Likas
na sa ating mga Pilipino ang maging mapagmalaki (o sige na nga, magyabang) ng
mga bagay bagay na nauukol sa atin para bumida tayo sa iba. Minsan ay umaabot
pa sa puntong exaggerated na ang pagkkwento para lang maging sikat tayo sa
usapan kaya nga merong mga joke na “wala yan sa lolo ko” ay dahil na rin sa
ganyang ugali natin.
Sa
aking pagninilay nilay (o pagtanga-tanga lang pag walang magawa) aking napagtanto na tila isa
ito sa dahilan kung bakit pababa ng pababa ang antas ng disiplina sa ating
bansa at palala rin ng palala ang mga masasamang bagay na nagagawa ng nakababatang
henerasyon ng ating bayan. Kung bakit, bigyan ko kayo ng halimbawa.
Isang
madalas na pangyayari na isang nakatatanda na nagkukwento sa isang grupo ng
kabataan, tipong ganito:
Nakatatanda:
“Nung bata kami, naku, yung si Mang Pedring na masungit dun sa lugar namin? Nako
e lagi kami hinahabol ng matandang yun. Madalas kasi e sinusungkit namin yung
mga mangga niya sa likod bahay nila. Halos maubos nga yung mga bunga eh, tapos
pag wala na kami mapitas eh babatuhin pa namin yung bubong ng bahay nila mang Pedring
saka yung aso nila na nakatali. Nako e kandagalit yung matandang yun, habol
siya sa min, may dalang pamalo. Walang magawa ang matanda, hehehe. “
Mga
Bata: “wow, astig nyo po pala ah!”
Nakatatanda:
“Oo naman, at di lang yun. Yung nakuha naming mangga e ibebenta namin sa
palengke, yung pinagkakakitaan namin, ayun pinambibili namin ng lambanog, ang
sarap! Lasing lasing kami ng barkada lagi nun, kahit pa may mga pasok pa kami
sa skwela. “
Mga
Bata: “ayos po pala ang trip nyo ah,
e pano po pagpasok nyo sa school?”
Nakatatanda:
“E di ayun, pagdating pa namin sa klase mga lasing pa, ayun suki kami sa
guidance. Kilalang kilala nga kami dun eh, sawang sawa na nga sa pagmumukha namin
yung guidance counselor, pero wala sila magawa. E pano, yung nanay ko eh
kaibigan ng principal yun, e sila pa nga humihingi ng pasensya minsan sa min.
hehehe. Ibang iba talaga kami nun, kaya yang mga ginagawa nyong kalokohan, wala
pa yan. “
Mga Bata: “Wow, ang
galing nyo naman!!! Idol na namin kayo!”
May
kasabihan nga na ang ginagawa ng matanda kahit mali ay nagiging tama sa mata ng
bata. Parang etong si manong na nasa halimbawa natin, sa kagustuhang bumida sa
mga bata, sumobra sa pagkwento at pagexaggerate ng mga detalye at hindi rin
niya isinaisip na yung pagkkwento niya sa mga bata, tila ba chinachallenge niya
ang mga ito na gawin o lampasan pa yung nagawa niyang kalokohan. At dahil sa exaggerated
nga niyang kwento, inaakala tuloy ng mga mas bata na ok lang gawin ang mga
ganong bagay at puede naman pala nilang takasan yung responsibilidad sa mga maling
bagay.
May
listahan ako sa baba ng 7 sa mga maling yabang ng mga Pilipino na kadalasan e
naipapasa pa natin sa mga bata at sa sobrang gusto nating maging bida. At dahil
dito, yung mga bagay na dapat ay mali, hindi dapat gayahin at iwasan sana ng
mga kabataan e tila nagiging normal na lang dahil sa maling pagyayabang natin. Eto
na po ang ating list:
- Pagyayabang
ng alak na nainom, naka ilang bote at anong kalokohan ang nagawa nung lasing
sila. - Pasikatan
pa talaga, meron na sasabihin na isang case naubos niya, o kaya yung sobrang
tapang na alak tapos sabay sasabihing nakipagsuntukan siya sa pulis na humuli
sa kanila o kaya e natulog sila sa gitna ng EDSA nung lasing na lasing na sila.
