Sunday, May 27, 2012

Kaya ako naging ganito ay dahil sa iyo... di nga?

Sa mga eksena sa mga documentaries sa tv ng mga kabataang kriminal, adik, maagang nabuntis o kung ano pang kapariwaraan sa buhay ay mga batang tinatanong ng reporter tungkol sa kung anong dahilan kung bakit nila nagawa ang mga bagay na yun. Madalas na maririnig natin na sagot ay tulad ng “kasi si tatay lagi ako ginugulpi kaya ako nagkaganito”, o kaya e “si nanay kasi lagi wala sa bahay tapos iniwan pa kami ni tatay”. Minsan naman eh “kasi nagsusugal lagi mga magulang ko saka naglalasing tapos pag uwi pinapalo pa kami kaya ako nagkaganito”.  At marami pang ibang mga pangungusap na ang pattern ay “kaya kasi ako naging ____ ay dahil si ____ saka si _____ ay _____ “.

Mapapanood din sa mga tv shows ang mga nagbabangayang mga magkakamag-anak, magkakapitbahay o kaya ay mag-asawa. At tuwing may isa sa kanila na nagloko, ang idadahilan kadalasan ay “kung ano-ano kasi inuuna mong bisyo kaya ako naghanap ng iba”. Meron din na “palagi ka kasing wala kaya napalapit tuloy ako kay kumare/kumpare”. At ang very dramatic na “may pangangailangan din kasi ako at di mo nagawang ibigay at natagpuan ko sa kanya yun”


Pero kala nila lahat ng mayaman e tulad mo. Ang drama kasi.

Sa ganitong pagkakataon, bigla na lang parang dumarami ang “psychologist”. Alam nila bigla kung ano ang dahilan ng pagsira nila sa sarili nilang buhay. Aware sila sa nangyayari. Conscious.

O marahil ito ay bunga lamang ng pagkahilig ng mga Pilipino sa drama at telenobela na madalas na may mga ganitong mga batuhan ng dialogue ang mga eksena.

Sa pag-aaral ng mga eksperto, ang mga epekto ng mga masamang pangyayari sa buhay, kadalasan sa mga pamilya, ay nakakaapekto sa “subconscious mind” ng tao.  Nangangahulugan lamang na ang resulta ng mga masasamang pangyayari sa buhay ay hindi ginagawa ng may kusa o kaalaman. Unconscious.

Samakatuwid, kung ang isang tao ay conscious sa ginagawa niya at aware siya na mali ito, hindi niya maaaring gawing dahilan ang hindi magagandang bagay na nangyari sa kanya sa nakaraan kaya niya ito ginawa. Sa pagiging “aware” sa tama o mali, ibig sabihin ay may kontrol ang isang tao na gawin sana ang tamang decision.

Di sa hinuhusgahan ko ang mga taong gumagawa ng ganitong pagdadahilan dahil talaga namang nakakagulo ng isipan ang mga hindi magagandang pangyayari sa buhay. Hindi biro ang makaranas ng matitinding problema sa tahanan lalo na sa murang kaisipan. Malaki ang epekto nito sa aspektong pisikal, pandamdamin, kaisipan at ispiritwal ng isang tao.  Kung ang tanong ay kung may epekto ba o wala ang ganitong bagay sa kinabukasan ng isang tao, ang sagot ay oo.

Pero kung ang tanong ay may kakayahan pa ba ang isang tao para baguhin ang direksyon ng buhay sa kabila ng mga dinanas na hirap, ang sagot din dito ay oo. Unang hakbang na rito ay ang pagiging “conscious and aware” sa mga maling bagay na nangyari na sa nakalipas. Huwag itong gawing dahilan upang hindi maging matagumpay sa buhay.  May pagkakataong piliin ang tama. Huwag gawing dahilan ang nakalipas na mali na dulot ng ibang tao para sirain ang pansariling kinabukasan o ng kung sino man. Tama na ang kadramahan.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...