Showing posts with label desisyon. Show all posts
Showing posts with label desisyon. Show all posts

Friday, May 31, 2013

Desisyon Mo ang Limitasyon Mo

Walang nakakaalam kung hanggang saan ang maaabot natin sa hinaharap. Kung gaano kataas o kababa, walang makakasabi ng eksakto. Pero ang limitasyon kung ano ang kaya nating makamit ay nasa ating kontrol. Ang limitasyon ay ang ating mag pangarap. Maaari nating hindi maabot o maaari nating lampasan pero ang lahat ng ating gagawin para sa ating kinabukasan ay nakabatay kadalasan sa kung ano ang ginusto nating maging buhay bukas.

Pangarap, pag-asa at pananampalataya ang naging puhunan ni Trish sa tagumpay



Pangarap at inspirasyon ang naging sangkalan ng pagbabago sa buhay ni Trish Matalubos. Isang babaeng mula sa malayong probinsya na nakipagsapalaran na magtrabaho bilang yaya sa Maynila na ginamit ang sipag at diskarte upang makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho at ngayon ay isa nang ganap na businesswoman na tumutulong di lang sa pamilya nya at kaibigan kundi sa ibang tao na nabibigyan niya rin ng hanapbuhay para abutin ang kanilang mga sariling pangarap.

--> Yaya Noon, Businesswoman na Ngayon


Sa kanyang tiwala sa sarili at sa pananampalataya sa Diyos, hindi siya kailanman nawalan ng pag-asa na hindi na siya aahon sa buhay. Alam nya na siya mismo ang unang tao na dapat magtiwala sa kanyang sarili bago ang iba. Kung siya mismo ang magmamaliit sa kanyang kakayahan, hindi niya maaabot ang kung nasaan man siya sa ngayon. 


Maraming tao ang siyang una pang nagbabagsak sa sarili sa pamamagitan ng pag-iisip na hanggang doon lang ang kanilang kaya. Marami naman ang umaasa lang sa suwerte habang hinahayaan lang ang mga pagkakataon na dumaan sa kanyang harapan. May iba naman na dinadatnan na ng suwerte ay wala pa ring kinakahinatnan dahil sa kawalan ng kahandaan sa pagdating ng tagumpay dahil hindi naman nila mismong inakala na mangyayari sa kanila ang bagay na yon. Pagmamaliit sa sarili. Yan ang kalaban ng marami sa atin ngayon. Hindi laging ang gobyerno. Hindi laging ang mga tao sa paligid natin. Hindi laging ang sitwasyon mo ngayon ang dahilan. Minsan ay sila rin naman nga talaga ang dahilan. Pero minsan, ay ikaw rin at ang pagpapababa mo sa tingin mo mismo sa iyong sarili.

Wednesday, June 20, 2012

Pakinggan ang Galit Mong Sarili

Magagalitin akong tao. Lalo sa mga nakakakilala sa kin ng personal, malamang na maririnig nyo ang iba’t ibang kwento tungkol sa pagiging “highblood”, “masungit”, “war freak” at kung ano-ano pang salitang kasing kahulugan ng taong laging nagagalit ang nailalapat sa akin.

Maraming dahilan kaya ako nagagalit, minsan dahil sa tao at pangyayari sa aking paligid, sa sitwasyong kinalalagyan ko o minsan ay sa sarili ko mismo. Madalas din na ang kinakagalit ko ay paulit ulit lang. At hindi ito maganda sa kalusugan. Minsan ay umabot pa sa punto na ilang ulit akong naisugod sa ospital at ang dahilan, pagkikimkim ng sama ng loob kasabay ng stress at pagod. Nung una akong beses nasugod sa ospital, imagine na nakahiga na kayo sa gitna ng aisle ng jeep tapos naninigas ang buong katawan nyo, hirap huminga at di na makapagsalita at pagkatapos maririnig nyo pa ang mga tao habang nakatingin sa akin na bumubulong ng “nangingitim na, nangingitim na”… whew… kwento ko na lang ito ng buo sa susunod.



