rin at wala nang iba pa.

“…we may rise and fall, but in the end we’ll meet our fate together”

Ito yung buong awiting kasama ang mga salita ng awiting “One” ng bandang “Creed” na sa aking palagay ay angkop na angkop sa ating sitwasyon sa ating panahon.


LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...