Saturday, February 8, 2014

Tado Ka Talaga, Salamat



Sa dami ng mga makabagong uri ng panlibang at mga palabas na napapanood ngayon sa telebisyon, paano mo magagawang interesante ang isang programa na nagpapakita ng mga ginagawa ng mga karaniwang tao sa paligid tulad ng magtataho, factory worker, mananahi, panday, sepulturero, magbabalot, maglilitson at iba pang mga dinadaan daanan lang natin sa paligid sa araw araw?

Dagdagan mo pa ng host na hindi kilala ng karamihan, maliit na budget, kaunting gamit, at ilagay mo sa istasyon na maliit kumpara sa kinalalagyan ng mga naglalakihang artista ngayon.



At pagkatapos ay dadagdagan mo ng konting komedya para kahit papano ay hindi masyadong boring ang gagawing mga panayam ng hindi kilalang host na ito sa mga simpleng tao. At dahil konti lang ang mga aktor na puede mong paganapin at mga hindi pa sila kilala, may ilan sa kanila na gaganap ng iba’t ibang mga katauhan tulad ng doctor, taong grasa, nagbebenta ng dvd,  preso at kung ano ano pa. At sa gagamiting komedya, bawal yung panlalait na tulad na ginagawa ng karamihan ng mga bumebentang komedyante ngayon. Dapat wholesome, may konting kapilyuhan na tanggap sa lahat ng manonood at hindi nakakababa sa katauhan ng kinakausap. Tapos pupunta kayo sa mga sulok sulok ng Pilipinas na madalas na naman natin na napupuntahan tulad ng Baguio, Tagaytay, Cubao, Corregidor, Nepa Q Mart, UP, Sementeryo, Batangas, factory ng candy at ng taho, tindahan ng kubeta, etc.

At lagyan mo ng mga paulit ulit na eksena na irerecycle mo lang sa kada episode. Tingin mo bebenta ba ang ganyang set up? Makakakuha ba yan ng mga manonood kung ganyang labo labo lang yung mga ginagawa nyo at wala pang tinatawag na “star factor”?



Kung alam mo ang sinasabi ko, tama, nagawa na ito ng isang grupo ng mga simple pero talentadong mga tao na hindi pa kilala noong mga araw na yun.  Marami ang sumubaybay sa Strangebrew na isang palabas na kinabilangan ng mga bidang sila Angel Rivero(Erning) na ginampanan din ni Julia Clarete ng ilang episodes, Ramon Bautista (taong grasa, tindero, doctor, preso, etc), Jun Sabayton (Jestoni, kontrabida, etc), Arvin ‘Tado’ Jimenez (Tado) at ang direktor nila ay si RA Rivera

Ipinalabas ito noong early 2000s sa UNTV37 na noon ay pag mamay-ari pa ng NU107 na ngayon ay wala na rin sa radio. Nagkaroon ng cultlike following ang palabas. Halos lahat yata ng mga kabataang kilala ko noon ay alam ang palabas. At tipong kahit ilang beses ipalabas sa maghapon ay papanoorin mo pa uli. Maging ang mga magulang ko ay natatawa sa palabas na ito. Informative kasi nakikita talaga yung mga ginagawa ng mga karaniwang tao. Nakakatawa kasi natural ang humor ng lahat ng karakter sa palabas. At walang iniinsulto. Parang luma ang dating pero bago. Parang laos na pero nasa uso. 

Dahil sa palabas na ito, marami akong kilala na nag-alaga ng cactus (isa na ko dun at pinangalanan ko rin siyang Joan), gumamit ng shorts na American Flag ang design pangswimming, ginustong magpunta sa Baguio at maghanap ng buko pie (atang isa sa pinuntahan ko ay ang tinawag ni Tado na Rizal Park Baguio City Branch),  o kaya ng pagkaing hinahanap hanap na pandesal (na walang bromate), bumili ng balisong, kumain ng taho at balot, ng candy, bumili ng pastilyas, ng mga binurdang tela at kung ano ano pa. Pilipinong Pilipino ang palabas pero hindi pilit. Para kang nanonood ng mga taong lasing na nag uusap. Pero matatalino. Pero hindi halata. Na binubuka na pala ang kaisipan mo sa karaniwang bagay, lugar at tao na di mo pinapansin pero interesante pala at bumubuhay pa sa maraming tao.



