Anong probinsiya mo? Madalas itanong sa kin yan dati ng mga
kaklase ko at kalaro. Tinatanong ko rin tuloy sa mga magulang ko. Hindi ko kasi
alam talaga ang sagot. Ano nga ba ang basehan na masasabing yun ang probinsya
mo? Dahil dun ka pinanganak? O dun pinanganak ang magulang mo? O kaya ang magulang ng magulang mo.
Hirap akong sagutin ang tanong dahil unang una, pinanganak
ako sa Maynila. Sa Sampaloc. Ganon din ang aking mga magulang. Pareho sila.
Yung mga lolo’t lola ko, di ako sigurado pero sa Maynila na rin sila
nagsilakihan at hanggang ngayon andun pa rin ang lola sa ko sa side ng tatay ko
sa Maynila at kami naman sa side ng nanay ko ay nasa Antipolo na. Siguro
matatawag ko nang probinsya ko ngayon ang Rizal dahil dito ako lumaki at
probinsya naman talaga ito. Pero sa tingin ng ibang tao, e Maynila na rin ito
halos.
Kadalasan pag summer, ang mga bata sa Maynila ay
nagbabakasyon papuntang mga probinsya nila. Dun nila nararanasan ang tinatawag
ng iba na buhay sa nayon. Yung pag-akyat sa mga puno, paglalaro sa mga
malalawak na damuhan para magpalipad ng mga saranggola, magbabad sa mga ilog o
batis at iba pa. Hindi ako nakakalangoy sa mga ilog dito sa Antipolo pero noon
marami pang mga puno at marami pang malalawak na lupa kung saan
nakakapagpalipad kami ng saranggola. Pero baligtad ang buhay ko noon. Kasama ng kapatid kong lalake na mas bata sa
akin, tuwing summer ay nagbabakasyon naman kami sa Maynila.
|
Bata pa lang ako may bahid pulitika na ang pinagkikikilos ko. With my brother and cousins taken at our tito's house in Cavite. |
Masayang karanasan sa min yun. Sa mga hindi siguro natira man lang sa mismong
Maynila, iisipin nila na malungkot o boring ang gawain ng mga bata doon. Puro
kasi kalye at wala yung masyadong malalawak na laruan tulad sa ibang lugar. Pero
kung tutuusin, hindi rin naman naiiba sa ginagawa ng bata sa Maynila. Dun pa
kasi nakatira noon ang pamilya ng pinsan ko na ngayon ay nasa ibang bansa na.
Dalawa silang magkapatid, babae yung panganay at lalake yung bunso. Halos
magkakaedad lang kami. Pag naglalaro sa labas, kasama naming madalas syempre
yung lalakeng pinsan namin. Naglaro kami ng tumbang preso, agawan base,
touching ball (dodge ball yun na pangkalye), football na larong kalye style
din, Chinese garter, piko, patintero at iba pang mga usong laro sa kalsada ng
mga bata. Madalas nananalo kami pero madalas natatalo rin. At may pagkakataon
pa na napapaaway. May pagka warfreak ako nung bata. Pikon din kasi ako noon.
Minsan ngayon pa rin. Pero di na ko warfreak. Masama yun at wag nyong gagayahin. At dahil dun, maraming beses din
tuloy napapaigsi ang bakasyon namin dahil nga sa pakikipag-away ko sa mga
kalaro ko at inihahatid kami pauwi sa Antipolo ng lolo ko. Pero ngayon naman
pag nakikita ko yung mga iba kong kalaro doon ay tropa tropa naman kami pag
napapadalaw ako dun.
Nauuso din ang mga laro dun tulad ng gagamba. May nagtitinda
ng gagamba dun at di ko alam kung san nya kinukuha. Tapos ilalaban naming sa
gagamba ng ibang bata. Isa sa paborito naming ng pinsan ko at kapatid ko yun.
Saka yung mga laruang din na binebenta sa kalye na kung tutuusin eh mga
inimbento lang tulad ng plastic bag na clear na nilagyan lang ng tubig na kulay
para mag-mukhang kakaiba. Tapos pag may mga birthday parties naman sa
kapitbahay, andun din kami lagi. At may pagkakataon pa nga na ang pinamigay na
candies ay mga imported like Hershey’s, Cadbury, Snickers, etc. Noon pa man e
nakitaan na kami ng entrepreneurial skills kasi hindi naming kinain yung
candies. Binenta naming dun sa tapat ng bahay ng lola ko.
|
Sabong ng gagamba (photo credits: http://melveracruz.blogspot.com) |
Sa loob bahay naman, ang madalas na ginagawa namin ay
maglaro ng Family Computer. Maraming bala ang pinsan ko dahil minsan na rin
silang nagparenta noon. Nung umalis nga
sila ay iniwan pa nila sa amin ang ilang cartridges nila. At pagdating ng gabi,
ang trip naman namin ay mangulit sa bintana sa taas. Sa sobrang kulit, minsan
nanghuhulog kami ng kung ano ano tulad ng balat ng kendi o kaya ay mambato ng
mga cornic sa mga kalaro naming dumadaan. Ulit
mga bata, wag nyong gagayahin yun.
|
Astig nito. |
Sa umaga, masarap din lagi ang almusal namin dahil nung
panahon na yun ay nagtitinda pa ng pagkain tuwing umaga ang lola ko. Lahat ng
pang-almusal ay meron siya. Iba’t ibang uri ng sandwiches, champorado, sopas,
spaghetti atbp. At meron ding mga lutong ulam na masarap hanggang pantanghalian.
