Naalala ko nung nasa college pa ko, nag-walk out ako
minsan sa isang misa. Sa mga nakakakilala sa kin ngayon, malamang ay di sila makapaniwala
sa ginawa kong yun. Pero totoong nangyari yun. Ito ay sa dahil sa pagkainis ko
sa pari na nangaral laban sa two-child policy at sa panukalang tulad ng RH bill
na sinusulong sa kongreso noon. Nainis ako. Sa palagay ko kasi noon e
dapat nang ipasa ang ganitong uri ng batas. Marami na ang naghihirap. Marami na
ang nagugutom. At hindi rin dapat mangaral sa pulpito si father dahil di
niya alam ang sinasabi niya… yan ang sabi ko noon sa sarili ko.
At sa ilang beses kong pagbabasa at pakikipagdiskusyon
tungkol sa RH BILL na ngayon ay RESPONSIBLE PARENTHOOD BILL, narinig ko na
marahil ang lahat ng argumento ng magkabilang panig. Ilang beses ko na ring
nabasa ang bill, yung orig, yung binago, yung binagong-binago (ilang revisions
na rin kasi) at ang suma total ay halos pareho pa rin ang nilalaman.
|
Which side are you on?
|
Sa puntong ito, nasa kamay na ng mga taong niluklok
natin sa puesto ang desisyon kung maisasabatas ba ang RH bill o hindi. Sa Aug 7
ay magkakaroon na ng botohan sa mababang kapulungan. Pero sa kabila nito, hindi
pa rin sumusuko o humihinto ang magkabilang panig para ilahad ang posisyon sa
usapang ito. Kaya nakisali na rin ako. At nais kong ipahatid sa lahat ng
mambabasa kung ano at bakit ako nandito sa side na ito.
Sa post na ito ay iniisa-isa ko na ang
pinakakadalasang argumento na maririnig natin galing sa mga supporters ng RH
bill. Ito yung mga naka-italics. Sa baba ay ang aking komento/opinyon
patungkol sa bawat isa rito. Maaaring madagdagan pa ang mga ito sa mga susunod
na araw pag naalala ko pa ang ilan. Maaaring magbigay rin kayo ng komento at
opinion sa aking mga naisulat, kontra man kayo o kampi. Pero sana ay basahin
nyo muna rin ang lahat ng isinulat ko sa baba. I-share nyo rin sa iba kung
nagustuhan at nakatulong sa inyo ang mga bagay na nakasulat sa ibaba.
1. This
bill is necessary for the protection of our women as it promotes reproductive
health benefits, sex education, women and children’s rights and protection,
promotion of family planning, etc.
-- Tama naman
po. Ang bill na ito ay naglalaman ng mga provisions na patungkol sa proteksyon
ng kababaihan, benepisyo para sa pangangalaga ng kanilang “reproductive health”
maging ng iba pa nilang mga karapatan bilang babae pati na rin ng kabataan.
Kung babasahin niyo ang bill na ito ay talaga namang napakaganda para sa ating
mga kababaihan ng karamihan sa mga provisions nito. At sa aking pagbabasa at
pagreresearch patungkol sa bill na ito, nalaman ko rin na ang karamihan pala sa
provisions ng bill na ito na ay nilalaman na rin ng ilang batas na meron na ang
pamahalaang ito.