Feeling nila siguro cool sila pag ganito.
- Petty crimes (pangungupit,
paninira ng gamit, pananakit ng kapwa) – Yung mga nakupit sa nanay/tatay nila, sa tindahan
ni aling Nena o kaya e sa na-nenok na gamit sa opisina. Kasali din yung mga
sinirang signboard, binutas na gulong ng jeep ni mang Gustin, o kaya vandalism
na nilagay sa may eskwela nila. Bidang bida nga naman sila dito, mas malala,
mas panalo.
- Basag ulo - Dagdag pa yung pagyayabang na
nakipagsuntukan sila kay ganito, tapos nagulpe nila na di man lang pumalag.
Paborito din natin itong ipambida. Macho nga naman ang dating.
- Nakarelasyon, ginawa sa
nakarelasyon –
Para naman to sa mga kiss and tell. Meron sa mga babae pero mas madalas sa mga
lalake. At dito mas matindi ang exaggeration. Lalo na sa mga inuman e tipong
kala mo e siya na ang love/sex guru sa kwento niya. At para bang lumalabas e material
na bagay na lang yung nakarelasyon niya at wala na yung dignidad ng pagkatao
kung makakwento, at sa mga mas bata na nakakarinig, kala nila tuloy ay ganon
ang tamang gawin.
- Pandaraya/Panggugulang – Pangongopya at pangongodigo
nung estudyante pa, mga iba’t ibang techniques para makalusot sa mga thesis or
term papers, o kaya naman e pandaraya sa trabaho para maka petiks lang. Mas
grabe, mas daring, mas bida. At ikukwento pa yan sa mga mas bata na para bang
nagbibigay ng “tips” sa mga dapat nilang gawin.
- Pagsuway sa batas – Madalas ito sa batas trapiko.
Makakarinig ka ng mga nagmamalaki pa nung nakipagkarera sila nung minsan sa may
c5, o kaya may tinakasan silang traffic violation at tinakbuhan yung MMDA.
Basta yung mga bawal na ginawa nila, yun ang talagang proud na proud pa ang
marami sa atin.
- Padrino at koneksyon – Talaga namang mapagmamalaki mo
to pag may koneksyon ka. Malakas ka kay Mayor, Governor, Senator, Manager,
Chief, General, etc. Tipong sasabihin pa na “sige pare, ako bahala sayo. Isang tawag
lang natin kay bossing yan.” Ayaw na ayaw natin ng nalalamangan pero pag tayo
ang nanlalamang, well, isang pagmamalaki pa yan sa karamihan.
Marami pang
ibang mga “maling yabang” tayong nakikita at lahat ng yan, sa pag-aakala man
natin na walang masamang epekto ay merong nagiging bunga pagtagal ng panahon
lalo na sa mga sumusunod pa na henerasyon. Bilang mas nakatatanda at mas
nakakaalam, inaakala nila na yung mga pinagmamalaki natin ay normal na lang at
tama, at pagdating ng panahon na sila na yung nakatatanda, tinutularan na nila
ito o kaya ay hinihigitan pa dahil nga naman nakakalusot naman pala sa mga
ganon yung mga elders nila at syempre, para sa susunod sila naman ang bida. And
the cycle continues. Ano, may mga maipagyayabang ka pa ba? Siguraduhin mo lang
na ok yan, dahil kung hindi, malamang na wala yan sa lolo ko.
Kung naenjoy mo ang artikulong ito, kung maari po ay i-share ito gamit ang iyong Facebook o Twitter account gamit ang mga button sa ibaba o ang floating icons sa bandang kanan para maenjoy din ito ng iba. At i-like din ang ating Facebook page sa pagpindot ng "like button" sa may upper right at gayun din sa pagfollow sa ating Twitter account para sa updates sa aking blog. Salamat po.