Tulad ng kwentong multo, lahat tayong mga Pilipino ay may
kwentong patungkol sa korapsyon. Ang korapsyon ay hindi lang ang ginagawa ng
mga taong nasa puwesto kundi maging ng bawat isa sa atin na may gampanin
subalit hindi ginagawa ng tama at tapat ang tungkulin.
Wala siguro tayong kilala na walang ibibida sa atin ng mga
bagay na tiwali na kanilang naranasan, nasaksihan o naobserbahan. Lalo na sa
mga sistema sa gobyerno. Lahat tayo may kwento. Lahat tayo halos ay may alam. Matindi ang lagayan sa ganito. Yung illegal na
pasugalan ay protektado ni ganyan. Si kuwan ang may pakana ng matinding
pandaraya dun sa ganito. Malaki ang kick-back si ganire dun sa mga pinatayo
niyang buildings at kalsada dun sa ganoon. Anlaki ng patong sa presyo ng ganyan
ni kwan. Masama talaga ang ugali ni ganyan
pag hindi nakaharap sa tao, grabe pa kung murahin mga tauhan niya at katulong.
Etc, etc.
Kunwari walang mga PR machine. Kunwari walang mga anti-PR machine.
Kunwari ay wala rin yung mga binabayaran para magpabango at magpabaho ng
pangalan ng mga kandidato. Pero sa dinami dami ng mga bagay na naririnig natin
at napagpapasa-pasahan, siguradong hindi lahat ng ito ay totoo. At hindi rin
lahat ng ito ay hindi totoo. Tulad ng sabong panlaba, lahat nagsasabing sila
ang pinakamagaling magtanggal ng mantsa.
Lahat na lang sila ay pinaka.
Pero bibili ka pa rin. Pipili ka pa rin ng sabong gagamitin
mo. Kung napapaputi naman ang labada mo ng nabili mong sabon, napapabango at
natatanggal pa ang mantsa, bibilhin mo uli yun panigurado at baka i-endorso mo
pa sa kaibigan mo. Pero kung binili mo na nang isang beses at pagkatapos mong gamitin
ang brand na ito ay natira pa rin ang mantsa pagkatapos mong kuskusin ng matindi at kung nandun pa rin ang masamang amoy kahit ibabad ng matagal, sigurado
akong di mo na bibilhin uli ang sabon na yun at magpapalit ka na ng iba. Nakaka-dala
ang maloko ng mga brand ng sabon.
Pero parang wala tayong kadala-dala pagdating sa gobyerno
kaya patuloy na naihahalal ang mga tao na binoto na natin noon, o kaya naman ay
ang kanilang mga kadikit na may pare parehong likaw ng bituka, pare parehong
polisiyang sinuportahan, at pare parehong pangit na kinahantungan ng bayan na
kanilang pinagsilibihan na ng matagal na panahon. Na-uto na nila tayo minsan
pero binago lang ng konti ang script ng commercial nila, nagpapauto na tayo
uli. Na kesyo may karanasan na sila kesa sa iba. Na kesyo pag nanalo ang
kalaban nilang isa ay mas kawawa tayo kaya sila na lang piliin. At yun din ang
sabi ng kalaban nila patungkol sa kanila. Samantalang yung mga mas ok na “brand”
na mas mura, mas tapat at mas epektibo sana ay di na natin napapansin dahil sa
masyado tayong nagpapaniwala sa propaganda ng iba.
Mas nahahatak tayo sa iba’t iba pang pamBOBOla na hinahayaan
nating bumenta. At dahil dito, nakakalimutan natin ang mga “alam” nating mga
kwento at personal na karanasan ng mga korapsyon at kahirapang dulot ng mga
iniluklok nating mga tao. Kaya sila uli ang iboboto. Sila uli ang iluluklok sa
posisyon. At pagkatapos may madadagdag na naman sa kwento natin na mga
karanasan patungkol sa korapsyon. May ipapasa na naman tayong blind item o
direktang mga salita laban sa mga nakaupo sa puwesto.
Eh kung wag na lang tayo magkwento? Magkunwari na lang tayo
pare parehong walang alam. Magkunwari na lang tayong maayos ang lahat. Magkunwari
na lang tayong mga tanga, tutal mukha na rin naman talaga tayong tanga at di
marunong madala.