Ang patungkol
sa karapatan at kalusugan ng kababaihan kasama ang kanilang reproductive health
ay nasa loob na ng RA 9710 o ang Magna Carta of Women na naipasa na
ilang taon na ang nakakaraan. Ang RA 9262 naman o ang Anti-Violence on Women and
their Child Law ay pasok din sa karapatan ng kababaihan at kabataan laban sa
pang-aabuso. Ang RA 6615 naman ay batas na nag-uutos na mag-extend
ng medical assistance sa mga emergency cases sa kahit sinong tao ang mga
pribado at publikong ospital (kung nabasa nyo yung bill, alam nyo na kung alin
dito yung redundant part din. Tama, yung mga babaeng nag-undergo sa abortion na
nagkaroon ng komplikasyon, pasok na sila sa bill na ito. And yes, may term na
“abortion” sa RH bill). Meron na rin tayong PD 965 na nag-uutos sa mga ikakasal na dapat
mag-undergo sila ng Family Planning seminar. May RA 8504 na tinatawag na Philippine AIDS
Prevention Act din (the title explains itself). Para sa mga murang gamot naman
ay may RA 9502. Meron ding Executive Order 452 na para sa mabuti at libreng
serbisyo para sa mga indigent families.
At ilan lang po
yan sa mga batas na meron na po tayo (at marahil ay dapat ipatupad pa ng
maayos) na naglalaman na ng halos lahat ng probisyon (maliban sa isa) na nasa
RH Bill. Hindi na po marahil kailangan pa ng RH bill at DAGDAG NA PONDO para sa
bagong batas para ipatupad ang mga yan.
At kung
nagtatanong po kayo kung ano yung isang provision na hindi nilalaman ng ibang
batas pero matatagpuan sa RH bill, ayun po ay ang PROVISION na ang gobyerno ay
MAGPOPONDO para sa contraceptives na siyang ipapamigay sa mga tao. Ang
sinasabing pondo na gagamitin sa RH Bill ay naglalaro sa pagitan ng 3-14
Billion Pesos at marahil ay ilang bahagi nito ang mapupunta sa pagbili ng mga
contraceptives. Ang tax na pinaghihirapan ng mamamayan na nagkukulang na para
sagutin ang ilang mas matindi nating pangangailangan ay babawasan pa para
ipambili ng condom, pills, IUD at kung ano ano pa.
Patungkol naman
sa “maternal deaths” na dapat ay talagang maiwasan na sa panahong ito, ang
statistika na ibinibinigay ng mga supporters ng RH Bill na “11 deaths per day”
ay outdated na po at noong 90s pa nagmula ang datos na ito. Sa paglipas ng
panahon at pagusbong ng kaalaman at teknolohiya, malaki na po ang ibinaba ng
maternal death rate sa bansa ayon na rin sa datos
ng National Statistical Coordination Board (NSCB).
Maging sa World Health Organization (WHO) report nito lang
2010 ay nagsasabing malaki na ang binaba ng maternal death rates ng bansa
at higit na mas malaki pa ang binaba kumpara sa ilang bansang progresibo gaya
ng Russia, Hungary, Malaysia, Germany at Israel.
At kung
nanaisin lang natin na talagang bumaba, bakit hindi natin tanungin ang isang midwife sa Sagada, Mountain Province na isa
sa pinakaliblib na lugar sa Pilipinas. Hindi ganoon kaprogresibo ang kanilang
lugar maging ang kanyang pamamaraan pero nagawa niyang maging kasangkapan
para sa “Zero Maternal Deaths” at “Low Infant Mortality Rate” sa area na
pinagtrabahuhan niya? Dahil dito ginawaran pa siya ng award ng United Nations.
Pondo? Teknolohiya? Wala sila nun. Pero ang meron sila ay disiplina at
dedikasyon para magawan nang paraan ang suliraning ito.
2. We are
overpopulated and continuously growing exponentially. And in a few years, our
country will not be able to carry the whole population and our people will
starve due to complete lack of resources.
-- Nakakatakot
po talaga kung titingnan natin ang datos ng pag-akyat ng bilang ng populasyon
ng Pilipinas. Nasa 100 Million na tayo mahigit ngayon. Parang nung
highschool more than 10yrs ago ay nasa 55 Million lang at ngayon ay doble na.
Sabi ng iba ay baka sa 2020 daw ay di na tayo halos magkasya sa bansa.
