Ilang
linggo na lang at magsisimula na naman ang pasukan. Ibig sabihin ay mas masikip
na naman ang traffic. Yung mga magulang ay magkakandakuba na naman sa tuition
fees, allowances at pambiling gamit sa eskwela. Ang mga estudyante excited na naman
sa first day lalo na ang mga may bagong mga gamit at uniform. Meron naman na kahit
walang bago basta makita lang yung mga classmates at barkada nila muli ay ayos na. Meron
naman na gusto nang makasilay sa mga crush nila. First day of classes, nakakamiss din minsan.
Bukod
sa mga yan, magsisimula na rin ang mga rally. Mananawagan na taasan ang budget
ng mga public schools. Magmamartsa sa mga ahensya ng gobyerno para sa pagpapaayos
ng pasilidad ng mga paaralan. May mga guro din na mananawagan para sa dagdag na
pasahod at benepisyo. Kung titingnan naman natin ang kalagayan ng maraming mga pampublikong
paaralan ay talaga namang kalunos-lunos.
Laging
sinasabi na mataas ang budget para sa edukasyon kumpara sa ibang gastusin ng
gobyerno taon taon. Kung sapat man ito o kulang, makikita na natin ang sitwasyon
sa ating paligid.May mga silid na pang 40-50 lang ang kaya pero 100 ang nagsisiksikang
mag-aaral. May mga nakaupo sa sahig at may nagkklase sa ilalim ng mga puno. Ang
mga libro aykulang-kulang ang mga pahina.Ang mga gamit sa laboratories ay mga luma,
kulang at sira na. Dahil sa pangangailangan ay marami ring mga guro ang pinipili
na lang mangibang bansa at ipagpalit ang propesyon sa mas malaking sueldo.
Pero
hindi ito ang ating pangunahing pag-uusapan sapagkat ang lahat ng mga bagay na ito
ay alam na naman nating lahat. Ilang beses nang pinagusapan, naisulat sa dyaryo,
naipalabas sa tv at kung saan saan pa. Marami na ring nagbigay ng suhestyon sa
kung anong mga dapat na gawin para solusyonan ang lahat ng problemang nabanggit.
Sa kabila ng pagiging bukas na pahina ng sitwasyong ito ng edukasyon sa bansa,
ano ba ang ginagawa nating mga pangkaraniwang mamamayan para pabutihin ang sitwasyon?
Sa
gitna ng mga rallies para sa pag-taas ng budget ng edukasyon, may mga mag-aaral
na pinipiling wag seryosohin ang pag-aaral at inaabot ng ilang taon sa eskwela hanggang
sa tamarin at hindi na makatapos. Sa paghihikahos ng mga magulang para mapag-aral
ang mga anak ay may mga estudyanteng pinipili pang unahin ang pagbubulakbol at
pagliliwaliw kasama ang barkada na ganon din ang ginagawa at kadalasan ay
pinagyayabang pa sa iba. Kulang ang mga libro, mga gamit sa laboratory at mga pasilidad
ng mga paaralan pero marami pa rin ang nagagawang mag-vandalize sa mga pader,
upuan, magpunit at magsira ng mga pahina ng libro at walang ingat na paggamit ng
mga laboratory materials.
Sa
mga guro naman ay may iilan na tila walang gana sa kanilang ginagawa. Sa sobrang
dalang na pasukan ang klase ay walang nakikilala ni isa man lang sa mga estudyante.
May ilan na buong taon e puro pareport ang ginagawa habang nasa likod lang o
kaya ay iiwan pa sa student teacher ang pagbabantay. Minsan nga ay iniisip ng mga
estudyante kung paano sila nabigyan ng grades ng isang teacher na 3 beses lang
nila nakita sa buong semester. May mga pagkakataon pa na mga mali ang naituturo
sa estudyante. Kulang sa research o tinamad lang na aralin ang itinuturo ang ilan
lang sa maaaring dahilan.
Sa
mga magulang naman, nakakapagtaka na may ilan na tila hindi nagtataka kung
bakit palaging wala man lang assignment ang anak na paguwi sa bahay, araw araw
ang unang kaharap ay computer games o kaya ay tatakbo agad sa labas para maglaro.
