Monday, May 20, 2013

Marumi, Makalat at Nakakasawa? Sinong Kawawa?

Habang pinagtatawanan at pinagkikibit-balikat natin ang mga kandidatong sumisigaw ng "pandaraya", at di natin pinapansin ang ilang grupo na nagsasagawa ng sariling imbestigasyon sa mga iregularidad sa halalan at tinatanggap na natin na buong katotohanan ang kasabihang sa Pilipinas ay walang kandidatong natatalo kundi meron lang nadadaya, hindi natin maaalis ang katotohanang marami ang dumanak na dugo ng ilang tao na napatay ng dahil sa pulitika, na ilang mga tao sa paligid natin ang alam nating tumanggap ng pera para sa boto, ilang mga black propaganda na tayo mismo ang nakatanggap at nakabasa at ginagawa tayong tanga para isiping paniniwalaan natin ang bawat isa doon. Na pinaniwalaan naman din nga ng iba.




From a Facebook post.

Hindi kaya ang "pagkasawa" ng tao sa usapang dayaan sa eleksyon ay pakana rin ng iba na maumay na tayo at di na lang pansinin at tanggapin na lang kung ano ang resulta? Resulta na hindi lang patungkol sa mga bilang kundi maging ng kalat na iniiwan ng kada halalang natatapos. Kalat ng mga tarpaulins at posters. Kalat ng maruruming salitang binato ng isang kandidato laban sa kanyang kalaban. Kalat ng hidwaan at pagkabahabahagi ng mga mamamayan dulot ng pagsuporta sa kani kanilang mga kandidato. At kalat kalat na karahasan, bahid ng dugo dulot ng kaswapangan sa kapangyarihan.  Kalat ng kawalang tiwala ng mamamayan sa sistema ng eleksyon. Makalat. Marumi.




From another Facebook post.



Pero sawa na nga ata ang tao. Kaya hayaan na lang daw. Ganon din naman daw ang mangyayari. At tayo tayo din naman ang kasali rito. Kaya sino pa ang aasahan nating mag-aayos? Ah, kawawa ang mga susunod pang henerasyon. Palala ng palala. Kawawa ang mga bata.  Dahil lang sa ating "pagkaumay at pagkasawa", pamamana na lang natin sa kanila kung ano ang sistema.  Sa anak ko, sana ay wag mong ikagagalit ito sa aming mga naunang henerasyon balang araw. Sana rin ay sa panahon mo at ng mga susunod pa ay wala nang dugong dadanak, wala ng maruruming paggamit ng  pera, wala na ang walang kapararakang siraan. Pero tama ka, paanong mangyayari kung wala kaming gagawin. Pasensya ka na. 

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...