Pero bakit
parang sa Maynila at ilang mga urban na lugar lamang natin nakikita ang
siksikang tao? Bakit sa mga karatig lugar at probinsya na lang ay tila
maluluwag at malalaki pa ang lupa? At bakit marami pa ring mga bayan sa ating
bansa na kokonti lang naman ang populasyon at may naglalakihang mga lupain ay
naghihirap pa rin? Hindi kaya korapsyon ang dapat na bawasan?
|
Parang sa MRT lang |
Isa pa, totoo bang walang hanggan na ang paglobo ng populasyon natin? Subukan
nating tingnan ang Total Fertility Rate. Ayon sa datos ng NSO, ang Total Fertility Rate ng bansa
ay bumaba na ng todo kumpara noong 1960s sa value na 7 at ang value ay bumaba ng
lampas kalahati na sa value na 3.1 noong 2008. At sa rate ng pagbaba ng TFR ng
bansa ngayon, kahit wala pang RH bill ay tinatayang aabot ito sa value na 2.2
to 2.4 sa taong 2025. Dahil na rin ito sa pagbabago ng pamumuhay at kaalaman ng
tao sa bansa. Ayon na rin sa pag-aaral, ang value po ng TFR na kailangang
ma-maintain o mataasan ng isang bansa para ang kasalukuyang populasyon ay
mapalitan ang kanilang bilang sa susunod na henerasyon ay 2.3.
Pero sabi naman
ng iba, kahit pababa ang TFR natin ay bakit pataas pa rin ng pataas ang bilang
ng populasyon? Ang sagot po ay ang initial momentum na dulot ng mataas na TFR
noong 60s and 70s.Kumbaga, nakapondo na tayo. Kahit pa bumaba ang fertility
rate ngayon, hindi ito basta basta magdedecline agad. Gradual ito. Ang
tingnan natin ay ang rate ng growth hanggang umabot sa saturation point
by the year 2040s.
Kung di pa rin
maintindihan, ihalintulad natin ito sa isang kotse. Sa kanyang initial
acceleration, binigyan siya ng malakas na power para tumakbo ng matulin at
makatakbo ng malayong distansya. Habang umaandar palayo, binababa paunti
unti ng driver ang puwersa para bumaba ang speed. Pero habang pinapababa niya
ang speed, tatakbo pa rin palayo ang kotse dahil na rin sa initial force.
At habang binibitawan ng driver ang gas, didiretso pa rin ang takbo ng kotse
papalayo dahil sa nga sa initial force. At hanggang umabot ito sa distansya na
kayang itulak ng pang-unang puwersa ang kotse, dun lang ito hihinto sa
pag-andar. Ngayon, palitan natin yung force ng TFR, at yung distance naman yung
population growth. Yan po ang dahilan kaya kahit pababa ang TFR ay tumataas pa
rin ang populasyon.
Maraming bansa
na rin ngayon na may TFR na mas mababa sa 2.3 at ang kanilang bansa
ngayon ay nammroblema dahil sa population decline at aging (tulad ng Japan,
Russia, Germany, Slovenia, atbp). Ito yung tinatawag na demographic winter na
kung saan, tumanda ang kanilang populasyon nang hindi dumadami at naubusan na
sila ng mga “manpower” para patakbuhin at palaguin pa ang kanilang ekonomiya.
Dahil dito, ang kanilang gobyerno ay gumawa ng mga batas para “i-encourage” ang
kanilang mamamayan na mag-anak. Binibigyan nila ng benepisyong dagdag
para magparami ang mga tao. Ang mga bansang ito ay progresibo na. Paano kung sa
atin mangyari ito at mapabilis ng RH Bill na ibaba ang ating TFR na bumababa
naman naturally? Pinagmamalaki ng gobyernong ito ang pagangat ng ekonomiya at ito ay napapansin na nga ng ibang
bansa. Hindi ba kaya umaangat ang ekonomiya natin
dahil angating mamamayan ang sumasalo ng trabaho sa mga bansang ito
na nagkukulang ng manpower sa pamamagitan ng OFWs at BPO sa bansa? Ito ang
ating bentahe sa kanila ngayon. At aalisin ba natin?
