Friday, June 1, 2012

Ang Ma-inLove sa Pagiging In-Love ay Hindi Biro

Ilang mga programa na ba sa tv at radio na merong tema ng tungkol sa pagpapayo sa mga problema sa pag-ibig? Mula pa sa panahon ata ng mga lolo natin hanggang sa kasalukuyan ay hindi nawawala ang ganitong uri ng programa at talaga namang sinusubaybayan at matataas ang ratings na kanilang nakukuha. Ako man, aminin ko na hooked ako sa mga ganitong uri ng talakayan at programa.  Nakaka-adik makinig ng problema ng iba at nakakalibang din ang pakinggan ang mga payo at reaksyon sa mga callers na minsan ay makakadama ka ng pagkaawa pero kadalasan ay pagkainis na may kasama pang side comments tulad ng “tanga, bobo, martir, baliw, gaga” dahil nga sa minsan e parang andali namang desisyunan kung paano makakalampas sa kanilang mga hinaing pero parang di nila makuha o ayaw lang talaga nila gawin kung ano ang tama.


Sa aking obserbasyon, kadalasan na mga problemang itinatawag  sa ganitong mga programa ay dahil sa “pagsasawaan” at “pagbabago ng ugali at pakikitungo” ng kanilang kapareha.  Normal naman talagang nangyayari ang ganitong bagay pero kadalasan, sa pagkkwento nila ay nalalaman din kung san nagsisimula ang problema sa ganitong mga uri ng relasyon. At isang KATOTOHANAN lamang ang aking nakita. Ang katotohanang ito ay dahil sa HINDI ang karelasyon nila ang kanilang tunay na minahal kundi ang mismong IDEYA ng pag-ibig at ng pagkakaroon nito ang siyang kanilang kinahumalingan.


What do you think?


Karamihan sa atin ay nangangarap ng isang perpektong love story. Yung sobrang romantic, may konting aksyon, drama, suspense pero happy ending. Yun bang parang sa mga palabas sa sine na nagkakaroon ng problema sa umpisa na tipong against all odds ang dating pero sa huli e sila pa rin.  O kaya ay langit at lupa ang pagitan pero magtatagpo pa rin at magkakatuluyan. Kasabay ng pangangarap natin ng isang perpektong pag-ibig ay yung pagkahumaling din natin sa mga ideal na leading lady or leading man sa love story natin. Yung bad boy na romantiko, yung supladang maganda pero malambing naman pala, o yung sobrang sweet and thoughtful na nakakalambingan mo hanggang gabi o yung mahilig magbigay ng surprises o yung handang mamatay para ipaglaban ang pag-ibig sa yo.  Puede ring damsel in distress na naghahanap ng iyong kalinga o kaya knight in shining armor na handang magtanggol at mangalaga sayo kahit anong oras. Yan ang mga kadalasang nakikita nating mga karakter sa mga romantikong kwento na siya ring pinapangarap na maranasan ng karamihan sa atin.


Dahil sa obsesyon na meron ang ilan sa atin na makatagpo ng ideal partner at love story, nagkakaroon tayo ng ilusyon na ang mga kwento at mga karakter na ito sa mga palabas ay ang talagang nangyayari sa tunay na buhay.  Sa kalaunan ay nagiging obsessed na rin tayo na maghanap ng tao na siyang  maikakahon natin sa istorya at karakter na binuo natin sa ating isipan. At sa sobra din nating pagkahumaling, kadalasan na pinipilit na lang natin na i-akma ang ating mga ilusyon sa mga tao na nasa ating paligid gayon din ang ating mga sitwasyon. Nandyan yung kapitbahay na madalas mong makasabay sa jeep o ang kaopisinang madalas mong nakakasabay sa lunch o yung kaklase mo na kagrupo mo sa thesis or sa project o kaya ay yung cute na laging bumibili sa bakery nyo ng pandesal sa umaga. 

Dahil na rin sa ating ilusyon, tayo na mismo ang gumagawa ng hakbang para sumakto sa mga karakter ng istorya natin ang mga taong ito. Nakikita natin sa kanila bigla yung mga bagay, katangian at pag-uugali na ipininta natin dun sa mga karakter na pinapangarap natin.  Nakakakilig.  At syempre, pagkatapos nun ay gagawan na rin natin ng paraan para mapalapit tayo sa taong yun. Nandyang tayo na ang magpapakita ng motibo o maglambing at sumuyo sa kanila hanggang sa magkahulugan ng loob at manliligaw sa kanila at maging karelasyon na nga ng taong ito. At sa pangyayaring yun ay siguradong magiging maligaya na tayo. Happy ending. 


