Tuesday, July 29, 2014

SONApakinggan Mo Ba?



Hindi ko pinanood o pinakinggan ang SONA. Bakit? Dahil sa aking palagay ay tinututukan ko naman ang pangulo natin sa mga nangyayari sa kanya (o binabalita sa kanya) na para ko na rin siyang na ma-micro manage. Hindi ko na siguro kailangan pa ng summary. Pero syempre, depende pa rin sa balita yun. Di tayo sigurado kung tama o kumpleto. Pero ganon din naman ang SONA. Ok. Sige, tama na ang palusot. Pero babasahin ko ang transcripts nito bukas. 

Pero bago ko ito basahin, napupuna ko naman na kung ang tema man ng SONA ng pangulo ay nauulit, ganon din naman ang tema ng komento ng mga tao patungkol sa mga bumabatikos sa report at performance ng pangulo. Tila ba andali na lang nating iwaglit ang mga kritisismo. Dahil ba ito sa tingin nila ay napakahusay ng kanyang mga ginagawa? O kaya naman ay dahil napapagod na lang din sila sa pagbabatikos ng iba? 

Kung ano man ang rason, gumawa na lang ako ng sagot sa ilan sa paulit ulit ko na ring nababasang reklamo patungkol sa mga nagrereklamo. At hindi naman ako nagrereklamo, nagpapaliwanag lang.



1. Sino man ang nakaupong presidente, nasa yo pa rin yan kung aasenso ka. Kung tamad ka, wala ring mangyayari. 

- Tama naman.  Ikaw masuwerte ka at nakaahon ka sa sariling sikap na di masyadong umaasa sa gobyerno. Pero aminin na natin, maraming bagay ang kontrolado pa rin ng gobyerno at sila lang ang makakagawa ng paraan para kahit papano ay gawing patas ang laban lalo na para sa mga maliliit nating kababayan. Paano yung nangangailangan talaga ng direktang suporta ng gobyerno? Yung mga nasalanta ng Yolanda? Ng lindol sa Bicol?  Yung magpa-hanggang ngayon ay mga wala pa ring matitinong kalsada, eskwelahan, ospital, kuryente o malinis na tubig sa maraming lugar sa Pilipinas? Kaya mo rin bang sabihin sa kanila na nasa kanila naman yun? Masuwerte ka, at ako na rin, kasi kaya nating lumaban kahit di masyado suportahan ng gobyerno. E sila?

 
Kaya mo bang sabihin sa kanila yan ng harapan?


2. Kung iimpeach natin siya, sino ipapalit? Si ano? Si ganyan? Ano mangyayari sa Pilipinas pag sila na naupo?


- O siya, ako man ay hindi ko rin alam o masasabi kung tama ba talagang iimpeach ang pangulo o hindi. Hindi ako abogado para sabihing maiimpeach ang pangulo dahil sa nangyari sa DAP o PDAF o kung ano pa. Pero yung kaisipan na siya lang ang may kakayahang maging lider sa ngayong 100 Milyong populasyon nang Pilipino, minamaliit ba natin ang kakayahan ng lahat sa atin? Saka sino ba bumoto dun sa kung sakaling papalit sa kanya, di ba karamihan din naman ng nasa tin? Oo, puedeng hindi ikaw yun. Pero yan din kasi ang mindset na nagluklok sa karamihan sa kanila. Yung kesa si ganito ang manalo, iba na lang ang iboboto kahit di naman yun ang talagang gusto. Nagpadala lang sa agos ng “survey”.


3. Puro na lang tayo batikos. Di na lang tayo matuwa. 


- Pano mo nalaman?  Hindi mo lang siguro naririnig na nagpupuri din naman sa mabuting gawa ng gobyerno ang ibang tao. Pero kahit pa siguro puro batikos ang ginagawa ng ilan, dapat hindi sa nagbabatikos ilagay ang puna mo. Ganon din e, bumabatikos siya, binabatikos mo ang pagbatikos nya. Ang tingnan na lang natin ay ang bottom line. Bumaba ba ang mga presyo ng bilihin? Umayos ba ang kalakaran ng transportasyon? Gumanda ba ang kalakaran sa mga ahensya ng gobyerno? Naayos ba ang mga imprastraktura? Naging mas handa na ba tayo sa mga sakuna at kalamidad? Kung ang sagot ay hindi, ang tanong dapat ay bakit. Hindi “bakit puro na lang tayo reklamo?”.


4. So gusto nyong kampihan si ganito at si ganyan? Obvious naman na corrupt sila. Sumusuporta ka sa corrupt?


- Hindi porke pareho kayo ng punto sa isang bagay, ang ibig sabihin na nun e sang-ayon na rin kayo sa lahat ng bagay. Nanay mo nga o asawa o kapatid mo, nagtatalo pa kayo sa maraming mga bagay bagay kahit kapamilya mo na eh, yung sa mga tao sa pulitika pa kaya? Ang problema kasi nagsisimula pag nilagyan mo na ng “kulay” yung posisyon mo na tipong pag di ka namin kapareho e ibig sabihin agad nasa kabila ka. Imbes  magkaisa tayo sa pagtuligsa sa lahat ng mali sa lipunan, mas nangigibabaw pa ang panatisismo. Hindi mo rin naman kailangang sang-ayunan ang lahat sa isang tao para sabihin mong sa malinis ka sumusuporta. Ang katapatan, dapat nasa bansa, hindi nasa mga personalidad.  May sarili kang isip, gamitin mo ng maayos at tama. 

Pick one and be an 'instant' supporter/advocate




Mamaya, babasahin ko na ang nilalaman ng SONA. Siguro magcocomment din ako at magbibigay ng opinyon. Kung tingin ko ba eh maganda ang ginawa ng pangulo o hindi. Kung nakatulong ba talaga sa ekonomiya at estado ng bansa ang mga naging proyekto nya. Tingnan natin. O baka hindi rin ako magpost. Depende siguro kung hindi matatapatan ng rotating brownout.

Full SONA Transcript

1 comment:

  1. Sa office pagod na kami kakarant about politics. Sige na lang, anything goes. Evil always win in this country anyway :(

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...