Thursday, June 28, 2012

Di kaya pinapagastos lang nila tayo?

Nung bata pa ko ay masasabi kong mas konti lang ang pagpipilian ng mga pagkakalibangan, pagugugulan ng oras o pagkakaabalahan kung ikukumpara sa ngayon. Noon e pag dating ng hapon lalo tuwing bakasyon ay lalabas lang ako para maghanap ng kapwa ko bata para maglaro ng mga uso ng panahon na yun. Minsan teks, o kaya tansan, balat ng mga kendi, laste o kaya mga maliliit na plastic na action figures. O kaya naman ay yung mga larong pangkalye ang ginagawa namin tulad ng tumbang preso, agawan base, luksong tinik, luksong baka, tagu taguan, taya tayaan, patintero  at kung ano ano pa.

Pag uwi naman sa bahay, manonood ng tv. Palabas e mga educational tulad ng Batibot, Sesame Street o kaya mga cartoons at mga kiddie shows na hindi pa tagalized. Ingles ang salita pero walang problema naman sa min yun at talagang inaabangan namin sa araw araw ang mga palabas na ito.

Ilang away bata na kaya ang nangyari dahil lang sa tansan?

Ilan pa sa naaalala kong libangan ay magbasa ng mga pambatang komiks. Maraming magagandang kwento at aral ang mapupulot bukod sa nakakalibang talaga noon ang pagbabasa ng komiks. Kaya rin siguro ako naging hooked sa pagbabasa hanggang ngayon ay dahil sa nakagisnan ko ngang pagbabasa noon ng komiks.

Wala pang internet. Wala pang online gaming Wala pang mga cellphone, gadgets at kung ano anong makabagong gamit. Malamang, ma-bo-bore ang kabataan ngayon kung ilalagay sila sa panahon na kinagisnan ko noon.

Kadalasan naman ngayon pag bakasyon sa eskwela, maraming mga iba’t ibang uri ng summer camps na ginaganap kung saan pinapadala ng mga magulang ang kanilang mga anak, gusto man nila o puwersahan. Merong sa iba’t ibang uri ng sports, o kaya ay pag-aaral ng isang kasanayan sa sining o musika at kung ano ano pa. Ang mga hangarin ng mga ganitong mga gawain ay para maimprove ang ilang mga aspekto sa buhay ng kanilang mga anak, pangunahin na rito ang physical, emotional , psychological at kasama na rin ang social skills nila dahil sa pakikisalamuha sa kanilang kapwa batang pumasok sa mga programang ito.  Sa panahong ito ng bakasyon, kinakailangan pa rin ng mga bata na gumising ng maaga para pumasok sa mga programang ito. Pero mabuti naman sa mga bata ang masanay na gumising ng maaga.

Ilan pang mga gawain sa mga bakasyon na ginagawa ngayon ng kabataan ay umattend ng mga review classes para makapasa sa entrance exams sa mga pamantasang gusto nilang pasukan. Noon, hindi pa ito uso pero ngayon e kabi kabilaan na ang mag nagbibigay ng ganitong uri ng serbisyo. Binabandera pa nila ang passing rate sa mga major universities ng mga reviewers nila para talagang makahatak ng mga papasok sa kanilang programa.

This is you.


Ilan pa sa mga nakikita kong mga bagay na pinagkakaabalahan ng kabataan ngayon na wala noon ay yung mga “english lessons” lalo para sa mga gustong makapasok sa mga call centers ngayon. Isa ang Call Center sa mga patuloy na lumalagong industrya sa bansa at talagang dumadami ang pangangailangan nila ng mga empleyado taon taon. Kaya naman marami rin talaga ang nahahatak sa mga trainings na ganito para maging handa sila at matanggap sa mga call center companies. Maganda rin kasi ang suelduhan sa ganitong kumpanya. Malaki rin ang pinapasok nitong pera sa ating bansa.

Isa pang napansin ko ay ang pabata ng pabata ang pinapapasok sa eskwela. Sa kin noon ay nanay ko lang ang nagturo sa kin magbasa sa edad na apat hanggang lima. At sa gulang na anim na taon ang karaniwang pinapasok sa eskwela ang kabataan sa aking henerasyon. Sa ngayon, tatlong taon pa lang puede na.  Ang pinakabago pa nga tulad ng napanood ko kanina sa isang balita ay kahit sanggol raw ay puede nang turuan at ginagawa pa ito sa nangungunang pamantasan sa ating bansa.  Tatlo hanggang anim na buwan raw ay puede nang ipasok sa eskwelang ito kasama ng kanilang mga ina. Ayon daw ito sa pag-aaral ng mga eksperto at makakatulong daw ito sa mas maayos na development ng mga bata.

