Sunday, April 27, 2014

Halina at Magsugal

Marunong na ko ng sugal na “Mahjong” sa edad na siyam.  Kakapanood ko ng paglalaro nito ng mga may edad na sa amin, natutunan ko na agad. Pung, baril, chow, flores, todas, char, balls, stick, etc.  Nasa bokabularyo ko na ang mga yan sa murang edad. At may set pa nga kami nito sa bahay at ang laro namin ng kapatid kong lalake noon pag hindi ito ginagamit ay nagpapagalingan kaming maghula sa pagsalat ng mga mahjong pieces. Bukod dun, natuto din ako ng mga laro sa baraha tulad ng lucky 9, tong its, pusoy, pusoy dos at iba pa. Natuto rin ako nung lumaki na ako ng pagtaya sa karera. Forecast, extra double, daily double, pentafecta, trifecta, pick 6, WTA.  Nag eenjoy din ako sa panonood ng nagsasalpukang manok pag may nagsasabong sa may amin. Naging libangan din namin minsan ang pagbi-bingo sa bahay. Bente singko lang ang dalawang card. Matatapos ang paglalaro ng ilang oras, masuwerte ka na kung manalo ka ng limang piso at malas na ang matalo ka ng dalawang piso.



Sa kabila nito, lumaki naman kaming magkapatid na hindi nalulong sa sugal. Kahit may mga kaibigan ako noon na naglalaro ng mga cara cruz o kaya ay yung “digit” na ginagawa sa paghula sa serial number ng mga perang papel at parang lucky 9 ang laro, hindi ako nahumaling na sumali sa mga ganon. Unang una,takot akong malulong sa sugal. Pangalawa, wala rin kasi talaga akong pantaya.  Pero aminado ko na nasubukan ko rin ang ilan dito tulad ng pagtotong its kasama ang ilang mga kaibigan o kaya ay pagtaya sa color game sa mga peryaan. Paminsan minsan, ang pagtaya sa lotto ay ginagawa ko rin. Ang keyword dito ay ang “paminsan minsan”. Mabibilang sa daliri kasi ang bilang na naglaro at nagsugal ako sa loob ng isang taon. Pero ang totoo, halos araw araw akong nagsusugal. Ganon ka rin.

Ang sugal ay pagtaya ng bagay na mahalaga sa yo at umaasa kang magiging kapalit nito ay may mas malaking halaga. Hindi ito laging pera o materyal na bagay. Ang mga taong lulong sa sugal ay hindi pera ang tunay na itinataya kundi ang kanilang oras at pagkakataon na gumawa ng mga paraan na mas siguradong ikaaayos ng kanilang pagkatao. Sa kabilang banda, hindi lahat tayo ay kayang tumaya ng ganitong kalaki sa buhay dahil mas inaalala natin ang magiging epekto nito hindi lang sa sarili kundi mas lalo sa mga taong sa atin ay umaasa. Dun tayo sa tingin natin ay mas siguradong paraan para umayos ang ating buhay. Sa sugal ay maaari tayong suertehin at manalo ng malaki at hindi kailangan ng may tinapos ka o may kaalaman ka sa ilang bagay. Basta alam mo kung paano ang tumaya at nanalo ka, puede na.  Pero maliit ang tsansa.


Nakita mo na ito dati





Karamihan sa atin ay “sigurista”. Mag-aaral hanggang makatapos. Maghahanap ng trabaho. Magnenegosyo. Mangi-ngibang bansa. Magpapamilya. At marami pang iba na desisyon sa buhay na sa tingin mo ay “safe”. Itinataya mo ang oras at kaalaman para sa mga bagay na ito na siyang mapaggagamitan ng pinakamahabang oras ng buhay mo. Lahat para sa pag-aasam ng “siguradong panalo”.

Pero tulad sa kahit ano pang sugal, walang laging panalo. May mga taya ka sa buhay na hindi magbubunga. May ilan na malulugi ka. May ilan na paaasahin ka hanggang dulo para lang sa wala. At meron naman na kahit maliit lang ang taya mo e makukuha mo ang jackpot.



Kung tatanungin mo ang mga naaadik sa sugal kung ano ang nagbibigay sa kanila ng “high”, ito ay yung kaisipang puede silang manalo ng malaki sa maliit na tsansang pinanghahawakan nila.  Kaya kahit talo, dirediretso lang sa pagtaya at umaasang makukuha rin nila sa dulo ang panalong pinakaaasam. Adik.

Pero sana, tayo din ay ganon pagdating sa ginagawa nating pagsugal sa buhay. Alam natin na ang tsansa sa mga gusto nating makamit ay hindi laging sigurado. May kailangan tayong ilaan o isakripisyo para makuha ang mga bagay na yon. Sana ay mabahagian tayo kahit kaunti ng mga lulong sa sugal kahit konti sa pakikipagsapalaran at patuloy na pagtaya sa buhay. Hanggang makamit rin natin ang mga bagay na gusto nating marating, tataya pa rin tayo kahit na nakakaranas tayo ng pagkatalo.



2 comments:

  1. wahhh mayroon kaming carpet ng mga aso sa itaas, mas matanda pa sa akin yun. nasaan na kaya? hehehe

    alam mo ang realization ko dyan Sir ay ganito. Marami akong kakilala na magagaling, as in kung sana gaya ako nila na matalino, maganda, magaling sa ganito ganyan. Pero bakit ayaw nilang mag-explore, mag-take risk or sumugal sa buhay na kabado pero may promise na mas aasenso sila sa buhay. Yung iba naman ang daling magreklamo kapag konting kibot palpak or dun naman sa talagang nadapa, parang ayaw ng bumangon.

    para sa akin talaga one of the greatest assets na mayroon ang isang taong matagumpay ay courage.

    ReplyDelete
  2. Pwede nating isipin na ang buhay ay isang sugal. Nagtataya ka ng oras, lakas, talino at maraming bagay sa pag-asa na may aanihin ka rin na mabuti. Pero hindi lahat marunong tumaya. Marami ang tumataya sa maling pasugalan. Kaya hayun, nasisira ang buhay.

    Merong sugalan na sure win. Alam natin kung ano iyon. Ang namamhala ng "sugalan" na iyon ay ang Mesias na ating Panginoon.

    ReplyDelete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Follow my Blog