Sunday, April 1, 2012

Mga Maling Yabang ng Pinoy

Likas na sa ating mga Pilipino ang maging mapagmalaki (o sige na nga, magyabang) ng mga bagay bagay na nauukol sa atin para bumida tayo sa iba. Minsan ay umaabot pa sa puntong exaggerated na ang pagkkwento para lang maging sikat tayo sa usapan kaya nga merong mga joke na “wala yan sa lolo ko” ay dahil na rin sa ganyang ugali natin.

Sa aking pagninilay nilay (o pagtanga-tanga lang pag walang magawa) aking napagtanto na tila isa ito sa dahilan kung bakit pababa ng pababa ang antas ng disiplina sa ating bansa at palala rin ng palala ang mga masasamang bagay na nagagawa ng nakababatang henerasyon ng ating bayan. Kung bakit, bigyan ko kayo ng halimbawa.

Isang madalas na pangyayari na isang nakatatanda na nagkukwento sa isang grupo ng kabataan, tipong ganito:

Nakatatanda: “Nung bata kami, naku, yung si Mang Pedring na masungit dun sa lugar namin? Nako e lagi kami hinahabol ng matandang yun. Madalas kasi e sinusungkit namin yung mga mangga niya sa likod bahay nila. Halos maubos nga yung mga bunga eh, tapos pag wala na kami mapitas eh babatuhin pa namin yung bubong ng bahay nila mang Pedring saka yung aso nila na nakatali. Nako e kandagalit yung matandang yun, habol siya sa min, may dalang pamalo. Walang magawa ang matanda, hehehe. “

Mga Bata: “wow, astig nyo po pala ah!”

Nakatatanda: “Oo naman, at di lang yun. Yung nakuha naming mangga e ibebenta namin sa palengke, yung pinagkakakitaan namin, ayun pinambibili namin ng lambanog, ang sarap! Lasing lasing kami ng barkada lagi nun, kahit pa may mga pasok pa kami sa skwela. “

Mga Bata: “ayos po pala ang trip nyo ah, e pano po pagpasok nyo sa school?”

Nakatatanda: “E di ayun, pagdating pa namin sa klase mga lasing pa, ayun suki kami sa guidance. Kilalang kilala nga kami dun eh, sawang sawa na nga sa pagmumukha namin yung guidance counselor, pero wala sila magawa. E pano, yung nanay ko eh kaibigan ng principal yun, e sila pa nga humihingi ng pasensya minsan sa min. hehehe. Ibang iba talaga kami nun, kaya yang mga ginagawa nyong kalokohan, wala pa yan. “

Mga Bata: “Wow, ang galing nyo naman!!! Idol na namin kayo!”



May kasabihan nga na ang ginagawa ng matanda kahit mali ay nagiging tama sa mata ng bata. Parang etong si manong na nasa halimbawa natin, sa kagustuhang bumida sa mga bata, sumobra sa pagkwento at pagexaggerate ng mga detalye at hindi rin niya isinaisip na yung pagkkwento niya sa mga bata, tila ba chinachallenge niya ang mga ito na gawin o lampasan pa yung nagawa niyang kalokohan. At dahil sa exaggerated nga niyang kwento, inaakala tuloy ng mga mas bata na ok lang gawin ang mga ganong bagay at puede naman pala nilang takasan yung responsibilidad sa mga maling bagay.

May listahan ako sa baba ng 7 sa mga maling yabang ng mga Pilipino na kadalasan e naipapasa pa natin sa mga bata at sa sobrang gusto nating maging bida. At dahil dito, yung mga bagay na dapat ay mali, hindi dapat gayahin at iwasan sana ng mga kabataan e tila nagiging normal na lang dahil sa maling pagyayabang natin. Eto na po ang ating list:
  1. Pagyayabang ng alak na nainom, naka ilang bote at anong kalokohan ang nagawa nung lasing sila. - Pasikatan pa talaga, meron na sasabihin na isang case naubos niya, o kaya yung sobrang tapang na alak tapos sabay sasabihing nakipagsuntukan siya sa pulis na humuli sa kanila o kaya e natulog sila sa gitna ng EDSA nung lasing na lasing na sila. Feeling nila siguro cool sila pag ganito.
  2. Petty crimes (pangungupit, paninira ng gamit, pananakit ng kapwa) – Yung mga nakupit sa nanay/tatay nila, sa tindahan ni aling Nena o kaya e sa na-nenok na gamit sa opisina. Kasali din yung mga sinirang signboard, binutas na gulong ng jeep ni mang Gustin, o kaya vandalism na nilagay sa may eskwela nila. Bidang bida nga naman sila dito, mas malala, mas panalo.
  3. Basag ulo - Dagdag pa yung pagyayabang na nakipagsuntukan sila kay ganito, tapos nagulpe nila na di man lang pumalag. Paborito din natin itong ipambida. Macho nga naman ang dating.
  4. Nakarelasyon, ginawa sa nakarelasyon – Para naman to sa mga kiss and tell. Meron sa mga babae pero mas madalas sa mga lalake. At dito mas matindi ang exaggeration. Lalo na sa mga inuman e tipong kala mo e siya na ang love/sex guru sa kwento niya. At para bang lumalabas e material na bagay na lang yung nakarelasyon niya at wala na yung dignidad ng pagkatao kung makakwento, at sa mga mas bata na nakakarinig, kala nila tuloy ay ganon ang tamang gawin.
  5. Pandaraya/Panggugulang – Pangongopya at pangongodigo nung estudyante pa, mga iba’t ibang techniques para makalusot sa mga thesis or term papers, o kaya naman e pandaraya sa trabaho para maka petiks lang. Mas grabe, mas daring, mas bida. At ikukwento pa yan sa mga mas bata na para bang nagbibigay ng “tips” sa mga dapat nilang gawin.
  6. Pagsuway sa batas – Madalas ito sa batas trapiko. Makakarinig ka ng mga nagmamalaki pa nung nakipagkarera sila nung minsan sa may c5, o kaya may tinakasan silang traffic violation at tinakbuhan yung MMDA. Basta yung mga bawal na ginawa nila, yun ang talagang proud na proud pa ang marami sa atin.
  7. Padrino at koneksyon – Talaga namang mapagmamalaki mo to pag may koneksyon ka. Malakas ka kay Mayor, Governor, Senator, Manager, Chief, General, etc. Tipong sasabihin pa na “sige pare, ako bahala sayo. Isang tawag lang natin kay bossing yan.” Ayaw na ayaw natin ng nalalamangan pero pag tayo ang nanlalamang, well, isang pagmamalaki pa yan sa karamihan.