3. The
people have the right to informed choice. People must choose for themselves.
--
Naniniwala ako na dapat talaga,alam ng bawat isa sa atin ang pagpipilian at may
karapatan tayo na pumili ng nararapat para sa ating mga sarili. Kaya nga may
mga batas nang naipatupad tulad ng nabanggit sa number 1. Marami na ring mga
palabas sa tv na ito ang tinuturo. Ilang NGOs na rin na ito ang
adbokasya.
Kung titingnan
din natin ang mga diskusyon patungkol sa batas na ito, libo libo o milyon
milyon pa siguro na mga Pilipino ang nagdidiskusyon patungkol sa RH Bill. Dito
ay makikita natin na marami na talaga ang “INFORMED” kahit wala pang RH bill.
At yung choice, matagal nang meron din ang bawat isa dahil wala naming batas na
pumipigil sa tao na gumamit ng contraceptives. Pero sa oras na maipasa ang
batas, ke ayaw ng isang tao na gumamit ng contraceptive o hindi, labag man sa
kagustuhan o paniniwala niya, gagamitin ang kanyang buwis para ipampondo sa
contraceptives at mabibigyan siya ng mga ito sa ayaw niya o sa gusto. Sa
huli, mas mawawalan pa nga tayo ng choice sa oras na maisabatas ang RH Bill.
4. Contraceptives
must be accessible for the people and they must have the rights to use it.
-
Tulad ng
nabanggit sa number 1, may mga batas nang patungkol sa Family Planning. Kaya
nga may mga health centers nang nagpprovide ng family planning seminars and
consultations at nagbibigay din ng mga free contraceptives ang ilan dito. At
kung accessibility lang din ang paguusapan, pumunta lang sa pinakamalapit na
convenience store at makakabili na ng ilan sa mga ito.
At sa may mga
gustong gumamit nito, wala naman talagang batas na nagpipigil ng paggamit nito.
Gamitin nila kung gusto nila lalo’t kung hindi ito labag sa kanilang
paniniwala. Pero sana naman eh bumili sila ng sarili nila. At kung wala
silang pambili, magpigil pigil naman sana sila. Huwag naman sanang asahan na
sasagutin pa ito ng gobyerno para sa kanila. Wag rin nilang i-asa na
galing pa sa bulsa ng mga taong labag ang kalooban at sa kanilang paniniwala
ang paggamit ang pambili nila ng contraceptives. Kung ito ang pagkagastusan ng
gobyerno ng ilang bilyon habang nagrarally ang maraming estudyante na
nananawagan ng dagdag na pondo sa edukasyon, habang kulang ang pondo sa
programang pag agrikultura, habang kulang ang pambili natin ng gamit at armas
ng AFP, hindi kaya dapat isantabi ang pagprioritize sa budget para sa mga
contraceptives?
|
Hindi ito make-up kit. |
5. RH Bill
prevents abortion.
-- Maraming debate patungkol
dito, kung kelan nagsisimula ang buhay. Depende kung saang side ka nanggagaling
kung alin paniniwalaan mo. Kung sa fertilization nga ba nagsisimula ang
buhay o sa implantation.
Ganito na lang
siguro. Karamihan kasi sa mga pills, ay may mga actions na ginagawa sa loob ng
matris ng ating mga kababaihan. 2 ang pineprevent nito, una ay ang mafertilized
ang egg, pangalawa ay panipisin ang wall o kaya ay mag-secrete ng maraming
mucus para ang fertilized egg ay hindi kumapit o kaya ay humina ang kapit
hanggang sa tuluyang mawala ang fertilized egg.
Sa akin kung
ako ang tatanungin, yung fertilized na egg ay isang nilalang nang may buhay.
