"Ibalik ang death penalty!"
Panigurado na kada bukas mo ng comments tungkol sa mga balita ng mga nangyayaring krimen sa bansa, yan ang laman at may pinakamaraming likes. Nakakapanggigil naman talaga ang mga nababalitaan sa araw araw. Wala nang sinasanto ang mga kriminal ngayon, saan mang lugar, ano mang oras, edad,
kasarian, lahat ay wala nang nakakaligtas. Hindi na nga tayo mapalagay. Oras oras na lang tayong nagdadasal at kinakabahan tuwing di natin
kasama ang mga mahal natin sa buhay. Umaasa na sana ay di sila ang susunod na
maging biktima. O kaya e tayo mismo rin ay makaiwas sa mga walang pusong
kriminal na yan. Talagang mapapasabi ka ng "ibalik ang bitay"!
Siguro nga, talagang gugustuhin mong
mamatay ang isang taong halang ang kaluluwa para ipaghiganti ang mahal sa buhay
na biniktima nila. At siguradong hindi lang simpleng pagbitay kundi yung
pinakamahirap na kamatayan ang pipiliin mong igawad sa kanila.
At hindi biro ang usaping ito |
Ang death penalty, tulad ng iba pang parusa ay isang bagay na
magagawa lang pag tapos na ang krimen. Ang argumento kadalasan ng mga pumapabor dito ay para matakot ang mga kriminal na gumawa ng masama. Baka nga naman kabahan sila, magbago ang isip at mabawasan ang krimen.
Pero kadalasan ng gumagawa ng mga krimen na may hatol na bitay marahil ay hindi naman naiisip ang parusang ito pag gumagawa sila ng masama. Kahit pa nga walang death penalty, kung tutuusin ay puede rin naman nilang ikamatay ang krimen na gagawin nila.. Ang isang nanghoholdap, nangre-rape, nagnanakaw, o papatay ng ibang tao ay puede ring mapatay sa akto na mahuli sila sa kanilang ginagawa. Alam nila yun. Pero wala nilang takot na ginagawa ito dahil sa mas matindi ang kagustuhan nilang isakatuparan ang krimen.
Ang parusa ay umeepekto lang bilang
panakot sa isang taong may matinong pag-iisip. Ang isang rapist ay wala sa
katinuan ng pag-iisip. Ang isang taong walang takot pumatay sa kahit anong
dahilan ay wala rin sa matinong pag-iisip. Ang pagsasabing ang bitay ay
nakakapagdulot ng takot sa kriminal ay para lang sa may rasonableng pananaw.
Kung tutuusin, ang pagkakakulong habambuhay ay nakakatakot nang pangitain sa
isang taong normal. Pero para sa kriminal na may tama sa utak,
wala na sa kanila ito. Mas nangingibabaw ang kagustuhang mairaos ang kanilang
mga makamundong hangarin.
Idagdag pa natin ang kabagalan ng hustisya
sa ating bansa. Ilang kaso ang gumagapang sa bawat araw dahil na rin sa
napakarami at lumang sistema na meron tayo sa kabuuan. Ilan kaya ang nakakulong
ngayon na walang kasalanan at hindi pa rin makalaya dahil sa hindi lang matuloy
tuloy ang kaso? At alam din nating marami ang nakakulong at nahahatulang guilty sa kabila ng pagiging inosente.
At papaano pa kung may bitay? Hindi malabong magkaroon ng hatol na bitay para sa mga walang kasalanan. Paano pa mabibigyan ng pagkakataon ang isang walang kasalanan kung hahatulan na agad ng kamatayan?
At papaano pa kung may bitay? Hindi malabong magkaroon ng hatol na bitay para sa mga walang kasalanan. Paano pa mabibigyan ng pagkakataon ang isang walang kasalanan kung hahatulan na agad ng kamatayan?
Isa pa dyan ang pagkakaroon ng
malaking hadlang sa pagkakapantay pantay ng tao sa hustisya ng bansa. Ang mga
simpleng kaso lang ay kailangan nang gumastos ng malaki. Meron mang mga
pro-bono na abogado, kakailanganin pa ring magbigay ng oras ang isang nasasakdal
o nagdedemanda. Paano na ang mga dukha na hindi kakayaning hindi magtrabaho
para lang maghabol sa hustisya? Hindi pa natin pinag-uusapan ang sinasabi
nilang ang hustisya ay para lamang sa mayaman. Paano kung ikaw na simpleng
mamamayan lang ang napagbintangan at mahatulan ng bitay laban sa maimpluwensyang tao? Maging sa pagdampot ng kriminal, ang mayamang lider ng sindikato ay protektado at hindi makakanti, pero yung simpleng nangshoplift ng gatas para sa gutom na anak ay kadalasang nabubugbog pa bago ikulong.