Can be found on books


Pero bakit nga ba humahantong sa hiwalayan ang marami sa mga ganitong istoryang at kadalasan nga, tulad ng nabanggit sa itaas ay nagkakaroon ng “sawaan” o “pagiiba ng ugali at pakikitungo” sa magkabilang panig? Parang masaya naman ang mga pangyayari.  Parang wala namang problema sa umpisa, pero kadalasan ay nagmumula ang gusot doon na sa mga sumunod na pangyayari. 


Dahil sa pagkahumaling sa istoryang binuo sa isip maging sa karakter na siyang kinahumalingan, tila baga ay nakakalimot na rin ang ilan na sa tunay na buhay ay walang director na magpapatakbo ng mga eksena at ang kanilang karelasyon ay totoong tao na di binigyan ng costume at script para sundin kung ano yung pag-uugali ng karakter na binuo nila sa isipan. At sa oras na mapagtanto nila na hindi pala ito ang kanilang pinapangarap na love story,  dito rin nagsisimulang gumuho ang relasyon.
 
Dito na rin lalabas ang katotohanan, na ang kanilang tunay na minahal ay hindi ang taong iyon kundi ang karakter na siyang pilit nila ditong ipinapasuot at ang pag-aakala na sa piling ng kanilang nakarelasyon mararanasan ang kanilang pinapangarap na pag-ibig. Sa madaling salita, umibig sila sa mismong ideya ng pag-ibig at hindi sa taong kanilang nakarelasyon.


Kung sana ay kinilala nila ang taong ito, marahil ay hindi sila umabot sa puntong nagkasawaan. Hindi sana nila binigyan ng mga expectations na ayon sa kanilang imahinasyon ang kanilang karelasyon maging sa pinatutunguhan ng kanilang pagsasama, marahil ay naging mas ok sana ang kanilang love story. 


Tandaan sana natin na walang perpektong love story at walang perpektong leading man or leading lady sa tunay na buhay. At mas lalong hindi tayo perpekto para umasa na magkaroon tayo ng perpektong kapartner at relasyon.  Lahat ng tao ay iba-iba at nagbabago, ganon din sa mga uri ng relasyon. Iba ang pelikula at mga nobela, iba ang sa totoong buhay.  Kung babawasan natin ang matataas na ekspektasyon sa ating kapwa at bibigyan natin ng pagkakataon na kilalanin sila maging ang ating mga sarili, hindi man ito maging kasiguraduhan ng maganda at panghabambuhay na relasyon, higit namang mas malaki ang pagkakataon na magbunga ito ng magagandang bagay sa kahit na anong uri ng pagsasama.

Kung natuwa kayo sa kwentong ito, puede po ninyong i-share ito via Facebook or Twitter using the floating icons. At i-like ang ating Facebook page at i-follow ang ating Twitter account sa pagpindot sa buttons sa may gawing kanan ng pahinang ito para sa mga updates ng aking blog. Salamat. :)

6 comments:

  1. May mga taong sadyang nabubuhay sa pangarap. Yun ang dahilan kung bakit pilit na iniaakma ang bawat karakter sa kanilang totoong buhay sa mga karakter na bumubuo sa kanilang fairy tale. minsan, nakukulong na sila sa mismong kwentong kanilang hinabi na ang tanging paraan na lamang ay wasakin ang kanilang obra maestra. masakit man pero kailangang gawin para mamulat sa realidad ng buhay.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thanks for sharing your thoughts here Lawrence. Sana nga ay magising din ang ibang patuloy na nabubuhay sa pangarap. :)

      Delete
  2. buti na lang bata pa ako para sa mga pag-ibig pag-ibig na yan. lols!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Pag-ibig ang kasagutan sabi ni Kabayan. hehehehe.

      Delete
  3. Minsan sa buhay ko, (nung bata-bata pa) ay naranasan kong ma-in love sa pagiging in love. Sabi nga, parte yan ng paglaki. Matuto lang dapat maghintay at darating din iyon (pagdating ng panahon by aiza seguerra). Masamang impluwensya ng telenovela. Anyway, salamat, nag-enjoy akong basahin ito. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. onga, karamihan talaga yung mga bata ang dumadaan dito. After nun, dapat e matuto na and mag move on and magmature ang pananaw sa pag-ibig. ganon din kasi ako, hehehehe. thanks po sa pagdropby :)

      Delete

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...