Kung sa iba ay hindi, nasa paniniwala naman nila yun. Pero yung ikalawang
aksyon ng pills na iniiwasang kumapit o pinapahina ang kapit ng fertilized egg,
ito na yung ABORTIFACIENT character na tinatawag dun sa mga
pills. Maaaring sabihin ng iba na “hindi pa naman kumapit”, pero paano yung
nakakapit pero mahina lang kaya tuluyan rin nahulog pagkatapos? So hindi tayo
sigurado kung anong “aksyon” ang nangyari sa loob. Lumalabas na hindi tayo sure
kung may bata ba tayong napatay o wala. Hindi dapat sinusugal ang buhay kahit
kelan.
Labas naman sa
technical na usapan ay sa usapin ng psychology. Ang konsepto ng
“contraceptive” ay laging karugtong ng “abortion”. Hindi ba’t kaya ginagamit
ang contraceptive ay para mapigilan ang “unwanted pregnancies”? Halos lahat ng
mga contraceptive ngayon sa merkado ay walang 100% assurance na makakaiwas ng
pagbubuntis. Sakaling matyempuhan ang isang babae na pumalpak ang
contraceptive, ang resulta nito ay “unwanted pregnancy” pa rin, at dahil
unwanted, may ilan pa rin na magtatangka na ipa-abort ito. Patunay ito sa
resulta sa mga bansang may batas nang tulad ng RH Bill ay karamihan sa kanila
ang sabay na pagtaas ng paggamit ng contraceptive at pagtaas ng bilang
ng abortion tulad ng US, Cuba, Sweden, Denmark, Singapore, South
Korea atbp.
Maaaring sabihin naman na kahit illegal ang abortion sa Pilipinas ay may
gumagawa pa rin. Ganon din naman ang pagpatay, pagnanakaw at kung ano ano pang
krimen. Pero tulad ng isang nagpaabort, ang isang magnanakaw pag nabaril,
karapatan pa rin niya na maipagamot siya bago siya maparusahan sa krimeng
kanyang ginawa.
6. RH Bill
is needed to prevent further spread of HIV, AIDS and other STDs.
-- Tulad
sa number 1, may batas na po tayo na nakatutok po specific sa bagay na ito. Ang
RA 8504 or ang "Philippine AIDS Prevention and
Control Act of 1998." ang komprehensibong batas na
ginawa para mabawasan at maibaba ang bilang mga taong nagkakaroon ng sakit na
ito. Lahat ng provisions na patungkol sa AIDS/HIV na nasa RH Bill ay nakapaloob
na ditto at mas marami at mas kumpleto pa. Kailangan na lang sigurong ipatupad
ng mas maayos o kung gusto man nilang repasuhin ay puede naman kung gugustuhin
nila.
7. Catholic
Church opposition is the only argument that anti-RH people have.
-- Ayon
na rin sa mga nabanggit sa taas, hindi lang ang aral ng Simbahan ang batayan ng
paglaban sa RH Bill, mas marami pa nga ang secular, scientific, constitutional at logical na
mga dahilan para hindi ito maisabatas. Kadalasan, pag may RH bill na topic,
kahit hindi nababanggit ang Simbahan ay makikita sa mga komento ang salitang
“bishops, catholic, church, pari,pope” tapos may katabing mga salitang
“damaso,pajero, bigot, hypocrite, makitid” at iba iba pang masasamang salita
kahit wala naman sa istorya yung simbahan.
Ito ay marahil
na rin sa ang Simbahang Katoliko ang pinakavocal na lumalaban sa RH bill at sa
kabila naman, ang Simbahan rin ang nakikita nilang pinakamalaking hadlang at
ito rin ang pinaka madaling gawing “poster boy” para kumampi ang mga tao sa RH
Bill. Alam naman natin na marami rin ang galit sa Simbahan.
