Marunong na ko ng sugal na “Mahjong” sa edad na siyam. Kakapanood ko ng paglalaro nito ng mga may
edad na sa amin, natutunan ko na agad. Pung, baril, chow, flores, todas, char,
balls, stick, etc. Nasa bokabularyo ko
na ang mga yan sa murang edad. At may set pa nga kami nito sa bahay at ang laro
namin ng kapatid kong lalake noon pag hindi ito ginagamit ay nagpapagalingan
kaming maghula sa pagsalat ng mga mahjong pieces. Bukod dun, natuto din ako ng
mga laro sa baraha tulad ng lucky 9, tong its, pusoy, pusoy dos at iba pa.
Natuto rin ako nung lumaki na ako ng pagtaya sa karera. Forecast, extra double,
daily double, pentafecta, trifecta, pick 6, WTA. Nag eenjoy din ako sa panonood ng
nagsasalpukang manok pag may nagsasabong sa may amin. Naging libangan din namin
minsan ang pagbi-bingo sa bahay. Bente singko lang ang dalawang card. Matatapos
ang paglalaro ng ilang oras, masuwerte ka na kung manalo ka ng limang piso at
malas na ang matalo ka ng dalawang piso.
Sa kabila nito, lumaki naman kaming magkapatid na hindi
nalulong sa sugal. Kahit may mga kaibigan ako noon na naglalaro ng mga cara
cruz o kaya ay yung “digit” na ginagawa sa paghula sa serial number ng mga
perang papel at parang lucky 9 ang laro, hindi ako nahumaling na sumali sa mga
ganon. Unang una,takot akong malulong sa sugal. Pangalawa, wala rin kasi talaga
akong pantaya. Pero aminado ko na
nasubukan ko rin ang ilan dito tulad ng pagtotong its kasama ang ilang mga
kaibigan o kaya ay pagtaya sa color game sa mga peryaan. Paminsan minsan, ang
pagtaya sa lotto ay ginagawa ko rin. Ang keyword dito ay ang “paminsan minsan”.
Mabibilang sa daliri kasi ang bilang na naglaro at nagsugal ako sa loob ng
isang taon. Pero ang totoo, halos araw araw akong nagsusugal. Ganon ka rin.
Ang sugal ay pagtaya ng bagay na mahalaga sa yo at umaasa kang
magiging kapalit nito ay may mas malaking halaga. Hindi ito laging pera o materyal
na bagay. Ang mga taong lulong sa sugal ay hindi pera ang tunay na itinataya
kundi ang kanilang oras at pagkakataon na gumawa ng mga paraan na mas
siguradong ikaaayos ng kanilang pagkatao. Sa kabilang banda, hindi lahat tayo
ay kayang tumaya ng ganitong kalaki sa buhay dahil mas inaalala natin ang
magiging epekto nito hindi lang sa sarili kundi mas lalo sa mga taong sa atin
ay umaasa. Dun tayo sa tingin natin ay mas siguradong paraan para umayos ang
ating buhay. Sa sugal ay maaari tayong suertehin at manalo ng malaki at hindi
kailangan ng may tinapos ka o may kaalaman ka sa ilang bagay. Basta alam mo
kung paano ang tumaya at nanalo ka, puede na. Pero maliit ang tsansa.
Nakita mo na ito dati |
Karamihan sa atin ay “sigurista”. Mag-aaral hanggang
makatapos. Maghahanap ng trabaho. Magnenegosyo. Mangi-ngibang bansa.
Magpapamilya. At marami pang iba na desisyon sa buhay na sa tingin mo ay “safe”.
Itinataya mo ang oras at kaalaman para sa mga bagay na ito na siyang
mapaggagamitan ng pinakamahabang oras ng buhay mo. Lahat para sa pag-aasam ng “siguradong
panalo”.
Pero tulad sa kahit ano pang sugal, walang laging panalo.
May mga taya ka sa buhay na hindi magbubunga. May ilan na malulugi ka. May ilan
na paaasahin ka hanggang dulo para lang sa wala. At meron naman na kahit maliit
lang ang taya mo e makukuha mo ang jackpot.
Kung tatanungin mo ang mga naaadik sa sugal kung ano ang
nagbibigay sa kanila ng “high”, ito ay yung kaisipang puede silang manalo ng
malaki sa maliit na tsansang pinanghahawakan nila. Kaya kahit talo, dirediretso lang sa pagtaya
at umaasang makukuha rin nila sa dulo ang panalong pinakaaasam. Adik.
Pero sana, tayo din ay ganon pagdating sa ginagawa nating
pagsugal sa buhay. Alam natin na ang tsansa sa mga gusto nating makamit ay
hindi laging sigurado. May kailangan tayong ilaan o isakripisyo para makuha ang
mga bagay na yon. Sana ay mabahagian tayo kahit kaunti ng mga lulong sa sugal
kahit konti sa pakikipagsapalaran at patuloy na pagtaya sa buhay. Hanggang
makamit rin natin ang mga bagay na gusto nating marating, tataya pa rin tayo
kahit na nakakaranas tayo ng pagkatalo.