Madalas nga may mga kinakagalit tayo na pangyayaring paulit-ulit. Alam natin kung ano itong bagay na kinakagalit natin. Lagi lang itong nandyan. Lumilipas din naman ang galit natin dito, makakalimot bukas at magiging kalmado. Pero pag naulit, andyan na naman at nadadagdagan pang lalo ang galit.

Ang gusto ko lang sanang malaman ay kung pinakinggan mo na ba ang sarili mo nung galit ka? Kung oo, sineryoso mo ba ang sarili mo?

Madalas na pag galit tayo sa isang tao, sinasabi natin sa sarili natin na “iiwasan ko na tong tao na to.”, “Lalayo na ko sa kanya.”, “ Di na ko uli magtitiwala sa kanya” at kung ano ano pang hindi mo na gagawin. Pero kinabukasan, lipas na naman ang galit mo at babalik ka na naman sa dating gawi at pakikitungo sa kanya.  Siguro di maiiwasan dahil kailangan, tapos may gagawin na naman siyang hindi mo gusto at babalik uli ang galit at sasabihin mo na naman uli ang mga katagang sinabi mo na nung una kang nagalit.

Ganon din sa mga sitwasyon, halimbawa sa trabaho.  Galit ka sa mga kasamahan mo na pinagtsitsismisan ka kahit wala kang ginagawang hindi maganda. O kaya naman e sa boss mo na tingin mo e pinagiinitan ka.  O sobrang hirap ng schedule mo kaya naaapektuhan na nito ang kalusugan mo. Puede rin naman na ayaw mo lang din talaga ng ginagawa mo at hindi ka na masaya. Isa man o lahat ng ito ang totoo, marahil na pag galit ka na ay nasasabi mong “makpagbakasyon muna para makapahinga”, “kakausapin ko na yung HR bukas tungkol sa nangyayari sa kin”, “ Ire-raise ko na kay boss yung mga issues ko ng malinawan naman siya”, “ayusin ko na resume ko ng makapagapply na ko sa ibang kumpanya” at kung ano ano pang mga litanya ng mga tingin mong dapat mong gawin kapag nagagalit ka na at naaapektuhan na ng mga nangyayari.

O kaya naman sa buhay mo mismo. Hirap ka na sa buhay mo, ayaw mo na ng ganitong buhay. Gusto mo nang magkaroon ng pagbabago, at sa galit mo ay mapapamura ka pa at sasabihing “Pu***ng inang buhay ito! Ayoko na ng ganito! Bukas na bukas ay aayusin ko na ang buhay ko!” Tapos nakatulog, kinabukasan, balik sa dating gawi. Balik sa dating gawain. Wala pa ring pagbabago.

“Di ko na kaya! Eto na ang gagawin ko para di na maulit!”—ganyan kadalasan ang ating tono pag tayo ay nagagalit na. Madalas natin marinig ang katagang “wag mangako pag masaya, wag magdesisyon pag galit ka”. Sang ayon ako rito dahil dapat talaga nating pag ingatan ang bawat katagang bibitiwan natin. Pero sa kabila ng katotohanang ito, kaya rin naman tayo nakakapagbitiw ng salita ay dahil sa ating nararamdaman. Kung galit tayo, may dahilan yun at isa roon ay tayo ay nasaktan. At kung tayo ay paulit ulit na nagagalit, ibig sabihin ay paulit ulit tayong nasasaktan. Kung sa isang dahilan lang, hindi kaya marapat lang na pakinggan natin ang ating “galit na sarili”?

Kung hahayaan natin ang sarili natin na masaktan ng paulit ulit, maaari itong makaapekto sa ating pang-araw araw na gawain, relasyon sa ibang tao at sa ating kalusugan. Hindi mabuti ang galit sa puso. Oo nga, ito’y lumilipas subalit tulad ng isang sugat, maaaring parang humihilom sa labas subalit ang kalooban nito ay patuloy na nananariwa lalo’t hindi tuluyang nabibigyang lunas ang ugat.