Pipili lang ng gusto naming kainin, solved na. Laging parang pyesta. Masarap pang magluto ang lola ko. Parang yung
lola ko rin sa Antipolo na pinagluluto pa ko ng ulam minsan kahit may pamilya
na ko.
At pag hapon naman, bibigyan kami ng pambili ng miryenda.
Softdrinks o kaya gulaman with matching banana cue, turon o kung anong meron sa
tindahan na malapit. Nagtitira pa kami ng perang pambili ng mga usong laruan.
At sa gabi, minsan naglalaro kami ng scrabble kasama ng lolo
ko doon. Wide reader ang lolo ko na yun. Mahilig sa crossword puzzles at
mahilig magbasa kaya mahirap siyang kalaban.
Ganon din ang isa ko pang lolo sa side ng nanay ko na sobra ring wide
reader at napakaraming alam na mga general info, trivia at magaling din sa mga
word puzzles. Pareho silang maraming interesting stories. At pag nanonood kami ng mga quiz shows sa tv,
pareho rin silang mabilis sumagot sa mga tanong. Pareho na rin silang wala
ngayon. Pero masuwerte ako at nakasama
ko sila at marami akong natutunan sa kanila pareho. Ikukuwento ko ito sa iba
kong blogpost.
|
And for the difficult round. Yung alam ang sagot, post sa comments. Bawal ang mag-Google. |
Isa sa mga nakakahiyang nangyari sa akin doon ay nung minsang
naihi ako sa pagtulog. Natutulog kami noon sa mga kutson at magkakatabi kaming
tatlo ng kapatid ko at pinsan kong lalaki. Ako ang huling nagising at nung
bumangon ako ng araw na yun, basa ang higaan. Sa hiya ay hindi ko pinaalam na
naihi ako at tiniklop ko na lang ang aming tulugan. Ang problema, nangamoy.
Ayun, nilabhan ni lola ang higaan at kumot. Nakakahiya kaya di pa rin ako
umaamin na ako yun. Pero obvious na ako yung huling gumising so alam na. And
nakwento rin ng parents ko na sa edad kong 9 nung time na yun ay paminsan
minsan naiihi pa ako sa pagtulog. Pero di nila ako pinagalitan. Siguro ay
alam nilang nahihiya ako. Pero kung nababasa nila ngayon ito, macoconfirm na
nilang ako talaga yun.
Wala pang cellphone nun at internet kaya nakikitawag ako sa
payphone sa tindahan ng ninang ko na
nakatira lang malapit sa lola ko pag gusto kong kumontak sa bahay. Siya rin
yung ninang ko na nung bata pa ko pag pumupunta kami ng nanay ko dun ay lagi
akong binibigyan ng biskwit. Marie pa nga yun sa pagkakaalala ko. Medyo di lang
malinaw ang memory ko dahil sobrang bata ko pa noon. Namatay na rin yung ninang
ko na yun last year at di na nga kami nagkita. Pumunta din kasi siya ng ibang
bansa bago umuwi dito sa Pilipinas kelan lang sa huling balita ko pero hindi na
sa bahay nila dati sa Sampaloc dahil nabenta na ata nila yung property na yun.
Mga ilang summer din ang ginugol naming magkapatid para
magbakasyon sa Maynila. Kasama na talaga sa routine namin noon yun nung
elementary pa lang ako. At ngayon ay marami nang nagbago. Namatay na nga ang lolo ko doon pati yung
ninang ko. Hindi na rin nagtitinda ng pang-almusal ang lola ko. Ang pamilya ng
pinsan ko naman na kalaro naming ay nasa California na. Ang kasama ng lola ko ngayon dun ay pamilya ng
tita ko at mga mas batang pinsan ko. Mga may pamilya na rin ang mga kalaro
namin doon at marami na rin ang di na doon nakatira. At kung noon pagdating ng
hapon ay nasa labas ang mga bata para maglaro, ngayon ay mas puno na ang mga
computer shops. Kunsabagay, kahit sa maraming probinsya ay ganyan na rin ang
nangyayari. Lahat talaga ay malaki ang pinagbago. At hindi ko alam kung may
aral itong kwento ko. At least nai-share
ko sa inyo yung pinagkakaabalahan ko nung bata ako tuwing tag-araw at kung
paanong kakaiba na kaming taga probinsya ang nagbabakasyon sa Maynila. At sa
oras pa na tag-init. Balang araw ay mababasa rin ng anak ko ito at malamang
pagtatawanan niya ako at kami ng mga tito niya. At siya rin mismo ay
mapagtatanto niya na ibang-iba ang panahon noon sa makakagisnan naman niyang
buhay balang araw. Marami na ang nagbago at magbabago pa. May isa pa palang
nagbago akong naalala. Matagal na rin akong hindi umiihi sa kama pag natutulog.