Hanggang sa hindi na nasundan ang tatlong season. Paulit ulit na yung episodes pero pinapanood pa rin namin. Hanggang sa mawala na nga sa ere ng tuluyan kasama ng pagkawala ng UNTV37 sa pag mamay ari ng NU. Ito ang naging dahilan para mapansin at magkaroon ng career sa mainstream sila Jun, Angel, Ramon at Tado. Si Ramon ang isa sa pinakavisible sa kanilang tatlo. Si Angel sa radio at hosting, si Jun sa ilang palabas sa TV, at si Tado naman ay naging aktibo di lang sa showbiz kundi pati sa mga social activities na may kinalaman sa kalagayan ng ating bansa.

At kahapon nga ay binigla tayo ng balita na si Arvin ‘Tado’ Jimenez ay pumanaw na kasama ng ilan pa sa naaksidenteng bus sa bandang Mountain Province. Bilang isa sa advocate ng paggamit ng bisikleta at pagkakaroon ng bikelane sa lugar nila sa Marikina hanggang Antipolo para sa mas maayos na kalsada, nakakalungkot isipin na sa paraang ito pa siya mamamatay. Noon ay naging aktibista si Tado kahit nung estudyante pa lang siya sa PUP na siyang pinagtapusan ko ring pamantasan. Limang taon daw niya kinuha ang psychology kasi minaster niya maigi ang mga subjects. Nung napasama siya sa mga banda banda ay dun nagsimulang makita ni Tado ang kanyang kakayahan sa harap ng camera. Nagkaroon na sya noon ng ilang mga indie clips bago pa man nagkaroon ng Strangebrew. Madalas din siyang kasama sa mga music videos ng mga banda tulad ng Parokya ni Edgar at ng Radioactive Sago Project.  Sa kabila nito ay patuloy siyang naging aktibo sa mga adbokasya niya tulad ng patungkol sa kalikasan at paglaban sa korapsyon.  



Bilang ama, tinataguyod nya ng maayos ang pamilya nya ayon na rin sa mga kaibigan nya. Kung konti man ang proyekto niya sa showbiz, meron naman siyang negosyo na Limitado shirts. Ayon na rin sa mga kilala ko na malapit sa kanya, madalas siya na nakikitang kasama ng pamilya at nagsisimba pa nga. Ang mga anak niya ay matatalino at may honor pa nga sa eskwelang pinapasukan. At pag nagpapaayos siya ng kanyang auto (na Volkswagen talaga sa tunay na buhay) sa isa sa mga lugar malapit sa min at napakasimple at seryosong tao niya raw at kaiba ito sa nakikita ng mga tao sa telebisyon na para lang loko loko na siraulong adik. Tanggap ni Tado malamang ang persepsyong ito sa kanya ng tao, lalo kung ito naman ang kabuhayan nya at kinabubuhay ng pamilya nya. 

At ngayon nga ay wala na siya. Iba iba ang pagkakakilala natin sa kanya. Hindi naman tayo lahat ay nakalapit sa kanya. Pero sa mga nakita at napanood ko sa kanya, masasabi kong sayang talaga. Apektado ako sa pagkawala nya dahil sa panahong magulo ang buhay ko, isa siya sa nagbigay ng mga ideya kung paano ang pagiging malikhain. Sa ilang paggawa ko ng videos noon ay hango sa kung ano ang ginagawa nyo. Sa ilang humor na sinisingit ko sa mga ilang sinusulat ko noon pa o kapag nagbibigay ako ng talk, dahil yun sa kung paano ko nakita na epektibo ang wholesome humor nyo.  Maraming bagay ang sinubukan at ginawa ko kasama ng ilang kaibigan dahil sa napanood namin sa inyo. Isang new year na unforgettable nung binate pa ko na nakinig kami ng mga barkada ko sa radio drama nyo na talagang patok na patok (featuring neneng, ang babaeng patapon. Nahawakan sa tuhod, napariwara na).  Yun yung panahon naman na nagreunion kayo sa radio bilang BREWRATS (Brew Ramon Angel Tado Show). At nawala na rin yun kalaunan.



Iba talaga ang dating ng grupo nyo. At dahil dun ay marami na rin kayong narrating ng magkakahiwalay. May nagsulat ng libro, may mga palabas pa rin at may mga kung san san na nakarating. Pero ngayon, ikaw ay wala na. Hirap talaga isipin. Di nga ko makatulog kagabi. Naisip ko rin kasi yung kalagayan mo. Paano rin kung sa kin nangyari yun? Maliliit pa ang anak ko. Kahapon lang malakas ka pa tapos ganon na lang ang bigla, wala talaga tayong control. Nakakagulat pero nangyayari talaga yan. Sabihin na nating maiiwasan sana ang nangyari sa inyo kung may ilang tao na ginagawa ng maayos ang kanilang trabaho. Pero wala, sisihan pa rin ang mangyayari. Ilang beses ko na rin sinulat dito sa blog ko ang galit sa mga ganyang uri ng pangyayari na dala ng kapabayaan ng ilan. Pero wala, ganon talaga. Matitigas ulo natin. Pero ikaw, hanggang huli, bago ka mamatay ay may balak ka pa ring gawing mabuti sana para sa maliliit na tao na tulad natin. Pero dyan na rin pala matatapos ang buhay mo. Di bale, panigurado naman na di pababayaan ng Diyos ang pamilya mo at nandyan pa ang mga kaibigan mo. Sana tuloy tuloy pa yung Limitado shirts at bibili talaga ako.



