Monday, March 11, 2013

Kunwari Maayos ang Lahat. Kunwari Wala Tayong Alam.


Tulad ng kwentong multo, lahat tayong mga Pilipino ay may kwentong patungkol sa korapsyon. Ang korapsyon ay hindi lang ang ginagawa ng mga taong nasa puwesto kundi maging ng bawat isa sa atin na may gampanin subalit hindi ginagawa ng tama at tapat ang tungkulin. 


Wala siguro tayong kilala na walang ibibida sa atin ng mga bagay na tiwali na kanilang naranasan, nasaksihan o naobserbahan. Lalo na sa mga sistema sa gobyerno. Lahat tayo may kwento. Lahat tayo halos ay may alam.  Matindi ang lagayan sa ganito. Yung illegal na pasugalan ay protektado ni ganyan. Si kuwan ang may pakana ng matinding pandaraya dun sa ganito. Malaki ang kick-back si ganire dun sa mga pinatayo niyang buildings at kalsada dun sa ganoon. Anlaki ng patong sa presyo ng ganyan ni kwan.  Masama talaga ang ugali ni ganyan pag hindi nakaharap sa tao, grabe pa kung murahin mga tauhan niya at katulong. Etc, etc.


Kunwari walang mga PR machine. Kunwari walang mga anti-PR machine. Kunwari ay wala rin yung mga binabayaran para magpabango at magpabaho ng pangalan ng mga kandidato. Pero sa dinami dami ng mga bagay na naririnig natin at napagpapasa-pasahan, siguradong hindi lahat ng ito ay totoo. At hindi rin lahat ng ito ay hindi totoo. Tulad ng sabong panlaba, lahat nagsasabing sila ang pinakamagaling magtanggal ng mantsa.  Lahat na lang sila ay pinaka.



Pero bibili ka pa rin. Pipili ka pa rin ng sabong gagamitin mo. Kung napapaputi naman ang labada mo ng nabili mong sabon, napapabango at natatanggal pa ang mantsa, bibilhin mo uli yun panigurado at baka i-endorso mo pa sa kaibigan mo. Pero kung binili mo na nang isang beses at pagkatapos mong gamitin ang brand na ito ay natira pa rin ang mantsa pagkatapos mong kuskusin ng matindi at kung nandun pa rin ang masamang amoy kahit ibabad ng matagal, sigurado akong di mo na bibilhin uli ang sabon na yun at magpapalit ka na ng iba. Nakaka-dala ang maloko ng mga brand ng sabon.


Pero parang wala tayong kadala-dala pagdating sa gobyerno kaya patuloy na naihahalal ang mga tao na binoto na natin noon, o kaya naman ay ang kanilang mga kadikit na may pare parehong likaw ng bituka, pare parehong polisiyang sinuportahan, at pare parehong pangit na kinahantungan ng bayan na kanilang pinagsilibihan na ng matagal na panahon. Na-uto na nila tayo minsan pero binago lang ng konti ang script ng commercial nila, nagpapauto na tayo uli. Na kesyo may karanasan na sila kesa sa iba. Na kesyo pag nanalo ang kalaban nilang isa ay mas kawawa tayo kaya sila na lang piliin. At yun din ang sabi ng kalaban nila patungkol sa kanila. Samantalang yung mga mas ok na “brand” na mas mura, mas tapat at mas epektibo sana ay di na natin napapansin dahil sa masyado tayong nagpapaniwala sa propaganda ng iba.


Mas nahahatak tayo sa iba’t iba pang pamBOBOla na hinahayaan nating bumenta.  At dahil dito, nakakalimutan natin ang mga “alam” nating mga kwento at personal na karanasan ng mga korapsyon at kahirapang dulot ng mga iniluklok nating mga tao. Kaya sila uli ang iboboto. Sila uli ang iluluklok sa posisyon. At pagkatapos may madadagdag na naman sa kwento natin na mga karanasan patungkol sa korapsyon. May ipapasa na naman tayong blind item o direktang mga salita laban sa mga nakaupo sa puwesto.

Eh kung wag na lang tayo magkwento? Magkunwari na lang tayo pare parehong walang alam. Magkunwari na lang tayong maayos ang lahat. Magkunwari na lang tayong mga tanga, tutal mukha na rin naman talaga tayong tanga at di marunong madala.

11 comments:

  1. I love reading posts on politics... I love your points... Haaayyyyy... Sa pagkukunwari lang yata natin maayos ang lahat... tsk

    ReplyDelete
  2. I recommend this be read by many. This is the same sentiment I have. Kelan ba kasi matututong magisip ang karamihan ng mga tao. Tayo ang totoong boss at dapat magpalakad sa gobyerno, not the other way around.

    ReplyDelete
  3. sang ayon ako dito.... bakit nga ba daming nadadala sa bola... kaya tuloy di maaayos ayos ang korapsyon

    ganda ng post na ito....

    ReplyDelete
  4. Nice one ignored genius! Oh well, sa surveys na nababasa ko ngayon eh parang walang pagbabago sa darating na botohan. :(

    ReplyDelete
  5. Nice post. I agree. Ang mga Pinoy mayroong amnesia pagdating sa pulitika. Madaling makalimot.

    ReplyDelete
  6. Ever since naman talaga, hindi na tayo nagkaroon ng maayos na gobyerno. Kaya yang kahirapan at korapsyon ay matagal nang nage-exist. Ipinamana pa sa atin ng ating mga ninuno.

    Kahit anong salita natin dito, wala talagang magbabago. Patuloy pa rin ang karapsyon at katiwalian sa gobyerno. Yung iba hindi lang halata at garapal.

    Yung mga aspiring candidates ngayon, puro pagbabango sa pangalan ang ginagawa. Ewan ko lang kung kaya pa nilang panindigan ang mga pangako nila once nahalal na sila ng taumbayan.

    Kelan ba talaga natin makakamit ang malaking pagbabago sa ating gobyerno?

    ReplyDelete
  7. Ang masakit pa, yung ibang lantaran yung mga ginagawang kabalbalan, nangunguna pa rin sa survey. Basta mapasama sa balita kahit negative publicity, mas tumatatak sa mga tao. Hay nakakalungkot lang.

    ReplyDelete
  8. Nakakasawa na rin ang makipagtalakayan tungkol dito. Ayaw matuto ng mga tao. Tapos pagktapos ng eleksyon reklamo nang reklamo pero yung pagboto ay hindi pinag-isipan.

    ReplyDelete
  9. may mga pagkakataon namang pinipili nating yung *excuse the word* lesser evil.

    Ang hirap rin para satin para piliin ang tamang tao dahil parang wala rin namang tamang tao para sa posisyon o kung meron man sigurado akong hindi natin sila napapansin.

    tamang tama ang post na ito , malapit na ang halalan. :)

    ReplyDelete
  10. love this post! sana lang talaga marunong makarealize ang mga tao -_-

    Myxilog

    ReplyDelete
  11. Sana sa darating na eleksyon 2013 matuto tayong pumili ng tao na iboboto natin para sa posisyon, yung tao na hindi kurakot at magsisilbi sa bayan. Ang tanong, meron pabang pulitiko ngayon na karapat dapat sa pusisyon?

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...