Kumpara sa kung anong pinagkakaabalahan at pinaggugugulan ng oras ng mga kabataan noon at ngayon, masasabi kong halos pareho lang ng hangarin at binubunga ng mga ito. Physically, mentally, socially and emotionally, nagkakaroon ng maraming positibong epekto sa kabataan ang iba’t ibang aktibidades na ito.

Ang malaking kaibahan lamang, sa ngayon ay pinagkakagastusan  ng ilang mga magulang para maipasok ang kanilang mga anak sa ganitong  mga uri ng programa. May pagkakataon pa nga na mas mahal ang bayad sa ganito kesa sa mismong tuition sa eskwela ng kanilang mga anak. At minsan pa nga ay labag sa kalooban ng mga bata ang makilahok sa ganitong bagay kung di lang sila pinilit ng kanilang mga magulang.  Di tulad noon na kusa at gustong gusto ng mga bata ang mga bagay na pinagkakaabalahan nila.  

Napakarami nang nagbago. Andaming mga bagong sistema na unti unting nadagdag sa pamumuhay ng tao. Marahil ay kaya nawala na rin ang ilan sa mga ginagawa natin noon ay dahil sa maraming pinauso ang mga tao na tingin nila’y mas makakabuti at makakatulong sa pagabot ng pangarap at tagumpay ng kabataan ngayon.  Sa sobrang busy ng mga tao, yung mga bagay na noon ay nakukuha natin ng libre ay kailangan nang pagkagastusan sa ngayon. Sa sobrang gusto nating maging mas simple at madali ang buhay, sinusubukan nating gawing mas organisado ang takbo ng pamumuhay ng mga bata sa pamamagitan ng mga programang nabanggit.

Sa dami ng mga nauusong mga sistema at programa na sinusunod ng maraming tao ngayon na bunga sa mga pag-aaral ng mga eksperto, iiwan ko na lang sa inyo ang pagsagot sa mga katanungang ito. Puede nyong ilagay sa comment section ang sagot:
1.       Mas malaki nga ba ang tsansa na mas maging maayos at matagumpay ang kinabukasan ng mga batang ito kumpara sa mga bata noon?
2.       Nagiging mas malikhain at produktibo nga ba sila kumpara sa mga bata noon?
3.       Worth it ba ang pagkagastusan natin ang mga bagay na ito na ayon sa lipunan ay magbibigay ng bentahe sa ating mga kabataan?
4.       Magiging mas masaya kaya ang buhay ng mga bata ngayon?




Kung nagustuhan mo po ang artikulong ito, kung maari po ay i-share ito gamit ang iyong Facebook o Twitter account gamit ang mga button sa ibaba o ang floating icons sa bandang kanan para maenjoy din ito ng iba. At i-like din ang ating Facebook page sa pagpindot ng "like button" sa may upper right at gayun din sa pagfollow sa ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po.   
 

8 comments:

  1. kung talagang makakatulong ang maagang pagpasok ng bata sa paaralan, sana wala ng mga matatalinong tao nuon, wala na sanang mga henyo nuon.

    ReplyDelete
    Replies
    1. ayun pa. kung ikinulong sila siguro sa mas mahabang panahon sa isang silid kasama ng kanilang mga kaedad, magiging kasing creative kaya nila ang kanilang sariling natuto sa labas?

      Delete
  2. medyo related ang latest post ko dito pre. hehe!

    tingin ko, ikinakahon lang ng mga magulang ang learning environment ng mga bata ngayon. sa tingin ko, mas maige pa ring sa labas matuto ang mga bata. hayaan natin silang madapa, magalusan, makipag-away, etc. mas madaming matututunan, mas okay. kaya lumalaking lampa at emotionally unstable ang mga bata ngayon eh...

    ReplyDelete
    Replies
    1. oo nga no. pinagtaon talaga ito ng tadhana pre. sakto pa nga sa isang post din na nakita ko sa fb wall ko naman kanina lang, na "The way to make life hard for our children is by making it soft for them." parang ganon ata yung quote na nabasa ko rin kanina. hehehehe.

      Delete
  3. Ito ang mga mas naiisip ko kesa sa K12.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi Rae. kung ako tatanungin, baka di na nga natin kailangan ang ilan sa mga nabanggit pag nagkaroon na ng k-12. baka maburo na masyado mga bata sa classrooms.

      Delete
  4. Di mo pwede at hindi talaga kayang i-compare ang stansa ng "mas", o ang pagiging "mas" malikhain, o maging kung mas masaya ang noon at ngayon. May kanya-kanya lang talagang panahon at lugar ang lahat.

    Pero tama ka, mas maraming pwedeng magawa ang mga tao noon kesa ngayon. Ngayon kasi, puro na lang electronic ang "option". May naglalaro pa kaya ng patentero?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat sa pagbisita Johnrob.

      Sa palagay ko ay may mangilanngilan din na puedeng magkumpara at sila yung mangilanngilan din na naabutan ang dalawang henerasyon na ito sa kanilang kabataan at buhay. :)

      Delete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...