Marami pang ibang mga “maling yabang” tayong nakikita at lahat ng yan, sa pag-aakala man natin na walang masamang epekto ay merong nagiging bunga pagtagal ng panahon lalo na sa mga sumusunod pa na henerasyon. Bilang mas nakatatanda at mas nakakaalam, inaakala nila na yung mga pinagmamalaki natin ay normal na lang at tama, at pagdating ng panahon na sila na yung nakatatanda, tinutularan na nila ito o kaya ay hinihigitan pa dahil nga naman nakakalusot naman pala sa mga ganon yung mga elders nila at syempre, para sa susunod sila naman ang bida. And the cycle continues. Ano, may mga maipagyayabang ka pa ba? Siguraduhin mo lang na ok yan, dahil kung hindi, malamang na wala yan sa lolo ko.

Kung naenjoy mo ang artikulong ito, kung maari po ay i-share ito gamit ang iyong Facebook o Twitter account gamit ang mga button sa ibaba o ang floating icons sa bandang kanan para maenjoy din ito ng iba. At i-like din ang ating Facebook page sa pagpindot ng "like button" sa may upper right at gayun din sa pagfollow sa ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po. 

11 comments:

  1. naku, guilty ako sa ilan sa mga to. hahaha!

    ReplyDelete
    Replies
    1. hahaha, lahat naman siguro tayo pre. lalo na sa ting likas na naguumapaw ang self confidence, wahahahaha!

      Delete
  2. Para sakin, isa pang "maling yabang" ang: kung sana ka nag-aral. Walang kwenta kung san ka nag-aral kung di mo naman nagagamit sa may kabuluhan ang pinag-aralan mo.

    Isang beses, may humingi ng credit card information ko, yung mga 'agent' na haharangin ka sa daan para tumulong ka sa world vision or world wildlife fund. Sinabi nya sakin, 'bakit naman kita lolokohin, graduate ako ng , and I'm one of the top ten outstanding young students.'

    Sinagot ko ng, 'aaaah, ok. the greatest fraudsters, are the smartest ones.'

    ReplyDelete
    Replies
    1. i agree din dito. di naman na kailangan yan sabihin pa lalo na kasi pagkagraduate at pagdating sa corporate world ay tabla tabla na. nakakagulat naman yung sa world vision kasi di pa naman ako naka-meet ng ganon sa kanila. kadalasan naman ng nakausap ko mga humble na tao dun. well, di rin natin talaga magegeneralize lahat. salamat po sa pagvisit dito. :)

      Delete
  3. Eto ang isa pang maling yabang: Nagyayabang na halos walang ginagawa sa trabaho at sumasahod ng malaki.

    ReplyDelete
    Replies
    1. na parang ineencourage pa ang pagiging tamad at mandaraya sa trabaho. tama, salamat sa pagdagdag sa list. :)

      Delete
  4. padagdag ng tamang yabang.. may mga tao na nasa pusisyon nga puro pag papalapad lang naman ng papel ang ginagawa anu ba silbi ng mga yan, dilang po sa pulitika, pati na mga katrabaho nyo..
    bangon bayan..........

    ReplyDelete
  5. padagdag ng tamang yabang.. may mga tao na nasa pusisyon nga puro pag papalapad lang naman ng papel ang ginagawa anu ba silbi ng mga yan, dilang po sa pulitika, pati na mga katrabaho nyo..
    bangon bayan..........

    Rob-in;)

    ReplyDelete
  6. Pwede bang ipublish ang iyong article sa homepage ng pinoygenius.com? Napakaganda kasi ng content. Pwede mo pa siyang i-edit at dagdagan kung gusto mo...

    ReplyDelete
    Replies
    1. hi sir/mam. sure po. edit ko muna para mas maayos ng konti. Salamat.

      Delete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...