Pero sa kabila
nito, hindi matatawaran ang dami ng mga tao at secular groups na laban sa RH Bill. Pero ito ay
kadalasang isinasantabi ng mga proponents ng bill at ang patuloy lang na
sinasagot nila ay ang mga argumento ng Simbahan. Don’t get me wrong. I stand
and I believe in the Church’s side on this matter. But of course, pag
argumentong pang Simbahan lang ang pinagusapan, mae-alienate ang mga hindi
katoliko at maaaring magbunga ito ng hindi pagkakaunawa sa tunay na nilalaman
ng RH Bill sa kanila at maaaring magbunga pa ng pagkampi nila sa panukalang ito
sa dahilang ayaw lang nila sa anumang bagay na may relasyon sa Simbahang
Katoliko.
|
Kitang kita sa tarpauline. (photo credit: http://www.church.nfo.ph/) |
8. RH Bill
will make people responsible, become good parents and make their lives better.
-- Sa
dinami dami ng magagandang provisions na nasa loob ng RH Bill kung ito ay ating
babasahin, talaga nga sigurong maganda ang magiging bunga ng mga ito. Yun nga
lang, dahil nga naulit lang sa ibang batas ang laman nito at mas kumpleto pa sa
iba tulad ng nabanggit sa number 1, hindi na kailangan pang isabatas ang
naisabatas na.
At tulad ng
nabanggit na rin sa number 3, matalino na ang mga Pilipino ngayon. Sigurado ako
na magtanong ka kahit kanino kung gusto ba nila na mag-anak ng marami, ang
isasagot ay hindi dahil mahirap ang buhay. Pero meron pa rin namang mga pamilya
na malalaki at nagdadaan sa hirap ngayon. Marami akong kakilala. Makakatulong
ba sa kanila ang RH Bill para umangat sa buhay? Malaki na ang pamilya nila eh,
ang kailangan nila ngayon ay trabaho at edukasyon, hindi na condom.
Yung mga anak
nila ang dapat nating alagaan. Bigyan ng tamang edukasyon para maging
responsableng mamamayan. Hindi sex education ang sagot para maging responsable
sila sa buhay. Ilan ba sa atin (lalo na sa mga magbabasa nito) ang dumaan sa
formal sex education? Malamang ay konti lang o wala. Kahit ako hindi e. Pero
alam ko naman kung paano maging responsable at ganoon ka rin na bumabasa ng article
na ito. Pareho lang tayo, dahil nakapag aral tayo, dahil nagabayan tayo ng
magulang natin ng maayos, alam natin kung ano ang tama at mali. Responsible Parenthood bill? Walang pinagkaiba
yan sa RH Bill kung babasahin. Title lang po halos ang binago at ilang mga
pagbabago sa ilang probisyon.
Isa pa, hindi
lang naman sa mahihirap ang nagkakaroon ng mga iresponsableng mga tao pagdating
sa usaping sekswalidad. Maging sa mga alta-sosyedad, mga pulitiko o mga
professional na tao ay nagkakaroon din ng problemang ganito. Pero
sigurado po ako na ang isang taong may laman ang tyan at may laman ang utak ay
mas makakapag isip at makakakilos ng tama bilang isang mabuting mamamayan kesa
sa isang taong gutom at mangmang.
Kaya ako po ay nagpapasalamat sa mga pro-RH bill people lalo na kayong may tapat at
may busilak na hangarin sa pagsuporta sa panukalang ito. KAYO po ang aking PATUNAY
sa buod ng aking isinulat sa itaas. Dahil kayo po mismo na hindi nakaranas ng
RH Bill ay alam kung ano kabutihan ng pagpplano sa buhay. Alam ninyo kung paano maging
responsableng magulang at paano maging isang responsableng mamamayan.
Kayo po ang patunay na ang RH BILL ay isang panukalang HINDI NA NATIN
KAILANGAN para mapabuti ang kaisipan at kalagayan ng ating mga mamamayan. Ang kailangan natin ay edukasyon at disiplina.
Salamat at mabuhay po tayong lahat.
-- No to RH Bill