So once again once more, salamat DJ Tado. Sa tinagal-tagal ko nang sumubaybay sa inyo, napaibig na ko sa maraming bagay at marami na ring tao ang gusto kong baguhin ang ugali. Buti na lang, yung gamit kong laptop ay may pula, asul at green na mga wire at may serial number pa para makatiyak sa aking kaligtasan. Noong tumakbo kami sa student council sa department namin nung college, ginamit namin ang isa sa mga bukambibig mo noon para gawing party name. Yun ay ang ASTIG. Short for Alliance of Students Towards the Institution's Growth. Astig di ba? Kaya nanalo kami halos lahat, isa lang nalaglag sa partido. Pero minsan, alam mo ba na gusto ko ring mamitas ng kaimito habang pinapapulot ang sabon sa motor.  Kaso nung bumili ako, nahirapan akong tumawad sa presyo, P 46.50 na nga, naging P 500 pa. Mabuti pa siguro eh magrelax na muna ako ngayon at kakain muna ko ng masusustansyang pagkain gaya ng Oishi prawn crackers at mga prutas gaya ng Juicy Fruit at mango juice. Etong huling paragraph, wala to, wag mo pansinin. Mga brewsters lang ang makakaunawa nito, mapa laking aircon man o laking electric fan sila, magegets nila ito. Ke mahilig man sila sa papaya o sa marang, pareho lang ang epekto. Lahat kami malungkot. Kahit pa kasing self-centered ko sila dahil minsan na rin akong nasabing literate guy ni Angel sa radio dahil nakaka YM ko pa siya noon at hindi pa uso ang FB kaya sa friendster ko nakausap si Ramon nung di pa sikat at tinanong ko siya kung si Jun Sabayton nga ba ang nakasabay namin noon papuntang Galera sa bangka. Pero kahit illiterate na Brewster, wala naman ding problema.  Enjoy lang sa byahe Tado. Pagdadasal ko ang kaluluwa mo at ang kalagayan ng pamilya mo. Marami ka nang natulungan at napasaya kaya ka siguro pinagpahinga na ni Lord. Ayos lang yan. Ganyan talaga. Sabi mo nga, una una lang yan, susunod din yung iba. Wag muna ako. Oki? Pagdadasal ka namin dito Tado. Para sa iyong kaluluwa at para sa hustisya. At pagdating mo dyan sa taas, pagdasal mo rin kami dyan. Astiiiig. Tama!


8 comments:

  1. Wow ang husay ng tribute! RIP Tado! Oops, parang minura ko pa siya. :p

    ReplyDelete
  2. Nakapanoo ako ng ilang episodes nyan nung time na tumigil ako sa panonood ng TV regularly. At nagustuhan ko agad yung Strangebrew. Although naweirduhan ako, alam ko may sense.

    ReplyDelete
  3. I hope meron sa YouTube ng mga shows nila.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Meron bro. Search mo lang yung strangebrew. :)

      Delete
  4. Sobrang apektado ako dito. At alam ko yung episode ng picture na yan na may kotseng kuba. Yan yung merong bundok na may malakas na magnetic pull, tapos the car would go uphill kapag di naka-handbreak. Haaay.

    Ang favorite quote ka sa t-shirt nya, 'di bale nang tamad, di naman pagod'

    ReplyDelete
    Replies
    1. ay oo, naalala ko din yung episode na yan. ginusto ko rin magpunta dyan. nagbabalance pa nga sila ni erning tapos tawa sila ng tawa kasi pabagsak sila "pataas".

      Delete
  5. I was supposed to meet Tado the same day na nagkita tayo bro. Sa kanya ko dapat ipapagawa yung t-shirt for our advocacy group. Nakakalungkot talaga na nawalan tayo ng isang kaibigan at kakampi.

    ReplyDelete
    Replies
    1. aww. sayang bro. kung alam ko lang dapat pala sumama ako nun bro. nakakalungkot nga talaga eh. Sobrang laki ng impluwensya niya at ng mga kasama nya sa kin.

      Delete

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Follow my Blog