May ilan naman na pag sinabi ng anak na ayaw pumasok dahil masakit ang ganito o
ganyan o kung ano pang palusot ay pababayaan na lang basta basta kahit halata namang
wala talagang valid na dahilan. May iba pa nga na tila natutuwa pa pag hindi pumasok
ang anak dahil “nakatipid” daw sa baon. Sa kabilang banda naman ay may matino ang
anak pero kulang naman sa suporta galing sa magulang.Tuwing may hihinging pera na
pambili ng pangangailangan sa eskwela ay palaging tingin ng ilang magulang ay
niloloko lang siya ng anak niya. May ilan na hindi pinapayagan ang mga anak sa mga
ilang gawaing makakatulong sana sa pagunlad ng kanyang pagkatao dahil sa tingin
nila ay pagsasayang lamang ito ng oras.
Kung
tungkol sa budget para itaas ang antas ng edukasyon ng bansa, wala talaga tayong
direktang magagagawa roon. Gayundin sa korapsyon. Subalit may mga bagay na mismong
tayo ang may kontrol. Bilang mga estudyante, ang prayoridad ninyo sa eskwela ay
mag-aral at hindi ang maging celebrity, astiging siga o maging cool sa paningin
ng inyong kabarkada. Sa mga guro, ang pangunahing responsibilidad ay ang magturo,
magdagdag ng values at kaalaman at maging ehemplo ng kasipagan sa mga bata at
hindi magpalipas lang ng oras para makipagkwentuhan sa kapwa faculty o
maghintay ng checker na magiikot sa classrooms. At sa mga magulang, ang pagiging
gabay sa disiplina, tagatulak ng kasipagan at tagapagtaguyod ng inyong mga anak
ang syang pangunahing prayoridad.
Kung
tutuusin, kahit pa gaano kataas na budget ang maibigay, kung hindi rin naman natin
ilalagay sa ayos ang ating mga sarili malamang na wala rin itong patutunguhan.
Kung maaari lamang ay simulan sana natin ang sariling pagkilos sa darating na pasukan.
Ibalik sana ng bawat isa sa atin ang “passion”sa pag-aaral na siyang pagsisimulan
ng tunay na rebolusyon para sa edukasyon.
tama. kahit taasan ang budget sa mga pampublikong paaralan kung wala naman kaayusan sa ating mga sarili mismo, parang nagtapon lng ng pera ang ating gobyerno.
ReplyDeletesa atin pa rin talaga ang sagot. Thanks Lawrence. :)
DeleteWoah. Malapit na magJune. Hello traffic! :\
ReplyDeletehttp://www.dekaphobe.com/
tama. :D
Deletetamang edukasyon lang ang magpapaangat sa bansa natin. nakakalungkot kasi hindi ito naiisip ng madami sa atin...
ReplyDeleteoo pre, nakakalungkot kasi mismong mga estudyante, mga magulang at ilang mga guro e binabalewala na ang kahalagahan ng edukasyon.
Deletesa totoo lang isa ang buwan ng june sa ayokong buwan dahil maulan na ay bukas na klase. buhos ang tao sa kalsada. pero kung aanalisahin sa bawat pagtakbo ng buwan na pawala na rin traffic halos ay tila pawala na rin ang mga pumapasok na estudayante. kahabag-habag din na senaryo.
ReplyDeletenag-public school ako mula elementary hanggang kalahati ng high school. sobrang pahirap ng pahirap yung mga eksena kahit gustong-gusto mong igapang edukasyon mo. madali kang mabubuyo kong susuko ka. But gaya ng sinabi, mahirap ang challenge na external kung maipapaunawa ng isang magulang at mapagtanto ng isang estudyante ang kahalagahan ng education. gagawa siya ng paraan para makapagtapos sa pag-aaral.
Mahirap nga talaga. Ako man ay nag public school din sa elementary and pati sa college. Pero gaano man kahirap, tulad nga ng sinabi mo, kung nandun ang passion eh magagawan ng paraan ng isang tao ang pag-aaral at maigagapang niya yun sa tulong na rin at suporta ng mga magulang at mga guro.
Delete