Bukod sa panawagang ibalik ang bitay, kaakibat na rin ng mga
salitang ito ang patutsada sa Simbahang Katoliko. Kontra daw kasi ang Simbahan
kaya di ito mapatupad. Puro bawal bawal daw pero wala naman daw maitulong sa
nangyayaring krimen. At marahil, iisipin ng iba na kaya di ako sang ayon sa
bitay ay dahil sa bawal ito ng Simbahan. Mali po. Hindi po
tahasang sinasabi ng Simbahan na ang bitay ay kontra sa aral. Bilang pangunahing tagapagtanggol ng buhay, ang mga matatawag nating bayolenteng
pamamaraan ay natural lamang po na hindi ayunan ng Simbahan. At ang position sa pagpapahalaga sa buhay ay consistent din ang katuruan. Kaya nga kahit anong yurak ng iba sa kabuuan nito
bilang isang boses laban sa contraception, abortion, euthanasia, divorce, etc,
hindi binabago ng Simbahan ang posisyon laban sa mga ito.
Pero kung patungkol naman sa bitay, katulad ng giyera, kung
babalikan natin ang kasaysayan ay ilang beses na ring pinayagan ng Simbahan
ang ganitong mga pamamaraan. Importante ang buhay pero kung ang pagkitil ng isang
buhay ay magliligtas sa mas marami pang buhay ay maaari itong payagan. Subalit
matatawag itong “last resort” na ika nga. Kung wala na talagang magagawang
ibang solusyon, pinapayagan ito ng Simbahan ayon na rin sa ating katesismo.
Kasama dito ang gyera at ang pagbitay.
Ang krimen ang siyang problema. Kung magiging mas maayos lang sana
ang mga batas, ang mga nagpapatupad, ang mga nangangalaga, ang mga namumuno at
tayong mga tao bilang kabahagi ng lipunan, mababawasan ang mga ito. Bakit naman
sa ilang bansa na walang bitay ay may mas mababang crime rates pa nga? Ano ang meron sa
kanilang bansa na di natin magawa? At bakit may ilang bansa naman na kahit may
bitay pa ay malala pa rin ang lagay ng krimen kumpara sa ating bansa? Kung
titingnan na lang natin mismo sa Estados Unidos na kung saan ang kanilang mga estadong may capital punishment ang siya pang mas mataas ang bilang ng kaso ng pagpatay kesa sa mga wala nito. At habang tumatagal ay mas palaki pa ng palaki ang agwat
ng mga ito na maaari na rin nating sabihing patunay na hindi pinababa ng death
penalty ang mga kaso ng murder sa kanilang bansa bagkus ay wala lang talagang epekto sa bilang ng gumagawa nito o mas pinapalala pa nga. Isa siguro rito yung mindset na dinudulot ng death penalty patungkol sa ideya ng pagpatay.
With vs Without Death Penalty (Murder Rates) -source http://www.deathpenaltyinfo.org/deterrence-states-without-death-penalty-have-had-consistently-lower-murder-rates |
To summarize my position, pabor ako sa bitay kung mangyayari ang mga bagay na ito:
-
Magiging
maayos ang pagpapatupad ng batas ng gobyerno at kapulisan.
-
Mas
magiging maayos at progresibo ang sistema ng hudikatura.
-
Magiging
mas mapagmatyag at matulungin ang bawat isang myembro ng lipunan sa kanilang
kapwa.
-
Mas
magiging pantay na ang batas sa pagtrato ng bawat kaso ng bansa, mayaman man o
mahirap.
Pero isa lang ang problema dito. Kapag natupad kasi ang mga hiling kong yan para ipatupad ang bitay sa bansa, malamang, di na natin kakailanganin
pang manawagan ng bitay dahil marahil ang mga bagay na yan ang mas higit nating kailangan para mabawasan at masugpo ang maraming krimen sa ating kapaligiran.