Pakinggan ang galit na sarili. Bigyang pansin ang kanyang dinaramdam. Tandaan ang kanyang mga sinasabi, pag-isipan ito at gawan ng pagkilos. Kung alin mang problemang gusto niyang makawala,  isang tao lang naman ang gusto niyang matulungang umayos at gumaan ang buhay. At ang taong ito ay walang iba kundi ikaw.


Kung nagustuhan mo po ang artikulong ito, kung maari po ay i-share ito gamit ang iyong Facebook o Twitter account gamit ang mga button sa ibaba o ang floating icons sa bandang kanan para maenjoy din ito ng iba. At i-like din ang ating Facebook page sa pagpindot ng "like button" sa may upper right at gayun din sa pagfollow sa ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po.  

 

Wednesday, June 13, 2012

Baka kasi sabihin nila eh...

Ilang beses na kong nakagawa ng maling desisyon sa buhay. May ilan na inis na inis ako sa sarili ko dahil sa ginawa kong desisyon.  Kung puede ko lang sapakin ang sarili ko e ginawa ko na sana… well technically puede yun pero naisip ko na wag na lang gawin dahil mukhang mas pangit na desisyon yun at mas mahirap magpaliwanag na may black eye ako dahil sinapak ko ang sarili ko. 

Maraming bagay na dapat isaalang alang kapag gumagawa tayo ng desisyon. Iba’t ibang bagay ang puedeng maging dahilan ng ating pagpili. Subalit ang pinakamadalas nating naririnig at nagiging pagkakamali na rin sa ating mga pagdedesisyon ay ang ang sobrang pag-iisip ng sasabihin ng mga tao sa ating paligid.

Ilang trabaho na ba ang hindi nagawa, kursong hindi tinapos, lugar na hindi napuntahan, bagay na hindi nabuo, pag-ibig na hindi natuloy o pangarap na hindi natupad dahil sa pag-iisip sa sasabihan ng iba?

Kadalasan, mas mabigat pa nga kung ano ang sasabihin ng iba kesa sa pansariling kagustuhan. Matapos na timbangin ang lahat ng bagay ay ginagawang panghuling tagahusga ang opinyon ng ibang tao sa bagay na gagawin. Hindi naman masama na isaalang-alang ang iisipin ng ibang tao. Minsan ay kailangan din naman nating pulsuhan ang mga tao sa paligid dahil maaaring sila rin ang magiging kaagapay natin kung magtatagumpay ba tayo o hindi sa desisyong gagawin. 

Pero para bigyan ito ng bigat na higit pa sa maraming bagay na iyong pinagisipan at mas lalong higit sa pansarili mong kagustuhan, ito ay para sa akin ay isang uri ng kahibangan.


Kahibangan sa pag-aakala na lagi na lang tayong nasa isip ng ibang tao. Kahibangan na ipagpalit ang sariling kasiyahan sa sasabihin ng iba. Kahibangan na hindi gawin ang sa tingin nating tama dahil ayaw nating maging mali sa paningin ng iba.


Lagi sana nating tandaan na kung meron man tayong gawin o wala, may masasabi at masasabi pa rin ang ibang tao. Pero sa huli, anuman ang resulta ng desisyong ginawa natin o hindi, tayo lang rin mismo ang magtatamasa ng kung anumang ibubunga nito.



Kung nagustuhan mo po ang artikulong ito, kung maari po ay i-share ito gamit ang iyong Facebook o Twitter account gamit ang mga button sa ibaba o ang floating icons sa bandang kanan para maenjoy din ito ng iba. At i-like din ang ating Facebook page sa pagpindot ng "like button" sa may upper right at gayun din sa pagfollow sa ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po.  

 

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...