Monday, May 14, 2012

Sinong Rizal?

Si Rizal ay maihahalintulad na rin sa Bibliya sa ating panahon. Ginagamit ng maraming tao ang mga kataga para bigyang diin ang kanilang paninindigan o paniniwala. Ngunit kadalasan, dahil sa maliliit na bahagi lamang ang nakukuha o nababanggit, madalas na nawawala ang tunay na konteksto ng ilan sa kanyang mga salita at parang kinakahon na natin sa ating sariling ideya kung sino o ano ang gustong ipahiwatig ng nakasulat.

Ang salitang "Damaso" tulad ng ilang mga kinabisadong berso sa bibliya ay tila baga punyal na handang itarak sa kaaway ng ilang taong may mga adbokasyang pinaglalaban at nais na gamitin ang ideya ng ating bayani bilang pananggalang.

Nandyan din ang ilan pang karakter at salita na minsan ay itatanong mo na sa iyong sarili kung tunay nga bang sinabi ni Dr. Jose Rizal ang mga bagay na iyon dahil sa tila baga malayong paggamit ng ilang tao ng mga salitang minsang binitiwan ng ating magiting na bayani sa ating kasaysayan. Sa pananalita ng ilan, nagiging tila isang “radikal” na tao na may “saradong pananaw” ang ating dakilang bayani sa mga bagay na nauukol sa ating mundo.

Mula pagkabata ay naging hilig ko nang basahin ang mga aklat patungkol sa kanya. Mula sa kanyang kabataan hanggang kamatayan at maging ang ilang mga sinulat niya ay naging bahagi na rin ng aking pagtanda. 

Nakakalungkot din minsan isipin na may ilan sa ating mga kababayan ang walang pakialam sa kanya. Subalit mas nakakalungkot na tila bigla na lang bang parang eksperto na sa mga aralin kay Rizal ang ilan sa atin kung “gamitin” ang kanyang pangalan at mga salita sa mga bagay na gusto nilang paniwalaan o ipaglaban samantalang ni hindi pa nakakabasa man lang ng buo ni isa man sa kanyang mga sinulat na nobela, sanaysay o tula.

Sabi nga ni Claro M. Recto na aking nabasa sa aklat ni Prof. Ambeth Ocampo, na kadalasan ay tila baga pinagbabangga natin si “Rizal” laban kay “Rizal” gamit ang mga bagay na kanya ring sinabi o ginawa. At sa huli, lumalabas hindi kung sino si Rizal kundi kung ano ang “prejudices and convictions” ng taong nagsasalita patungkol sa kanya.

Minsan, naiisip ko tuloy kung tunay nga bang kilala natin ang ating pambansang bayani?



Kung nagustuhan mo po ang artikulong ito, kung maari po ay i-share ito gamit ang iyong Facebook o Twitter account gamit ang mga button sa ibaba o ang floating icons sa bandang kanan para maenjoy din ito ng iba. At i-like din ang ating Facebook page sa pagpindot ng "like button" sa may upper right at gayun din sa pagfollow sa ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po.  

 

2 comments:

  1. hindi sapat ang mga itinuturo ng mga paaralan tungkol kay Rizal. Kung minsan, nagiging exaggerated naman ang kuwento at dumadating sa point na parang diyos na ang turing sa kanya. Di nga bat may sekta nga sa atin na sya ang Diyos nila?

    ReplyDelete
    Replies
    1. oo pre, meron yan. dahil na rin kasi sa nagkakasya siguro ang mga tao sa sinasabi ng iba, imbes na basahin na lang nila mismo yung sinulat ni Rizal. Mas gusto pa ng iba yung mga tsismis at urban legends.

      Delete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...